Ang Hindi ko Makalimutang Tatay Namin
Posted on Thursday, 11 June 2015
Happy Fathers’ Day!
Ang Hindi ko
Makalimutang Tatay Namin
Ni Apolinario Villalobos
Simple lang ang buhay namin noon. Nagtitinda ng tuyo ang
aming mga magulang hanggang sa ito ay nalugi. Bumigay ang maliit na puhunan
dahil sa laki ng aming pamilya. Mula noong nasa grade one (walang pang prep
noon) hanggang grade five ako, dama ko ang saya ng pamilya namin. Yon nga lang,
lahat kami ay walang baon pagpasok sa eskwela.
Tuwing uuwi ang tatay namin, palagi siyang may pasalubong na
saging. At kung isda namang nakatuhog sa yantok (rattan) na panali (wala pang
supot noon) ang inuuwi, palagi namang tilapia na siyang pinakamura. Siya na rin
ang naglilinis at nagluluto. Dahil sa kamahalan ng isdang dagat, lumaki akong
hindi ko sila “nakilala” kaya hanggang ngayon ay wala ako ng sinasabing
“acquired taste” para sa mga sariwang isdang dagat. Ang kilala ko lang noon na
isdang dagat ay nasa lata - sardinas. Maliban sa tilapia, ang binibili ng tatay
ko ay bangus na nagkakamurahan kung hapon na, pero dahil sa dami ng tinik kaya
mahirap kainin, nagkasya na lamang ako sa sabaw.
Walang bisyo ang tatay namin, hindi tulad ng nanay namin na
nagnganganga. Ang kinatutuwa ko pa ay ang pagtabi niya para sa akin, ng mga diyaryong
pinangsapin sa mga kahon ng tuyo. Napansin kasi niya na matiyaga kong binabasa
ang mga ito kahit malakas ang amoy…inuuwi ko pa at itinatago sa ilalim ng kama.
Dahil sa ginagawa ko, pingot naman ang inaabot ko sa ate namin. Tumigil lamang
siya sa pagbulyaw nang magwala ako dahil sinunog niya ang “collection” ko. Natakot
yata nang pinagtutumba ko ang mga silya, kaya tumakgo siya sa palengke upang
manghingi sa ibang nagtitinda ng
tuyo…pampalit sa mga sinunog niya!
Noong hindi pa ako nag-aaral, tuwang-tuwa ang tatay ko sa mga
isinusulat kong mga salita sa lupa gamit ang maliit na sanga ng kaimito, na
kinokopya sa kung anumang babasahin na mahagilap ko. Ang una kong isinulat
noong tatlong taon pa lang daw ako ay “Purico”, isang brand ng mantika na uso
noon. Yon kasi ang gamit namin sa pagluto kaya nababasa ko ang nakasulat sa
kartong pambalot. Nasundan ito ng mga pangalan ng mga kapatid ko, kaya palaging
puno ng mga isinusulat ko ang lupa sa bakuran namin. Mabuti na lang at wala pa
noong spray paint, dahil baka pati dingding ng bahay ay hindi ko pinalampas!
Pinagtatanggol niya ako kapag pinapagalitan ako ng nanay
namin, tuwing umuwi akong maraming sugat dahil sa pag-akyat sa mga puno ng
prutas ng mga kapitbahay. Dahilan niya, inuuwi ko naman daw ang mga prutas para
sa mga kapatid ko. Ganoon din kapag naghahakot ako ng mga supot na plastic na
napupulot ko mula sa basurahan ng isang bakery, dahil ginagamit ko ang mga ito
bilang pang-cover ng libro. Dahilan niya, pati naman daw mga kapatid ko ay nakikinabang.
Naigagawa ko rin kasi sila ng raincoat, mula sa mga pinagtagpi-tagping mga
plastic. Ang hindi lang niya matanggap ay nang mag-uwi ako ng maliit na ahas na
iniligtas ko sa pananakit ng ibang bata…noon na siya nagalit sa akin.
Noong nasa kalagitnaan ako ng grade six, nalugi ang negosyo
namin. Gamit ang maliit na puhunang natira, nagtinda ng ukay-ukay ang nanay
namin. Ang tatay naman namin ay naging kargador ng mga kaibigan niyang may
puwesto sa palengke. Mula madaling-araw hanggang hapon siyang nakaistambay sa
dati naming puwesto at naghihintay ng tawag kung may gagawin. Ganoon siya
katiyaga. Kung minsan dinadalhan ko siya ng tanghalian. Ganoon pa man, hindi ko
narinig na nagreklamo ng pananakit ng katawan ang tatay namin.
Nang panahong nangangargador siya, napadalas ang pakisama
niya sa mga kumpareng nagbigay ng trabaho sa kanya, kaya natuto siyang uminom
ng alak. Hindi kalaunan, dahil sa kahinaan ng katawan, bumigay ang kanyang atay
dahil sa kanser. Mula noon, nagtiyaga na lamang siya sa pagdungaw mula sa
bintana habang minamasdan akong nagwawalis sa aming bakuran at nagsusulat sa
lupa. Pumanaw siya noong nasa kalagitnaan ako ng Grade Six.
Sa kanya ko natutunan ang ugaling hindi pagpili ng gawain,
basta marangal. Nalaman ko sa isang matandang kamag-anak na naging kaminero o
basurero din pala siya noong nanliligaw pa lang siya sa nanay namin, kaya pala
galit sa kanya ang ibang tiyuhin namin sa ina. Palagi niyang sinasabi na ang
kita ay nakakatulong kaya hindi dapat ikalungkot kung ito ay maliit.
Nakakatulong din ang kasiyahan sa ginagawa upang matanggap ng lubos ang isang
gawain, ano man kababa ito… ganyan daw dapat ang panuntunan sa buhay.
Hindi nakatapos ng elementarya ang tatay namin, subalit
pinagmamalaki namin siya. Ang turing ko sa kanya ay higit pa sa isang doktor o
abogado, o sa isang Presidente man ng kung anong bansa pero tanga naman, o
Bise-presidente ng kung anong bansa din, pero
kurakot naman!
Sa panahon ngayon, lalong umigting ang respeto at pagmamahal
ko sa tatay namin. Hindi ko siya ipagpapalit sa ibang tatay ngayon na mayaman
nga at kilala sa lipunan, subalit ang pangalan ay kakambal naman ng kahihiyan…walang
maski kapirasong dangal!
Discussion