Wala Man Akong Mga Kamay...
Posted on Sunday, 2 November 2014
Wala Man Akong Mga
Kamay…
Ni Apolinario Villalobos
Wala man akong mga kamay
Hindi ito hadlang sa aking pagsisikhay
Hindi kawalan ang mga ito upang mabuhay -
Na may dangal, pangarap, at lubos na matiwasay.
Wala man akong mga kamay
May angkin pa rin naman akong talino
Na sa akin ay gagabay sa ibabaw ng mundo
Lalo na sa pakikipagsalamuha sa aking kapwa- tao.
Wala man akong mga kamay
Mata ko naman ay napapakinabangan
Pangtanaw sa kalsadang aking
yayapakan
Upang ‘di matalisod… ‘di masubsob sa dadaanan.
Wala man akong mga kamay
Mga pasyala’y akin namang nararating
Nakakatakbo, nakakalukso, at pati swimming
Na tulad din ng mga isda, lumba-lumba at pating.
Wala man akong mga kamay
Na pagdadaitin ko sa aking
pagdarasal
May bibig naman akong taos-puso na uusal
Habang ako ay nakatingin sa itaas – sa Maykapal.
Wala man akong mga kamay
May puso namang umaapaw sa pag-ibig
Hindi lamang para sa kapwa, kundi sa daigdig
Lalo na sa Manlilikha na layon ng aking pananalig.
Discussion