Piso, pambili ng kausap...at ang mga pilosopong kausap
Posted on Tuesday, 23 June 2015
Piso, pambili ng
kausap
…at ang mga
pilosopong kausap
Ni Apolinario Villalobos
Ipokrito ako kung sasabihin kong sa lahat ng oras ay kaya
kong kontrolin ang sarili ko kung ang kausap ko ay pilosopo kahit na pinipilit
kong ibalik sa ayos ang aming pag-uusap, tuwing ito ay madiskaril dahil sa
kanyang pamimilosopo. Ang ganitong sitwasyon ay nadadanasan ko lalo na kung ang
kausap ko ay walang balak na magbago ng ugali o talaga lang makitid ang isip.
Halimbawa na lang ay ang isa kong kumpare noon sa Paraῆaque, na tamad na ay lasenggo pa.
Naisip ko tuloy na kaya niya ako kinuhang ninong ng kanyang anak ay upang may
mautangan siya palagi na siya ngang ginawa hanggang sa matauhan ako. Tuwi na
lang may sasabihin akong magpapahiwatig ng kanyang mga pagkakamali, mayroon din
siyang sagot na baluktot.
Nang minsang sinabihan ko siyang nangangailangan ng tauhan
ang isang intsik na kaibigan ko upang magbantay sa bodega nito, sinabihan niya
akong may pilay siya sa balikat, na alam ko namang hindi totoo. Nang mapansin
kong dalawa sa mga anak niyang magkasunod ay sukob sa isang taon, pinayuhan
kong maghinay-hinay sa pagbuntis sa asawa niyang may sakit na hika at mahina
ang puso, subalit sinagot ako nang “lasing kasi ako, pare” o di kaya’y, “kaysa
iba naman ang mabuntis ko, pare”.
Nang payuhan ko namang sanayin ang mga anak niya sa mga
gulay at isda na masustansiya na ay mura pa, hindi tulad ng hot dog at instant
noodles, ibinato ang sisi sa kumare ko na hindi daw marunong magluto. At, nang
sabihan ko na bawasan na ang pagto-tong its niya, lalo na at wala naman siyang
regular na trabaho, sinagot ako ng “paminsan-minsan lang pare”.
Lahat nang iyon ay kinaya ko pang pagtimpihan, subalit hindi
ako nakapagpigil nang minsang nakihalo siya sa isang seryosong pakikipag-usap
ko sa isang grupo na pinapayuhan ko tungkol sa mga halamang gamot at
pagtitipid. Panay ang patawa niya sa pamamagitan ng pagsingit ng mga walang
kabuluhang bagay, kaya inabutan ko siya ng piso. Nang tanungin niya ako kung
para saan yon, sabi ko, gamitin niya sa pagbili ng kausap. Napahiya siya at
natauhan. Hindi ko na muna siya kinibo dahil mas importante noon ang ginagawa
kong pakikibahagi ng kaalaman tungkol sa mga nabanggit na paksa.
Para sa akin, hindi masama ang maging tapat o prangka sa
isang tao kung kailangan upang matauhan siya. Isa sa paniniwala ko ay ang
pangangailangan natin ng ibang tao upang magsabi sa atin ng mga mali nating
gawi na hindi natin napapansin. Inaamin ko na ilang beses na ring nangyari sa
akin ang pagpuna ng iba dahil sa maikli kong pasensiya, na taggap ko naman.
Palagi kasi akong nagmamadali na akala ko ay tama sa lahat ng pagkakataon, at
ang masama ay hindi ko agad napansin na naapektuhan pala ang iba na inakala kong
mabagal sa pagkilos.
Sa isang banda naman, may mga pa-pilosopo tayong sinasabi kung minsan
dahil sa hangarin nating magpatawa. Subalit, mahalaga ang “timing” at paggamit
ng tamang patawa na aangkop sa pinag-uusapan para hindi ma-out of tune, wika
nga. Kaya kung sa tingin natin ay talagang seryoso ang pinag-uusapan, iwasan
ang magpatawa upang hindi mabigyan ng piso.
Discussion