Nanguna na naman ang Department of Energy!
Posted on Wednesday, 26 November 2014
Nanguna
na naman ang
Department
of Energy!
Ni Apolinario Villalobos
Ipinakita na naman ng Department of Energy
(DOE) ang pagiging tagapagsalita nito, ng mga kumpanya ng langis, sa pagsabi na
asahan na ang pagsirit ng mga presyo ng langis sa Maynila at iba pang bahagi ng
Luzon dahil sa pagpaalis sa kanila sa Pandacan depot. Dapat hinahayaan na lang
nito ang ang mga kumpanya ng langis na maglabas ng mga saloobin tungkol sa
epekto ng kanilang paglipat. Mismong Petron na nga ay nagsalita na hindi sila
magtataas, na ibig sabihin, kung kaya nilang magmintina ng mga presyo, dapat
kaya rin ng iba. Kung may mga presumptions ang (DOE), dapat ay hindi nila isa-publiko,
dahil magpapalakas lamang ito ng loob ng mga kumpanya ng langis na magtaas ng
presyo dahil inaasahan na pala ng taong bayan….sa tulong ng isang magaling na ahensiya ng gobyerno.
Ang mga sasarilining presumptions ng (DOE) ay
dapat na gawin nilang batayan sa pagsalag kung may mga pagtaas ngang mangyayari.
Ganoon dapat kung magtrabaho sila – may mga alternatives na mga kung ilang
“plans”, gaya ng “plan A”, “plan B”, etc., - mga batay sa sitwasyon na maaaring
mangyari, hindi yong mag-react agad sila na pabor pa sa mga kumpanya.
Dahil ginagawang dahilan sa pagtaas ng
presyo ang inaasahang paggamit ng maraming delivery trucks at pagbigat ng trapik,
ang isa sa mga paraan na maaaring gawin ay ang paggamit ng Pasig River upang
makaiwas sa trapik ang mga delivery trucks. Maaaring gumamit ng mga barge na
maglilikas ng mga delivery trucks patungo sa mga itatalagang daungan ng mga ito
sa mga strategic locations sa Maynila. Sa puntong ito makakatulong ang DOE,
dahil maaari nitong pangunahan ang pagpagawa ng mga daungan. Makakatulong din kung
gagamit ng floating refilling barges ang mga kumpanya ng langis para sa mga istasyon
na nasa Metro Manila lamang. Ang mga floating refilling barges ay madaling
proteksiyunan laban sa mga terorista na siyang dahilan kung bakit pinaalis ang
mga kumpanya ng langis sa Pandacan. At upang hindi makaapekto sa trapik, dito
na dapat ipasok ang istriktong pagpatupad ng iskedyul sa paggamit ng kalsada
para sa mga delivery trucks.
Dapat itigil na ng DOE ang pagmamagaling sa
pamamagitan ng pagsalita agad bilang reaksiyon pabor sa mga kumpanya ng langis,
sa halip na hadlangan ang mga pagtaas ng presyo na kadalasan ay hindi
makatarungan. Dapat tumigil na ito sa pagmamagaling na ampaw naman pala, dahil
hanggang ngayon ay wala pang napatunayang ginawang makabuluhan para sa taong
bayan. Dapat magtrabaho sila ng maayos – gumawa ng mga planong batay sa mga
sitwasyon, na inaasahan ng taong bayan. Hindi nakakatulong ang pagsasalita ng
mga tauhan nito na animo ay mga tagapagsalita ng mga kumpanya ng langis na mula
pa man noon ay nagkamal na ng limpak limpak na yaman!
Discussion