Ang Philippine National Poilice (PNP) ay mgay mga Istasyon ding Iskwater
Posted on Saturday, 29 April 2017
ANG Philippine National Police (PNP)
AY MAY MGA ISTASYON DING ISKWATER
Ni Apolinario Villalobos
Ang Philippine National Police (PNP) ay isa sa mga
napabayaang ahensiya ng bansa mula pa noon subalit nabawasan kahit paano ang
sama ng loob ng kapulisan nang umupo si Duterte…ganoon pa man, kailangan pa rin
nitong tuparin ang kanyang mga pangako.
Ang unang napabayaan ay ang kanilang suweldo, pangalawa ay mga
benepisyo, at ang pangatlo ay ang kalagayan ng mga istasyon.
Sa punto ng suweldo, maiibsan ang problema dito dahil sa
pangako ni Duterteng dagdag, subalit kung tutuusin ay kulang pa rin dahil mas
malaki pa ang kinikita ng ilang call center agents o mga nagtatrabaho sa mga
BPO. Nagkaroon ng pabahay ang mga pulis-Manila na iniskwat naman ng mga KADAMAY
members. Napag-alamang maliit lang pala ang sukat kaya halatang pinagkitaan
lang ng mga tiwali o corrupt na mga opisyal dahil pinilit na ipagawa ang mga
nakakalat na pabahay upang may batayan sa kickback o malaking komisyon. At,
dahil hindi katanggap-tanggap ang sukat at uri ng pagkagawa ng mga unit,
lumabas na hindi karapat-dapat ang mga ito sa itinakdang buwanang bayad, napabayaan tuloy silang nakatiwangwang
hanggang madiskubre ng KADAMAY kaya nagresulta sa iskwatan. Sa isang banda,
parang “blessing in disguise” ang pagka-iskwat ng mga KADAMAY dahil nagkaroon
ng mabigat na dahilan ang mga benepisyaryo sanang mga pulis upang hindi
magpatuloy sa pagbayad sa mga para sa kanila ay mga “bulok” na mga housing
unit…na tinawag pa nilang parang bahay ng aso.
Masuwerte ang mga sangay ng PNP sa mga bayan, lunsod o
lalawigan na tinutulungan ng mga llocal government unit dahil may itinatalaga
sa kanilang lupain o bahagi ng government center upang pagtayuan ng pasilidad
para sa opisina at kulungan. Subalit, karamihan ng mga sangay, lalo na sa
Manila, ang mga istasyon ay kalunus-lunos ang kalagayan – mga iskwater sa
bangketa, sulok o di kaya ay mga bakante subalit pribadong lote kaya pagdating
ng panahon ang iba ay nadi-demolish. Dahil sa kanilang kalagayan, kawawa ang
mga pulis, lalo na ang mga detinadong suspek na nagsisiksikan sa kulungan. Isa
siguro sa mga dahilan kung bakit malambot ang kalooban ng ilang pulis sa mga
taong natutulog sa bangketa at mga iskwater ay dahil nakikita nila ang kanilang
sarili sa mga taong nabanggit.
Pagdating naman sa mga benepisyo, ang isang bagay na dapat
pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay kung paano magiging mas epektibo ang mga
pulis bilang tagapagpatupad ng batas. Magagawa lamang ito kapag mabilis ang
kanilang pagkilos. At, ang malaking tulong para diyan ay pagkaroon nila ng
sasakyang motosiklo man lamang na sana ay iisyu sa kundisyong 50-50 o ang
halaga ay paghahatian ng PNP at pulis na makakatanggap, subalit sa kundisyon pa
ring babawiin nang walang refund sa pulis kapag nagkasala ito habang aktibo sa
serbisyo.
Mula pa noong panahon ni Diosdado Macapagal ay isyu na ang
mga nagsisisiksikang kulungan at mga presintong iskwater sa mga bakanteng lote
at bangketa, subalit walang ginawa tungkol sa mga ito. Idagdag pa diyan ang
kakarampot na mga suweldo noon kaya hindi maiwasan ng ilang pulis na mangupahan
ng maliit kuwarto sa mga iskwater na lugar upang magkasya ang kanilang suweldo.
At ang resulta pa ay ang hindi maiwasang maging korap ng ilan sa kanila na
naakit na gumawa ng masama upang madagdagan ang kinikita. Sa masamang palad ay
nagkaugat ng malalim ang mga “sideline” tulad ng pagba-body guard sa mga
mayayamang negosyante kung off-duty na sila at ang pinakamasaklap ay ang
pagbenta ng mga tinaguriang “police ninja” o ng mga “asset nila ng bahagi ng
mga drogang nakumpiska.
Sana ay pagtuunan ng pansin ni de la Rosa habang nakaupo si
Duterte ang paglagay sa tamang kaayusan ng lahat ng mga presinto sa buong
bansa. Magagawa lamang ito kung i-review niya lahat ng mga kinatitirikan ng mga
presinto at ang kalagayan ng mga kulungan. Pagdating naman sa aspeto ng
kulungan, maaari siyang makipag-coordinate sa DILG at Bureau of Corrections
(BUCOR) nito upang magkaroon ng “synchronization” ang kanilang mga proyekto
dahil magkakapareho lang, at nang sa ganoon ay madaling mag-justify ng budget
para sa kanila.
Discussion