0

Pinalala ng Report ni Lacson Ang Sama ng Loob ng mga taga-Tacloban

Posted on Monday, 10 November 2014



Pinalala ng Report ni Lacson
Ang Sama ng Loob ng mga taga-Tacloban
Ni Apolinario Villalobos

Nakakalula ang inireport na impormasyon tungkol sa kabuuhan ng mga donasyon ayon sa  Department of Finance, na umabot sa 199.48 bilyon pesos. Maliban pa rito ang nakakalat na iba pang donasyon na hawak ng iba’t- ibang NGOs. Pinuri ng iba’t ibang international organization ang ginagawa ng pamahalaan na rehabilitasyon ng mga nasalanta – ito yong mga organisasyon na inuutangan ng Pilipinas. Maalala na sa kabila ng makatotohanang paghihirap ng Pilipinas ay pinuri pa si Pnoy ng Asian Development Bank – isa sa pinakamalaking nagpapautang sa Pilipinas. Isa lang ang pinapahiwatig ng mga papuri sa Pilipinas – pwede na namang umutang! Kaya halos wala pa ngang nararating ang rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda, at sa kabila ng hindi pa halos nagagalaw na mga donasyon, tinutulak na naman ang Pilipinas ng mga animo ay lintang nagpapautang na mga ahensiya upang lalong mabaon sa obligasyong pinansiyal ang mga Pilipino.

Ang sinasabi ni Lacson na inaadbans na alokasyon ng Tacloban mula sa Department of Budget and Management ay hindi dapat na isama sa mga donasyon na pangrehabilitasyon. Ang mga donasyon ang dapat na ginagamit at hindi ang regular na alokasyon mula sa gobyerno sa mga proyektong pangrehabilitasyon. Kung hindi makikibahagi sa mga donasyon ang Tacloban, saan gagamitin ang mga ito? Kung walang mga donasyon, may dahilan ang paggamit ng regular na budget, subalit meron nga. Bakit iniipit ng Malakanyang ang mga donasyon? Ang mababaw na sagot ng Presidente ay “nag-iingat” lang daw sila. Kaya pala inaprubahan niya ang Master Plan sa rehabilitasyon ng Tacloban na sinumiti ni Lacson, pagkalipas ng isang taon na hagupitin ito ng bagyong Yolanda! Talagang maingat!

Ang pinagmamalaki ng gobyerno na mga temporary na pabahay ay ginamitan ng mga materyales na mababa ang klase, kaya wala sa kalingkingan kung ihambing sa mga proyekto ng mga local at foreign NGOs, na permanente nang tirahan – pangmatagalan. Pinababayaran pa ng gobyerno ang “pabahay” sa loob ng limang taon, kaya sa mga interbyu, may mga taga-Samar na naglabas ng sama ng loob dahil baka hindi umabot ng dalawang taon ang bahay, gayong magbabayad sila sa loob ng limang taon!

Si Lacson ang unang nagbulgar ng katiwalian sa pagbili ng materyales ng mga temporary bunkhouses para sa mga nasalanta ng bagyo, subalit pagkalipas ng ilang araw, nakapagtatakang binawi ang report at sinabi na lang na under-delivery lang daw ang nangyari. Ibig sabihin, hindi nasunod ang mga nasa listahan, pilit pinagtatakpan ang isyu sa kalidad ng mga materials. Sa isang TV interview sa matanda na nakatanggap ng mga materyales, pinakita niya ang pagbali ng kahoy at pagtupi ng yero, nang walang kahirap-hirap!

Sa mata ng Pilipino, walang nangyari sa pagka-czar ni Lacson sa rehabilitasyon ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Siya mismo ang umamin na limitado ang kanyang kapangyarihan na halos ay hanggang paggawa ng report lang. Dahil sa kawalan niya ng nagawa makalipas ng halos isang taon, naghanap siya ngayon ng mapapasahan ng sisi, at ang nakita ay ang mayor ng Tacloban. Paano niyang ipaliwanag ang katotohanang ang Master Plan na pinagmamalaki niya ay naaprubahan ng Presidente, pagkalipas ng isang taon mula nang manalanta ang bagyo? At, plano pa lang ang inaprubahan, na ibig sabihin, baka abutin pa ng kung ilang taon bago magkaroon ng katuparan dahil sa sobrang kabagalan ng pagkilos ng mga ahensiya ng gobyerno. At, ang pinakamasakit, sa ganoon katagal na panahon magtitiis ang mga nasalanta bago nila matamasa ang biyaya na dulot ng mga donasyon! At kapag inabot ng bagong administrasyon ang mga iniipit na donasyon…malamang na mananakaw na naman!

Para makumpleto ang pagpasa ng sisi kay Romualdez at todong makapaghugas ng mga kamay, binanggit na naman ni Lacson ang pulitika! Sa ginawa niya, ang bantayog ng kanyang imahe na nirerespeto ng maraming Pilipino dahil sa mga nakakabilib na ginawa niya noong “crime czar” siya, ay biglang gumuho!

Ang hiling ng mga taga-Tacloban nang paulit-ulit…huwag silang gamitin sa mga report na walang katotohanan. Mapagbibigyan kaya sila sa harap ng “kahalagahan” ng Tacloban bilang “model” ng isang matagumpay na rehabilitation program kuno ng gobyerno?

Discussion

Leave a response