Ang Nakaambang Alalahanin Kung Politician ang Maging Kalihim ng DOH
Posted on Friday, 28 November 2014
Ang
Nakaambang Alalahanin
Kung
Politician ang Maging Kalihim Ng DOH
ni Apolinario Villalobos
Kung aalagwa ang kaso laban kay Ona batay
sa mga katiwalian sa Department of Health (DOH), na inaasahan na, siguradong mapapatalsik ito sa kanyang
puwesto. At, ang pumuporma na maliwanag pa sa sikat ng araw ang hangad na maupo
sa puwesto ay isang politician, si Janet Garin.
Ang kalakarang pagtalaga ng mga Presidential
appointees sa mga puwesto ng mga sensitibong ahensiya ang isa sa mga
nagnanaknak na kanser na nagpapabulok ng gobyerno ng Pilipinas. Lahat na halos
ng mga ahensiya ay puro political appointees ang mga kalihim kaya sumasabay sa
paggawa ng mga katarantaduhan dahil co-terminus ng Presidente ang kanilang
pagkatalaga. Ibig sabihin, “strike while the iron is hot”. At kung wala na
sila, wala na ring masisisi. Aasa pa ba tayo sa bulok at makupad pa sa pagong
na pag-usad ng hustisya sa ating bansa?
Ang DOH ay isang masaganang larangan ng
oportunidad upang kumita. Katulad ng DSW at Department of Agriculture, nakikitaan
ang DOH ng mga proyekto na ang closure ay hindi nangangailangan ng mga tangible
o nakikitang patunay. Ang maraming kailangang proyekto para sa “ikabubuti” daw
ng mga mamamayan, ay nagkikislapan sa sagisag ng piso! Malapit din ito sa mga
tao, kaya magandang springboard ng ambisyosong pulitiko.
Hindi maayos ang sistema ng DOH sa
kabuuhan, dahil ang budget nito ay hindi nagagamit sa magandang paraan.
Ipinapasa nito sa lokal na pamahalaan ang mga kapalkan na resulta ng kanilang kapabayaan.
Nakakalusot sila dahil mahina rin ang ahensiyang dapat ay nag-aawdit, ang
Commission on Audit (COA), dahil kung ginawa lamang ng huli ang trabaho nito ay
hindi dapat nakakalusot ang pagbili halimbawa, ng gamot pambakuna na sa umpisa
pa lang ay mismong WHO na ang nagsabi na hindi angkop sa pangangailangan ng
Pilipinas.
Sa pagkawala sandali ni Ona, may itinalaga
na isang “acting”, pero sa ilang araw pa lang nitong pag-upo sa puwesto ay
nakitaan na agad ng pagka-“overacting”, at pagkamakasarili dahil marahil ang
tingin niya sa ahensiya ay isang tuntungan na magagamit niya sa pagsulong ng
kanyang ambisyon sa pulitika…ayon yan sa mga brodkaster na nagmamatyag.
Ano na ang nangyari sa Career Service
Program ng gobyerno? Bakit hindi ibigay ang pagkakataon sa mga Career Service
Officers na nakapila upang mapausad ang kanilang karera? Ang iba na deserving o
karapat-dapat ay inabot na ng retirement o kamatayan, ngunit hanggang Assistant
Secretary lang ang inabot, ni hindi man lang nakatikim ng kahit sandaling
appointment bilang Undersecretary.
Kung hindi mababago ang ganitong kalakaran
na isang malinaw na instrumentp ng korapsyon, wala ngang kahihinatnan ang ating
bansa…habang buhay na itong gagawing palabigasan lamang ng mga tiwaling
opisyal. At, ang kawawa ay ang mga Pilipino na nagpapawis at nagpapakahirap upang
makabayad ng buwis, na wala namang katumbas na kaginhawahan!
Discussion