0

Sa Pagbigay ng Regalo o Tulong...

Posted on Friday, 14 November 2014



Sa Pagbigay ng Regalo o Tulong…
Ni Apolinario Villalobos

Sa pagbigay ng regalo o tulong, maraming bagay ang dapat pakaisipan ng nag-aabot nito o ng mga tumutulong. Ang pinakamahalaga ay huwag ituring na hayop ang mga taong inaabutan dahil sa aba nilang kalagayan. Hindi dapat isipin ng mga tumutulong na para silang naghahagis ng buto sa aso. Kaya hindi ako sang-ayon sa kasabihang “hindi dapat namimili ang nangangailangan” na ang katumbas sa Ingles ay “beggars are not choosers”. Wala nga silang karapatang mamili, subalit karapatan nilang respetuhin bilang tao dahil kahit papaano ay mayroon pa rin silang dignidad, kaya lalong hindi sila dapat ituring na patay-gutom!

Tuwing pasko, nagkakaroon ng dahilan ang mga mayayaman na magdispatsa ng mga bagay na hindi na nila kailangan na ang pinatutunguhan ay mga mahihirap na namamasko. Subalit, sana naman ang iabot nila sa mga ito ay mga bagay na hindi patapon o wala nang silbi. Nangyayari din ito tuwing may kalamidad kung kaylan ay bumabaha ng mga donation mula sa mga concerned citizens, subalit ang iba naman ay hindi nakokonsiyensiyang mag-abuloy ng mga damit na halos ay basahan na!

Maraming kuwento tungkol sa mga mapagkunwaring pagtulong sa kapwa. Ang isa ay galing sa isang nagtatrabaho sa isang bahay-ampunan na binisita ng isa sa mga dating pangulo ng bansa na karay-karay ang kalihim ng isang ahensiya na may kinalaman sa pagtulong sa mga tao. Marami silang dalang mga regalong binalot ng matitingkad na gift wrappers. Nang matapos ang okasyon, binuksan ng mga binisita ang mga “regalo” upang maipamahagi na sa mga bata. Laking gulat nila nang makita ang mga laman na mga sapin sa paa na puro large size, na ang ibang pares ay hindi magkasukat, at ang iba naman ay putol ang strap! Awang-awa sa kanilang sarili ang mga binisita lalo na sa mga bata na umasam kaya sobrang excited.

May mga kuwento naman tungkol sa mga de-latang pinamimigay na halos bundat na dahil sobrang lampas na sa expiration date (madalas itong mangyari kung may kalamidad, at ang dahilan ng DSW ay hindi nila napansin). Yong isang nabigyang nakausap ko ay nagpumilit pa rin na buksan ang isang sardinas na lomobo na, kaya nang matusok ng pambukas ay sumabog at lahat nang nakapaligid ay natapunan kaya nag-amoy sardinas!

May isang nanay naman na nakatanggap ng dalawang kumot – magaganda at mukhang mamahalin. Subalit, amoy formalin at may mga bakas pa ng dugo. Yon pala, pinambalot sa isang bangkay ng nasaksak. Punerarya pala ang pinanggalingan ng donasyon. Ang kumare ng nagkwentong nanay, ay nagbahagi rin ng kanyang kapalaran sa pagtanggap ng regalo mula sa isang mayaman. Malaki ang plastic bag at halatang maraming lamang naka-cartoon. Pagdating niya sa kariton nila sa isang bangketa, dali-dali niyang binuksan ang bag at natambad ang maraming karton ng cake mix! Ang ibang karton ay may mga butas na halatang kagat ng daga! Dahil nakakabasa naman, nalaman niya na lahat ay expired na!

May isang pamilyang nakatira sa bangketa na nakatanggap ng plastic bag na ang mga laman ay gamit nang mga brief na large size, mga bra na maluwag, isang pantalong size 38 ang baywang na pang-opisina, mga puting long sleeves na malalaki ang sukat, at mga gamit na boteng de-tsupon! …subalit sila ay walang sanggol.

Yong isang kaibigan kong ama ng isang pamilya sa Tondo ay nakatanggap ng ilang pirasong kupas at numipis nang guwantes na pang-motorsiklo, isang pares na leather shoes pero nakanganga ang mga suwelas, maliit na teapot, dalawang malalaking imported toothpaste pero matigas at kumakatas na lamang, at isang bote ng paco rabanne na panlalaking pabango na may ¼ na laman.

Ang isang pamilya naman ay nakatanggap ng matigas pa sa kahoy na dried cassava nakalagay sa malaking supot galing  sa Thailand at expired, isang office planner na hindi pa gamit subalit 2 years old, 4 na coffee mugs na lahat ay may lamat,  4 na pinggang puro may mga pingas, at isang malaking garapon ng imported na kape, pero nang buksan ay matigas na ang laman.

Sa isang iskwater naman, may mga naglibot na namigay ng mga sample na gamot, nakalagay sa magandang maliit na supot na karton. Ang laman ay isang banig ng gamot para sa loose bowel movement o lbm,  isang banig na gamot para sa lagnat, at maliit na bote ng alcohol – lahat ay dapat magamit sa loob ng apat na buwan upang hindi lumampas sa expiration date. Nagkodakan ang mga namigay, kasama ang mga nabigyan. Nakita ko mismo ang mga pangyayari dahil bumisita ako noon sa mga kaibigan ko. Kaya mula noon, na-allergic na ang mga kaibigan ko sa kodakan kung sila ay bibigyan ng tulong – ginagamit lang daw sila, na totoo naman!

Minsan umatend ako ng birthday party para sa inaanak ko sa Pasay. Habang nagkakape kami ng kumpare ko sa kusina dahil maaga pa, narinig ko ang kumare kong nagbilin sa kasambahay nila ng: “o…yong mga tirang spaghetti at pansit sa mga pinggan huwag mong itapon…tulad ng dati, ipunin mo upang maibigay sa mga Badjao na humihingi ng pagkain…isama mo na rin ang magiging tutong sa sinaing…”. Sa narinig ko, nabulunan ako ng mainit na kapeng iniinom ko kaya ako ay napaluha, sumabay pa sa pagtulo ang uhog. Pinigilan ko ang sarili ko sa pagbuga ng mainit na kape dahil siguradong mahihilamusan ang kumpare. Inubos ko na lang ang kape at ako ay nagpaalam, nagdahilan na may importante pang gagawin.  Mula noon, tuwing imbitahin ako ng kumare ko kung may party sa kanila, hindi ako pumupunta pero nagbibilin na lang na “tirhan ako ng natira”…ewan ko kung naintindihan niya ang ibig kong sabihin.

Noong mga nakaraang kalamidad, may mga nagreklamong mamamayan ng isang bayan na ang natanggap nila ay mga pa-expire nang mga local de lata, ganoong ang nakita nilang na-deliver na mga donasyon sa bayan nila ay galing sa Amerika. Nagtaka sila kung bakit ang inaasahang mga emergency kit ay hindi nakarting sa kanila. Sa halip ang natanggap nilang supot ay may lamang tig-tatlong kilong NFA rice, ilang pirasong sardinas at ilang pirasong noodles, na may pangalan at logo pa ng ahensiyang may kinalaman sa pagtulong sa mga tao.

Noong katatapos pa lamang manalasa ng bagyong Yolanda, may mga donasyong ibinaba sa Cebu na agad tinakpan ng mga lona, subalit nasilip ng ilang mga reporter na mga galing sa ibang bansa. Mula nang araw na dumating ang mga donasyon, naging off-limits sa mga reporters ang pinaglagakan ng mga ito. Nang mga sumunod na araw, ni isang pirasong donasyon na may tatak ng donor mula sa ibang bansa ay walang nakitang nakarating sa mga biktima ng Yolanda. Makalipas ang ilang buwan, ang mga nakalagak sa isang bodega ay binalitang ninakaw, at kitang-kita sa CCTV na parang walang anumang inilalabas ang mga donasyon!

Noong mag-ingay ulit ang mga taga-Tacloban na sinalanta ng bagyong Yolanda, dinayo sila ng caravan ng malalaking trak na nagdeliber ng mga relief goods. Sa kasamaang palad, ang ibang pagkain ay bulok at inuuod! Ni isa sa mga sangkot sa anomalya, lalo na ang namumuno ay hindi man lang pinitik upang matauhan dahil sa balasubas nilang gawain. Ni walang narinig ang bayan na may nasuspinde man lamang, o di kaya ay natanggal dahil sa ginawang kapabayaan.

Padating na ang pasko. Siguradong busog na naman ang mga magnanakaw sa gobyerno ng mga bonus na galing daw sa savings ng kani-kanilang departamento, samantalang ang mga taong umaasang maambunan man lang ng kahit kapiranggot na biyaya, na alam naman ng lahat ay karapat-dapat na kanila… ay nakanganga sa kawalan! At ang walang konsiyensiyang mga kababayan natin ay maghahagis na naman ng mga patapong gamit  at tirang pagkain sa mga kakatok sa kanilang gate, o di kaya ay magpapakodak habang nag-aabot ng regalong ilang pirasong kendi at biswit sa mga depressed areas…at naka-costume pa ng Santa Claus!

Discussion

Leave a response