Ang Common Sense na Hindi naman Common
Posted on Sunday, 30 November 2014
Ang
Common Sense
Na
Hindi naman Common
Ni Apolinario Villalobos
Hindi maintindihan kung minsan ang takbo ng
isip ng tao. Kung ano ang bawal, halimbawa, ay siya niyang gustong gawin. Kung
ano ang dapat gawin, ay siya namang pinakaiiwasang gawin. Ang katinuan
kadalasan ay wala sa ayos, dahil ang tinatawag na common sense, na dapat ay
palasak at dapat palaging nandiyan lang sa kanyang katauhan, ay siya namang
palaging wala.
May isa akong kaibigan na mabilis ang
pagkahulog ng katawan kaya bukod sa namumutla na ay namamayat pa, yon pala ay
may diabetes at may diperensiya na ang bato o kidney. Ilang beses ko na siyang
pinayuhan noon pa mang malusog pa siya, tungkol sa mga halamang gamot o mga
herbal medicines. Hindi pala sinusunod ang payo ko lalo na ang mga tungkol sa
pagkain at mga bawal na bisyo, kaya natuluyang gumastos sa pagpapadoktor at
pagbili ng mga mahal na gamot. Isang araw ay sinabi niya na “magpapabulong” daw
siya sa isang arbularyo sa isang karatig na lalawigan. Sa ganoong gamutan,
binubulungan daw ng arbularyo ang bahagi ng katawang may diperensiya.
Tinapat ko siya na pang-doktor ang sakit
niya dahil hindi naman siya kinukulam. Dagdag ko pa, kung ano mang gamot ang
“ibubulong” ng arbularyo ay siguradong mga halaman din na alam na ng lahat,
kaya walang bago sa aasahan niyang gamutan. Ayaw pa ring paawat, itinuloy ang
biyahe nila ng nakilala niyang “magpapabulong” din. Nang makauwi, binalitaan
ako na ganoon nga ang nangyari – sinabihan siya ng arbularyo na itigil ang mga
pagkaing bawal, at ang mga halamang sinabi sa kanya ay kapareho ng mga sinabi
ko na sa kanya noon pa! Nagpagod na siya, gumastos pa!
Ang isa namang kaibigan ay walang
inaasahan, maliban sa pagtinda sa palengke. Dalawa ang anak na suhod ang luho
tulad ng mamahaling cellphone at mga damit. Pati sa pagkain ay pihikan ang mga
ito, dahil ayaw kumain ng gulay at mumurahing isda – kinunsinti kasi ng
kaibigan ko, maliit pa lang sila. Nang payuhan ko ang kaibigan kong
maghinay-hinay sa pagsunod sa luho ng mga anak, ang sagot niya ay “sige lang…ngayon
lang naman nila matitikman, eh…”. Halos isang kahig, isang tuka ang pamumuhay
nila dahil ang perang ginagamit ay regular na inuutang sa ilang tao na
nagtiwala sa kanya, at pinapaikot-ikot lamang niya upang makasambot sa
pagbayad. Ang maling uri ng pagpapakita ng pagmamahal na ito ang halata nang
nakakasira sa pag-uugali ng mga anak niya.
Ang uri ng buhay na meron tayo sa mundo ay
batay sa takbo ng ating katinuan at common sense. May tinatawag na maluhong
pamumuhay, may pabayang pamumuhay, may maingat na pamumuhay, may malusog na
pamumuhay…marami pang iba. Ang talino natin ay nakokontrol ng katinuan at
common sense, dahil kung hindi, ang talinong ito ay hindi magagamit ng maayos.
Ito ang dahilan kung bakit sa ibabaw ng mundo ay may naglilipanang kriminal at
mapagsamantala, ganoong ang iba sa kanila ay nagtapos sa mga de-kalidad na mga
pamantasan at kolehiyo. Yong iba sa kanilang humantong sa mga opisina ng
gobyerno ay mga corrupt. Yong iba na dapat ay tagapagpatupad ng batas ay naging
bayaran.
Walang katumbas na halaga ng pera ang
common sense o katinuan. May mga taong matino o may common sense na makikita sa
mga kabundukan at nabubuhay sa pagkaing gubat. Mayroon ding mga namumulot ng
basura at natutulog sa bangketa. Talo nila ang mga may diploma o master’s
degree or doctorate na ang mga tanging laman ng isip ay kung paano kumita ng
pera sa anumang paraan at manglamang ng kapwa.
Discussion