Leksiyon Mula sa Taga-kumpas ng Orkestra
Posted on Saturday, 15 November 2014
Leksiyon Mula sa
Taga-kumpas ng Orkestra
Ni Apolinario Villalobos
Nakakaayang pakinggan ang tugtog ng isang orkestra, na kahit
maraming manunugtog ay maganda ang pagkabuo ng musika. At lalong nakakalibang
kung tingnan ang taga-kumpas o maestro na animo ay humihiwa ng hangin sa
pamamagitan ng kanyang baton. Ang maestro ay nakatalikod sa mga manonood, na
kahit likod lang niya ang nakikita ay natutuwa at kuntento na dahil sa
magandang resulta ng kanyang pagkumpas. Kaya sa kanyang pagharap upang yumuko,
siya ay masigabong pinapalakpakan.
Ganito ang dapat gawin ng isang namumuno, lalo na ng
gobyerno- nakaharap siya sa mga responsibilidad at mga taong kanyang
pinamumunuan. Hindi niya kailangang nakaharap sa mga taong bayan, dahil ang
inaasahan sa kanya ay ang mga magagandang resulta ng kanyang pamumuno. At
lalong hindi siya maya’t mayang nakaharap sa media upang magpa-cute, o magtakip
ng mga kapalpakan ng kanyang pamumuno na nakikita ng taong bayan.
Kailangang humarap ang namumuno sa kanyang mga tauhan upang
malaman kung sino sa mga ito ang wala sa ayos upang kahit mataras mang ituring
ay dapat niya itong mapaalis upang hindi mahawa ang iba at magpapasama sa
kabuuhang pagpupunyagi.
Hayagang sinasabi ni Binay na maraming kapalpakan ang
kasalukuyang administrasyon na kanyang kinaaniban bilang isang kalihim. Ang
kanyang pasaring ay tumutukoy sa mga kahinaan ng pangulo bilang pinuno, na para
bang nagpapahiwatig na mas magaling siya, kaya dapat siyang iboto sa 2016.
Dahil narinig ni Aquino ang pasaring, noong simula ay gumanti siya, kaya sinabi
niya na kung hindi masaya si Binay bilang bahagi ng kasalukuyang
administrasyon, ay maaari naman itong magresayn. Hindi tinablan si Binay.
Bandang huli, hinayaan na lamang ng presidente, ang harap-harapang pangmemenos,
na kulang na lang ay may kasamang pagdura.
Dahil sa nangyaring binanggit, ang dapat sanang magandang
pagpupunyagi ng administrasyon bilang isang buong grupo ay hindi naging buo –
may isang humihiwalay. Kung ihahalintulad sa isang orkestra, kahit nasenyasan
ng maestro ang isang manunugtog na wala sa tono, tuloy pa rin ito sa pagtugtog kaya naging disintunado ang musika
sa kabuuhan, sa halip na maging kaaya-ayang pakinggan. Ang mga nakikinig ay
nagtakip na ng tenga, dahil sa hindi magandang napapakinggan nila. Kaya dapat
asahan na ni Aquino na sa kanyang pagharap sa mga tao upang yumuko sa
pagtatapos ng kanyang “performance”, baka siya ay mabato pa ng mga kamatis na
bulok at bugok na itlog, sa halip na palakpakan.
Discussion