0

Maraming Dapat Saguting si Secretary Ona ng Department of Health

Posted on Monday, 10 November 2014



Maraming Dapat Sagutin
Si Secretary Ona ng Department of Health
Ni Apolinario Villalobos

Ang isyu sa vaccination program ng Departent of Health (DOH) na mismong ang Pangulo ang bumubusisi ay katiting lamang na piraso ng mga dapat sagutin ng kalihim na si Ona. Ang pumutok na isyu tungkol sa malaking badyet na gusto niyang ilaan para sa pagsaliksik ng mga bagay na may kinalaman sa “stem cell” operation ay dapat na nagsilbing babala sa kanya…pahiwatig na maraming kwestiyonableng programa ang DOH. Idagdag pa rito ang mga gamot na hinayaang nakatambak sa bodega kaya inabot ng expiration, samantalang ang mga barangay sa buong bansa ay wala man lang magamit kaya bumibili na lang gamit ang sarili nilang pondo.

Sa kabila ng mga naghuhumiyaw na katotohanan tungkol sa mga batang maysakit at  naglolobohan nilang tiyan dahil sa malnutrition, mga barangay na walang istak na mga gamot, underpaid na mga health workers na ang iba ay sinisuwelduhan na lang ng mga local government units, at kakulangan ng mga ito kaya nagsi-share sa serbisyo nila ang mga magkakalapit na mga barangay, iba ang pinagtutuunan ng pansin ng kalihim – mga programang hindi makatotohanan o pangmayaman gaya ng “stem cell research”.

Ilan nang health workers ang nakausap ko at nagsabi na bukod sa kanilang mababang sweldo, ay wala rin daw silang transportation allowance kung sila ay magbahay-bahay sa pagpapatupad nila ng mga programa ng gobyerno, wala rin silang food allowance, at lalong walang hazard pay ang mga nakatalaga sa mga delikadong lugar. Yong isa ay nagbanggit na maski payong ay hindi man lang sila mabigyan. Hindi naman daw nila magamit ang mga payong na bigay ng mga epal na pulitiko dahil may larawan nila. Marami akong natitiyempuhang nagpapahinga sa mga karinderya upang kumain ng tanghaliang baon nila at dinadagdagan na lang ng kalahating order na ulam at hininging libreng sabaw. Yong isa kawawa dahil itinali na lang ng straw ang napigtal na strap ng kanyang sandal, kaya ibinili ko ng mumurahing gomang tsinelas sa malapit na palengke.

Habang ang DSW ay nakakapagbigay ng pera sa mga mahihirap na magulang daw , ang mga kawawang  DOH health workers na ang tungkulin na may kinalaman sa kalusugan at buhay ng mamamayan ay napapabayaan. Sa ginagawa ng pamunuan ng DOH, paanong makakatagal ang mga tauhan nito sa pagpapatupad ng mga programa para sa taong bayan na “inaakay” daw ng Pangulo sa pagtahak ng tuwid ng daan daw, kung sila mismo ay nangangailangan din ng tulong?

Discussion

Leave a response