0

Wala Man Akong Mga Kamay...

Posted on Sunday, 2 November 2014



Wala Man Akong Mga Kamay…
Ni Apolinario Villalobos

Wala man akong mga kamay
Hindi ito hadlang sa aking pagsisikhay
Hindi kawalan ang mga ito upang mabuhay -
Na may dangal, pangarap, at lubos na matiwasay.

Wala man akong mga kamay
May angkin pa rin naman akong talino
Na sa akin ay gagabay sa ibabaw ng mundo
Lalo na sa pakikipagsalamuha sa aking kapwa- tao.

Wala man akong mga kamay
Mata ko naman ay napapakinabangan
Pangtanaw sa kalsadang aking  yayapakan
Upang ‘di matalisod… ‘di masubsob sa dadaanan.

Wala man akong mga kamay
Mga pasyala’y akin namang nararating
Nakakatakbo, nakakalukso, at pati swimming
Na tulad din ng mga isda, lumba-lumba at pating.

Wala man akong mga kamay
Na pagdadaitin ko sa aking  pagdarasal
May bibig naman akong taos-puso na uusal
Habang ako ay nakatingin sa itaas – sa Maykapal.

Wala man akong mga kamay
May puso namang umaapaw sa pag-ibig
Hindi lamang para sa kapwa, kundi sa daigdig
Lalo na sa Manlilikha na layon ng aking pananalig.


0

Ang Mga Magiging Pamana ni Pnoy sa Mga Pilipino



Ang Mga Magiging Pamana ni Pnoy
sa Mga Pilipino
Ni Apolinario Villalobos

Bukang-bibig ng mga tagapagsalita ni Pnoy na sa pagbaba niya ay may iiwanan siyang pamana…legacy. Sigurado yan at marami pa, tulad ng:

-Kagutuman…. na lalong umalagwa mula palang sa unang araw ng panunungkulan niya dahil itinalaga niya sa DSW ang wala namang napatunayang maayos na acoomplishment at mahilig magpalipat-lipat ng loyalty, si Dinky Soliman na ang mga proyektong laman ng isip ay hindi makatotohanan o realistic kaya hindi talaga nakakatulong sa mga nangangailangan. May mga “bureau” ang DSW na ang gamit ay palamuti sa flow chart of organizational chart dahil wala namang nagawa. Ang mga bureau na ito ay nakatalaga sa mga tukoy nang mga bahagi ng populasyon tulad ng kabataan, family, informal settler at iba pa. Bakit lalong dumarami ang mga rugby children at mga palaboy sa kalye? Bakit marami pa ring Badjao ang namamalimos at lalong dumami sa mga lunsod, hindi lang sa Maynila? Bakit nagkakawalaan ng mga donations? Bakit walang maipamahagi agad sa mga nangangailangan pag may nangyaring kalamidad? Sa Maynila lang, bakit lalong dumami ang mahihirap na hindi na halos makakain maski isang beses isang araw?

-Alanganing seguridad…na lalong naging manipis dahil lumakas pa ang loob ng Abbu Sayyaf na namamayagpag pa rin sa kabila ng kaliitan ng kanilang grupo at limitadong lugar na ginagalawan; hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli si Nur Misuari na sa tingin ng marami ay malaking banta sa sinusulong na Bangsamoro sa Mindanao, at pati na rin ang grupo ni Umbra Kato ng  humiwalay sa grupo ng MILF; hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw tungkol sa usapin ng West Philippine Sea at lalo niyang pinatindi ang kaawa-awang kalagayan ng bansa nang ipatigil niya ang pagpapaayos ng paliparan sa Kalayaan Island na kahit buong mundo ay nagsasabi na napakamahalagang kasangkapang pangseguridad; at, ang problema sa NPA, ganoon pa rin…lalo pang lumala;

-Matataas na presyo…na pumirmanente na, at hindi na bumaba pa, simula nang magsiritan ang mga ito sa mga lebel na hindi man lang nagpabahala sa kanya;

-Korapsyon…na kahit na inilantad na sa kanya ay hindi niya binigyan ng gaanong pansin, at kahit na isabay niya sa pagbaba ang mga alalay niyang may mga kwestiyonableng performance, maiiwan nila sa mga opisinang pinanggalingan ang impression ng mga tiwaling gawain, na maaaring   gayahin, na ang pinakamatunog ay smuggling, kaya tuluy-tuloy pa rin ang mga pamamalakad na may ganitong bahid…at tuloy ang nakawan;

-Mga utang…na matindi na ang pagkakalobo, at sa tingin ng mga Pilipino ay wala nang pag-asang mabayaran pa ng mga henerasyong darating, kahit na ng mga kaapu-apu-apu-apu-apohan sa talampakan;

Sa isang banda, huwaran ang ginagawa niyang pagprotekta sa mga kaibigan, lubog man ang mga ito sa kontrobersiya. Marubdob ang pag-oobserba niya sa kasabihang “walang iwanan”. Pinakita rin niya na upang makaiwas sa heart attack, ay ngitian lamang ang mga problema.

0

May Isang Ulikbang Switik...



May Isang Ulikbang Switik…
Ni Apolinario Villalobos

Ito ay kuwento tungkol sa ulikbang switik
Nakatira sa bayang maunlad, ang Diyanlang
Bilang pinuno, buong bayan sa kanya’y humirang
Na kanyang ikinatuwa’t tinanggap ng buong galang.

Kulay-lupa siya, sabi ng iba kulay-uling daw
No problem, puti naman, kanyang mga ngipin
Lutang ang mga ito kung siya’y tumawa’t ngumiti
Kahit papaano, sa kabuuhan niya, mayroong maputi.

Bata pa’y banat na sa trabaho, kaya bansot
Bilad sa araw, anak-mahirap kaya kulay-ulikba
Gusto’y masabing mahirap, kaya nga ‘di mayaman
Pinipilit ito 24/7 sa lahat ng maharap na mamamayan.

Aba’y nagulat ang mga kababayan, one day
May halos tore kalaking gusali itong pinatayo
Nagtaka ang mga tao, bakit mayroon nito sa bayan
Halos nagpasaid sa iniingatang laman ng kanilang kaban.

Sa imbistigasyon, pinadala niya’y mga hangal
Tamimi lahat, walang sagot sa mga katanungan
Ang iba ay kandabulol ang dila, tagaktak ang pawis
Habang nasa bulwagan at kaharap ang mga manlilitis.

Nasaan ang ulikbang switik?...ask ng mga tao
Busy daw at siya ay naglayag sa malalayong isla
Na-miss kasi ang mga islanders, na friends daw niya
Mangungumusta la’ang…at promise, wala nang iba pa!

Ang halatang nagpayamang ulikba’y nagtatago
Hindi alam kung saang sulok siya mamamaluktot
Gumawa ng multo, ngayo’y kanyang kinatatakutan
Hindi alam, paanong magpaliwanag sa mga kababayan!

Aanhin niya ngayon ang yamang kinurakot niya?
Kung may matira… in case, after ng imbestigasyon
Magsisi man siya, ay talagang huli na, useless talaga
Dahil lubog pa sa kahihiyan, pangalan ng kanyang pamilya!


0

Kung Ako si Jejomar Binay...



Kung Ako si Jejomar Binay…
Ni Apolinario Villalobos

Sa patung-patong na mga bagong ebidensiya na may kinalaman sa asyenda ng mga Binay sa Rosario, Batangas, at tinalakay sa Senate hearing, ika-tatlumpo ng Oktubre, malabo na nilang malusutan ang paratang na sila ang nagmamay-ari nito. Ang masaklap pa, nandamay pa sila…nanghila pa ng iba habang lumulubog sila sa kumunoy ng kahihiyan. Ang tanging pag-asang natatanaw ni Binay ay ang eleksiyon ng pagka-presidente ng Pilipinas sa 2016 – kung makakalusot niya…sa ano mang paraan siguro. Naalala ko tuloy ang tulang nabasa ko tungkol sa taong nagbenta ng kaluluwa niya kay satanas upang magkaroon ng maginhawang buhay….

Pero kung ako si Jejomar Binay, dahil sumapi kunwari ang ispiritu ko sa kanya, aakuin ko na lang ang mga ginawa ko. Kakausapin ko ang misis ko, at ang tatlo kong anak at pagsabihan sila na huwag umamin ng kung anong kasalanan. Basta, ang lahat ng bintang ay ibato sa akin. Haharapin ko na lang ang lahat sukdulan mang ako ay makulong. Walang problema dahil sanay naman akong kumain nang nakakamay na ginagawa ng mga nasa ob-lo. Nakodakan pa nga ako minsan kasama ang mga batang, kumakain sa dahon ng saging, naka-kamay kami. Kaya ganoon lang kadali yon…kakayanin ko.

Hihintayin ko na lang na matapos ang eleksiyon sa 2016, kung kaylan ay alam ko namang magkakaroon ng dayaan kaya yong  mga may hawak ng pork barrel at kung anu-ano pang pondo ng bayan ang sigurado kong mananalo. Basta nandiyan lang “siya”. Magkasama nga kaming nag-hose noon ng mga loyalista ni Marcos, kasama si Tolentino sa harap ng Manila Hotel, nang ipilit nilang umupo ang matanda bilang Presidente dahil inilipad na si Marcos sa Hawaii, sa halip na sa Paoay. Nakodakan pa nga kami ni “brod”, in fairness, hindi nahulog ang salamin niya, sincere na sincere sa pag-hose ng mga taong nagkandatilapon. Kaya may utang na loob pa rin sila sa akin, dahil kung hindi ako humawak ng hose, hindi nakarating sa Malakanyang silang mag-iina. Dapat lang akong maningil dahil mahirap yata ang magpalit ng kulay, depende sa administrasyon….nakakaitim…kita na nga ang ebidensiya. Sa laki ng badyet na tingin ko ay maipapasa, sigurado na ang panalo “nila” sa eleksiyon.

Subali’t kung gusto namang bumida ng junior ko…atatapang a bata yan…junior yata!...siya na lang ang ididiin ko. Pakapalan na lang ng mukha. Sanay naman ako diyan. Hindi siya puwedeng umalma dahil lahat ng ginusto niya ay binili ko, pati bahay na may elevator. Hindi siya dapat mangulila sa loob dahil padadalhan siya palagi ng keyk at mababangong bulaklak, pati na rin ng isang exotic na ibong nagsasalita, yon nga lang kailangang may interpreter siya dahil ang salitang alam ng ibon ay Mandarin.

Si misis at ang dalawang anak kong chicks, dapat manatiling malinis sa mata ng tao. Ipipilit ko yan, kahit na alam kong ngayon pa lang marami nang librong naisulat tungkol sa mga kababalaghang nangyari na nagsimula noong kapanahunan ko bilang mayor sa Makati. Aaminin ko naman talaga, upang wala nang mga kaek-ekan pang pag-usapan.

Maaari ko ring kausapin ang junior ko upang magpalabunutan kami kung sino ang aako ng mga kasalanan. Sasabihin ko sa kanya, na ang taong umaako ng kasalanan ay may grasyang matatanggap mula sa langit. Kung gusto niyang ako na lang ang tumanggap ng grasya, sasabihin ko na hindi na ako tatablan nito dahil makapal ang balat ko…ang mukha ko. Mauunawaan niya dahil matalino siya tulad ko rin, kaya nga ako naging abogado para malaman ko kung paanong paikutan ang mga batas. Ganoon ako katalino kaya nga dapat sana ay wala akong kasalanan until proven in court, o hangga’t hindi bumigay ang istaring na dummy na may intsik na pangalan.

Sana ako si Binay upang magawa ko ang mga pag-ako, o di naman kaya ay mabuyo ko ang anak ko na gawin ito, at nang matapos na ang usapang pangungurakot ko daw. Kawawa kasi ang taong bayan dahil nasasapawan na ang ibang isyu na dapat ay mapag-usapan tulad ng trilyones na badyet 2015 na pinaglalawayan ng mga buwaya sa kongreso at senado. Malamang nilakihan ng mga “brod” ko ang badyet upang masigurong may maipamudmod sa mga Pilipinong katulad kong mahirap at nagugutom ayon sa DSW, pagdating ng kampanyahan sa 2016. Alam kong may pagkabanal ang hinahangad kong ito, at alam ko ring 100% na tama…abogado yata ako, maraming alam, kaya nga maski mali ay nagagawa kong palabasing tama. Dahil sa kagalingan kong ito, maraming naiinggit, pinupulitika ako.

Ako na ito, ang manunulat, na nagsasabing opinion kong pansarili ang inilahad ko kung sakaling sumanib ang ispiritu ko kay Binay. Sa isang banda, huwag mag-alala ang mga spokesperson ni Binay dahil wala akong hangad na mang-agaw ng eksena. Kung gusto nila, paghatian na lang nila ang sentensiya pagdating ng panahon…kanila na lang. Lumalabas din lang sa bibig nila ang animo ay mga galing sa diwa ni Binay, i- all the way na nila ang pagsalita na para na ring si Binay, kasama na ang pa-humble epek nito sa harap ng mga TV camera…dahil mahirap lang siya…at maitim, hindi mestizo tulad ng mga kalaban niya.

0

DSW/ Dinky Soliman...Nangangarap!



DSW/Dinky Soliman…Nangangarap!
Ni Apolinario Villalobos

Hindi daw tanggap ni Dinky Soliman, ang secretary ng DSW ang resulta ng bagong survey na maraming nagututom na Pilipino. Hindi daw palpak ang mga programa ng DSW, lalo na ang doled out na pera para sa mahihirap, na hanggang ngayon ay kaduda-duda. Nangangarap siya!
Wala nga siyang maayos na kasagutan sa mga katanungan tungkol sa mga anomalyang nakapaligad sa mga donasyon at pamamahagi nito sa mga biktima ng mga trahedya, hindi pa rin nahiyang magpahayag ng saloobin niya na palpak talaga ang pamumuno niya sa DSW.

Anong feeding program niya ang magpapaliwanag sa sinabi ng senador Grace Poe mismo, na 15milyon na mga bata ay naguguton?

Dapat mag-ikot siyang mag-isa sa Maynila upang malaman niyang mali siya. Bulag yata siya kaya hindi niya nakikita ang mga namamalimos na mga pulubi at  mga bata, ang mga nakatira sa bangketa, ang mga namumulot ng tirang pagkain sa basura. Hindi malaman ng taong bayan kung tao siya o robot dahil wala man lang makitang pag-alala sa mukha niya na ang kulay ay pinatingkad ng kapirasong kulay sa buhok, na pabago-bago sa araw-araw na ginawa ng Diyos! 

Itigil na dapat ni Dinky Soliman ang pangarap na marami ang bilib sa pamamalakad niya ng DSW. Sabagay kung susundin ang ibig sabihin ng marami…maaaring totoo, more than one kasi ang bilib sa kanya – si Pinoy, mga spokesperson nito sa Malakanyang, driver niya at mga katulong, at mismong miyembro ng pamilya niya. Tama siya…marami nga!