0

Wala Sanang Ipagtatanggol si Pnoy kung hindi Nanggagamit ang Mga Ahensiya Niya

Posted on Monday, 10 November 2014



Wala Sanang Ipagtatanggol Si Pnoy Kung
Hindi  Nanggagamit ang Mga Ahensiya Niya
Ni Apolinario Villalobos

Sa araw na paggunita sa trahedya na idinulot ng bagyong Yolanda, sa Samar pumunta si Pnoy. Ang paliwanag ng Malakanyang ay nakapunta na rin naman daw si Pnoy ng kung ilang beses na sa ibang lugar na nasalanta, kasama na ang Tacloban. Subalit sa isang banda, mabuti na ring hindi siya pumunta sa Tacloban dahil mapapahiya lang siya sa ipapamukha sa kanyang kapabayaan ng mga ahensiya ng kanyang administrasyon. Tulad ng inaasahan, ipinagtanggol na naman ni Pnoy ang kanyang mga tauhan, na pinagdiinan ng himutok na hindi daw madali ang tumugon sa mga problema na dulot ng kalamidad.

Ang bilis magsalita ni Pnoy kung magtanggol ng kanyang mga tauhan. Hindi man lang niya naisip na ang kalamidad ay nangyari isang taon na ang nakalipas, kaya dapat, ngayon ay may nakikita nang pagbabago, lalo na at sagana naman sa mga donasyon, pera man, pagkain o gamit. Sa kasamaang palad ay walang makita ang mga tao batay sa mga report ng mga ahensiya, lalo na sa Tacloban na pinagyayabang ng pamahalaang wala na daw nakatira sa mga tent, at lahat ng mga nasalanta ay nabigyan na ng tulong….na puro kasinungalingan. Paanong hindi abandunahin ang mga tent ay binabaha din ang mga lugar na pinagtirikan ng mga ito sa kaunting ulan lang, at kung may araw naman ay animo pugon daw sa sobrang init?

Sa kanyang pag-alis sa Samar, may mga apektadong tao na naglabas ng kanilang pag-aalala na baka hindi tumagal ang mga kubo na ibinigay sa kanila pero babayaran din pala, at inaasahang tatagal daw ng limang taon man lang. Sa loob ng panahon na yon, ang kubo ay babayaran ng mga nabigyang nasalanta ng maliit na buwanang halaga. Coco lumber ang ginamit na alam namang hindi talaga tumatagal dahil binubukbok kapag nababasa palagi. Idagdag pa diyan ang iba pang ginamit na materyales na mahina rin ang klase, mabuo lamang ang mga kubo. Lumalabas na parang pang-display lang pala ang mga kubo para masabi na may ginawa ang pamahalaan…pang-report kung baga.

May mga kaibigan akong biktima ng bagyong Yolanda, lumuwas sa Maynila at nakitira sa mga kamag-anak sa Baseco Compound (Tondo) subalit bumalik sa Tacloban pagkatapos makaipon ng pamasahe. Bumalik din sila sa Tondo makalipas ang dalawang buwan. Magugutom lang daw sila sa probinsiya dahil ang pinangakong tulong na maliit na puhunan ay hindi nila natanggap. Bumalik sila ngayon sa pangangalakal ng basura at pamumulot ng mga reject na gulay sa Divisoria. Hindi bale raw na gumising sila sa madaling araw upang mangalakal ng basura at mamulot ng reject na gulay, sigurado namang hindi sila magugutom.

Ang masakit pa sa ginagawa ng gobyerno, tinawag nito na tamad daw ang mga taga-Tacloban kaya nahihirapang bumangon. Dapat isipin ng mga opisyal ng ahensiyang may ganitong pananaw na hindi talaga makakabangon ang mga taga-Tacloban dahil karamihan sa kanila ay mga magsasaka at wala silang magamit na punla man lamang. Yong mga mangingisda, hanggang ngayon ay hindi nakakabili ng bangka. Yong mga nasa siyudad ay nakikitira sa mga kamag-anak dahil hindi maayos ang kalagayan nila sa “tent city”.  Saan sila kukuha ng kahit maliit na puhunan upang makapagsimula ng kahit maliit na pagkikitaan? Hindi naman sila mga mayayaman na may inaasahang deposito sa bangko na mahuhugot kapag dumating ang pangangailangan.

Wala sanang papalag na taga-Tacloban at tatahimik na lamang sila, subalit palagi silang ginagamit o binabanggit ng pamahalaan kung tumukoy ito ng mga accomplishments, na hindi naman totoo. Naniniwala ang pangulo sa mga kasinungalingang  report ng kanyang mga ahensiya, lalo na ng DSW na maayos na ang pangkalahatang kalagayan ng Tacloban. Ang pakiramdam tuloy ng mga Tacloban, nalugmok na nga sila, sinisipa, at dinuduraan pa!

Discussion

Leave a response