0

Ang Mga Ritwal ng Buhay

Posted on Thursday, 13 November 2014



Ang Mga Ritwal ng Buhay
Ni Apolinario Villalobos

Sa araw-araw nating pamumuhay, ang mga ginagawa natin ay mga ritwal na naging bahagi na nito. Mayroong mga naidadagdag subalit dahil hindi nakasanayan ng iba ay hindi naipapagpatuloy, kaya hindi nangyayari ang inaasahang resulta ng mga ito para sa ikabubuti ng kanilang buhay.

Tuwing umaga, dapat gawing regular ang pagtalima sa tawag ng kalikasan. Ito ay mahalagang panawagan upang tayo ay pumasyal sa isang maliit na kwartong mayroong upuan na may butas kung saan sinu-shoot ang sama ng loob. May ibang tamad gawin ito kaya naiipunan ng lason sa bituka at ang resulta? …cancer at iba pa.  Maipon ba naman sa loob ng katawan ang mabantot na dumi o ebak, ano ang inaasahang mangyayari dito?…alangan namang maging pabango! Kapag nagkaroon na, saka magsisisi. Totoong namamana ang sakit subalit kung nag-iingat ay hindi ito magiging malala at makokontrol pa.

Ang paghahanda ng mga halamang gamot na pakukuluan upang mainom ang tubig na pinagpakuluan bilang tsa tuwing umaga, ay kadalasang hindi napapagtiyagaan ng karamihan. Nakakatamad daw ang pumitas ng mga talbos at dahon, at magpapakulo pa. Yong iba naman ay nahihiya at baka sabihin daw ng mga makakakita na naghihirap na sila. Pampigil sana ang tsa sa pagkakaroon ng sakit, lalo na ng kanser subalit dahil hindi napapagtiyagaang gawin, ang mga taong may tendency nito ay nagkakaroon na nga, kaya humantong sa matinding gamutan at operasyon…kung minsan ay kamatayan.

Ang pakikipag-usap sa taong hindi kapalagayan ng loob ay isang ritwal na kailangang gawin upang maiwasan ang samaan ng loob na kadalasan ang dahilan ay napakababaw. Dapat isantabi ang pride at ang kayabangan, lalo na kung ang mga sangkot ay kapamilya at kaibigan simula pa noong kabataan.

Ang paglinis at paghimay ng mga gulay – mga paghahanda, na kailangang gawin ng matiyaga, ay ayaw ng iba. Ang gusto lang nila ay bigyan sila ng luto na. Kung sila ang masusunod, okey na ang piniritong langgonisa, itlog, o tuyo. Kung tamad pa ring magbukas ng kalan, bibili na lang sa karinderya ng lutong adobo o piniritong isda, pati kanin. Kaya sa halip na makatipid, nagiging magastos at magtataka pa sila kung bakit hindi nagkakasya ang kita ng kanilang asawa.

Ang pagpapasalamat sa Kanya tuwing gumising sa umaga ay kadalasang hindi rin nagagawa ng marami. Ano ba naman yong magsambit ng “thank you, Lord” bago magmumog. May kilala akong, ang unang ginagawa sa umaga paggising ay mangalampag ng ibang taong kasama sa bahay upang gumising din. Kapag may hindi nagustuhan ay magmumura, kaya lumalabas na sinimulan niya ang araw niya sa pagmumura.

Bago matulog, dapat ay nagri-review ng mga nangyari sa maghapon upang malaman kung tama ba ang mga ginawa, at upang mapag-isipan ang mga gagawin kinabukasan. Kung kinakailangang gumawa ng listahan, dapat gawin upang hindi magkalimutan. Subalit mas gusto pa ng iba na mataranta pagkagising sa umaga dahil marami palang dapat gawin. May kilala pa rin ako na paggising sa umaga ay kinakausap ang sarili, sabay tanong ng: ano ba ang gagawin ko? At, kung walang maisip, napapalipas niya ang kalahating araw na wala talagang ginagawa, at pagdating ng hapon saka pa lang maalala ang mga mahahalagang bagay na dapat pala ay ginawa niya.

Bahagi na ng buhay ng tao ang ritwal. Sa ligawan pa lang ay may ritwal na, madrama pa, upang magkapalagayan ng loob na hahantong sa kasalan na isa ring ritwal na kung sa iba ay exciting, sa iba naman ay nakakabahala. Kapag nabuntis ang babae, napakaraming ritwal na ginagawa upang hindi makunan. Sa pagkakataong manganganak na, may mga ritwal din. Kung Kristiyano ang magulang, may ritwal din para sa bata upang maging kaisa nila sa pananampalataya. May mga ritwal na sinusunod para lumaking maayos ang bata – mula sa pagpainom ng gamot, pagpakain, pag-enroll sa eskwela, at iba pa. Hanggang sa makarating na rin ito sa panahon ng ligawan.

Sa bingit ng kamatayan, ang isang tao ay dumadaan din sa isang ritwal upang masigurong malinis ang tatahakin niyang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Habang pinaglalamayan may ritwal din sa padasal. Kung susunugin naman ang mga labi, may ritwal din ng cremation. Hanggang sa paglibing, may ritwal pa ring sinusunod. Kaya para sa mga simple lang ang iniisip habang nabubuhay…ang buhay ay ritwal-ritwal lamang.


Discussion

Leave a response