0

Kung Ako si Jejomar Binay...

Posted on Sunday, 2 November 2014



Kung Ako si Jejomar Binay…
Ni Apolinario Villalobos

Sa patung-patong na mga bagong ebidensiya na may kinalaman sa asyenda ng mga Binay sa Rosario, Batangas, at tinalakay sa Senate hearing, ika-tatlumpo ng Oktubre, malabo na nilang malusutan ang paratang na sila ang nagmamay-ari nito. Ang masaklap pa, nandamay pa sila…nanghila pa ng iba habang lumulubog sila sa kumunoy ng kahihiyan. Ang tanging pag-asang natatanaw ni Binay ay ang eleksiyon ng pagka-presidente ng Pilipinas sa 2016 – kung makakalusot niya…sa ano mang paraan siguro. Naalala ko tuloy ang tulang nabasa ko tungkol sa taong nagbenta ng kaluluwa niya kay satanas upang magkaroon ng maginhawang buhay….

Pero kung ako si Jejomar Binay, dahil sumapi kunwari ang ispiritu ko sa kanya, aakuin ko na lang ang mga ginawa ko. Kakausapin ko ang misis ko, at ang tatlo kong anak at pagsabihan sila na huwag umamin ng kung anong kasalanan. Basta, ang lahat ng bintang ay ibato sa akin. Haharapin ko na lang ang lahat sukdulan mang ako ay makulong. Walang problema dahil sanay naman akong kumain nang nakakamay na ginagawa ng mga nasa ob-lo. Nakodakan pa nga ako minsan kasama ang mga batang, kumakain sa dahon ng saging, naka-kamay kami. Kaya ganoon lang kadali yon…kakayanin ko.

Hihintayin ko na lang na matapos ang eleksiyon sa 2016, kung kaylan ay alam ko namang magkakaroon ng dayaan kaya yong  mga may hawak ng pork barrel at kung anu-ano pang pondo ng bayan ang sigurado kong mananalo. Basta nandiyan lang “siya”. Magkasama nga kaming nag-hose noon ng mga loyalista ni Marcos, kasama si Tolentino sa harap ng Manila Hotel, nang ipilit nilang umupo ang matanda bilang Presidente dahil inilipad na si Marcos sa Hawaii, sa halip na sa Paoay. Nakodakan pa nga kami ni “brod”, in fairness, hindi nahulog ang salamin niya, sincere na sincere sa pag-hose ng mga taong nagkandatilapon. Kaya may utang na loob pa rin sila sa akin, dahil kung hindi ako humawak ng hose, hindi nakarating sa Malakanyang silang mag-iina. Dapat lang akong maningil dahil mahirap yata ang magpalit ng kulay, depende sa administrasyon….nakakaitim…kita na nga ang ebidensiya. Sa laki ng badyet na tingin ko ay maipapasa, sigurado na ang panalo “nila” sa eleksiyon.

Subali’t kung gusto namang bumida ng junior ko…atatapang a bata yan…junior yata!...siya na lang ang ididiin ko. Pakapalan na lang ng mukha. Sanay naman ako diyan. Hindi siya puwedeng umalma dahil lahat ng ginusto niya ay binili ko, pati bahay na may elevator. Hindi siya dapat mangulila sa loob dahil padadalhan siya palagi ng keyk at mababangong bulaklak, pati na rin ng isang exotic na ibong nagsasalita, yon nga lang kailangang may interpreter siya dahil ang salitang alam ng ibon ay Mandarin.

Si misis at ang dalawang anak kong chicks, dapat manatiling malinis sa mata ng tao. Ipipilit ko yan, kahit na alam kong ngayon pa lang marami nang librong naisulat tungkol sa mga kababalaghang nangyari na nagsimula noong kapanahunan ko bilang mayor sa Makati. Aaminin ko naman talaga, upang wala nang mga kaek-ekan pang pag-usapan.

Maaari ko ring kausapin ang junior ko upang magpalabunutan kami kung sino ang aako ng mga kasalanan. Sasabihin ko sa kanya, na ang taong umaako ng kasalanan ay may grasyang matatanggap mula sa langit. Kung gusto niyang ako na lang ang tumanggap ng grasya, sasabihin ko na hindi na ako tatablan nito dahil makapal ang balat ko…ang mukha ko. Mauunawaan niya dahil matalino siya tulad ko rin, kaya nga ako naging abogado para malaman ko kung paanong paikutan ang mga batas. Ganoon ako katalino kaya nga dapat sana ay wala akong kasalanan until proven in court, o hangga’t hindi bumigay ang istaring na dummy na may intsik na pangalan.

Sana ako si Binay upang magawa ko ang mga pag-ako, o di naman kaya ay mabuyo ko ang anak ko na gawin ito, at nang matapos na ang usapang pangungurakot ko daw. Kawawa kasi ang taong bayan dahil nasasapawan na ang ibang isyu na dapat ay mapag-usapan tulad ng trilyones na badyet 2015 na pinaglalawayan ng mga buwaya sa kongreso at senado. Malamang nilakihan ng mga “brod” ko ang badyet upang masigurong may maipamudmod sa mga Pilipinong katulad kong mahirap at nagugutom ayon sa DSW, pagdating ng kampanyahan sa 2016. Alam kong may pagkabanal ang hinahangad kong ito, at alam ko ring 100% na tama…abogado yata ako, maraming alam, kaya nga maski mali ay nagagawa kong palabasing tama. Dahil sa kagalingan kong ito, maraming naiinggit, pinupulitika ako.

Ako na ito, ang manunulat, na nagsasabing opinion kong pansarili ang inilahad ko kung sakaling sumanib ang ispiritu ko kay Binay. Sa isang banda, huwag mag-alala ang mga spokesperson ni Binay dahil wala akong hangad na mang-agaw ng eksena. Kung gusto nila, paghatian na lang nila ang sentensiya pagdating ng panahon…kanila na lang. Lumalabas din lang sa bibig nila ang animo ay mga galing sa diwa ni Binay, i- all the way na nila ang pagsalita na para na ring si Binay, kasama na ang pa-humble epek nito sa harap ng mga TV camera…dahil mahirap lang siya…at maitim, hindi mestizo tulad ng mga kalaban niya.

Discussion

Leave a response