0

Ang Nakakamanghang "Galing" ni Antonio Tiu

Posted on Sunday, 2 November 2014



Ang Nakakamanghang “Galing” Ni Antonio Tiu
Ni Apolinario Villalobos

Nakakamangha ang mga skills o galing ni Antonio Tiu. Kung sakaling manalo si Binay bilang Presidente ng Pilipinas, hindi lang iisang tungkulin ang maaari niyang gampanan. Makakatipid ang administrasyon ni Binay, dahil iisa na lang ang hihiranging Secretary – si Tiu. Maaari siyang Secretary of Tourism, Finance, Budget and Management, Education and Culture, Foreign Affairs, Agriculture, Energy, Health, etc.

Sa galing niya sa paghabi ng mga kuwento, maaari siyang dumayo sa ibang bansa upang maghikayat ng mga turista sa pagsabi na nakakabingi ang katahimikan sa Pilipinas…walang patayan, nakawan, kidnapan, gahasaan, at kung anu-ano pang kriminalidad, kaya ang turista ay ligtas na makakapaglakbay saan man, kahit na hanggang sa Tawi-tawi at Basilan. Kahit magdamag ding maglalakad ang turista sa Tondo, Avenida, Cubao at iba pang lugar sa Maynila, hindi siya madudukutan ng pitaka o aagawan ng bag. Wala rin siyang matitisod na mga rugby boys o mga mag-anak na natutulog sa bangketa, at walang Badjao na namamalimos.

Walang nagra-rally na mga estudyante… pwede niyang sabihin yan, dahil wala nang halos nag-aaral, abut-langit kasi ang halaga ng tuition fees. Kaya ang mga babaeng dapat nag-aaral ay nasa mga music lounge, café, beer house – entertainers. It’s more fun in the Philippines! Ang mga lalaking dapat mag-aral ay construction workers, hindi magkandaugaga sa pagtrabaho sa ilalim ng araw upang matapos agad ang mga building na pinapagawa ng mga negosyanteng Koreano at Intsik. Masipag ang Pilipino! At, yong mga bata naman…walang problema, tahimik silang nagra-rugby sa mga sulok. Kaya, it’s more fun in the Philippines talaga!

Maaari siyang magsalita sa United Nations upang ipagyabang na ang Pilipino ay hindi nagugutom, sa halip ay malulusog dahil nakakakain ng tatlong beses isang araw, may dalawang meryenda pa, at midnight snack – yon nga lang, pagpag na galing sa basurahan ng Jollibee at iba pang burger joints at restaurants. Wala ring sakit dahil wala ni isang lamok o ipis saan mang sulok ng Pilipinas, kaya maski matulog ang Pilipino na nakahubad, ligtas siya sa nakaka-dengue na kagat ng lamok. At, sa mga kainan sa kalye, kahit pa hindi hugasan ang mga pinggang pinagkainan na, walang maaakit na ipis, kaya pwedeng kainan uli kinabukasan.

Sa mga gustong mag-invest na taga-ibang bansa, maaari niyang sabihin na ang mga  isla ng Pilipinas ay pinag-uugpong ng mga tulay, kaya walang problema sa pagbiyahe mula Batanes hanggang Tawi-tawi. Kung ang isang investor ay magtatayo ng mall sa Marinduque, dadagsain pa rin ito ng mga taong naninirahan sa Jolo. Kung ang investor ay magtatayo ng pagawaan sa General Santos, ang mga empleyado ay hindi mali-late kahit nakatira pa sila sa Cavite.

Ang educational system ng Pilipinas ay pwede niyang ipagyabang na the best in the world dahil every year ay binabago ang mga libro ng mga estudyante, kaya malaki ang kita sa ganitong negosyo. Aircon ang mga silid-aralan at pwede pa ngang tumanaw sa labas dahil sa laki ng mga butas ng mga dingding, may mga skylight pa dahil kulang ng yero ang ibang bubong ng ibang eskwelahan lalo na ang mga nasa liblib na kanayunan. Kung palikuran naman – ahhhh!...napakalawak ng mga talahiban at marami ring punong mapagkukublihan, kaya walang problema.

Walang iskwater sa Pilipinas! maaari niya itong ipagsigawan sa buong mundo dahil karamihan sa mga mga sinasabing busabos ay may mga kariton at ang iba naman ay palaging may kipkip na karton na banig nila sa gabi. Kaya hindi sila nang- iiskwat ng lupa upang tirhan. Yong mga nakatira sa mga barung-barong ay mga artista sa ginagawang Indie films at ang mga tirahan nila ay mga props lamang. Ang mga batang akala ng iba ay yagit dahil nanlilimahid at halos nakahubad na ay mga anak ng nature lovers na magulang kaya pati sila ay halos hubad na rin. At yong mga dumi sa mukha ay ipinahid na putik bilang simbolo na sila ay galing sa lupa at sa lupa rin babalik pagdating ng panahon. Sa Pilipinas, hindi lang sa mga liblib na beaches mayroong nude na nature lovers, dahil sa Maynila lang ay marami nito. Siguradong maraming mga turistang manyakis ang dadagsa sa Pilipinas sa halip na magtiyaga sa pagmasid ng pay-per-view na sex shows sa internet.

Hindi magkakaroon ng blackout sa Pilipinas, maaari niyang idagdag sa kanyang kampanya. Talagang hindi magkakaroon, dahil dati nang mayroon nito, matindi pa, lalo na sa Mindanao. Kaya nga dumami at lomobo ang populasyon sa mahigit isang milyon na ngayon ay dahil palaging maagang matulog ang mga Pilipino. Ganoon ka-health conscious ang mga Pilipino, kaya hindi nagpupuyat. At dahil dito, lumutang ang pagkaromantiko ng mga Pilipino na kinaiinggitan ng mga taga-ibang bansa na kung magkaroon ng anak ay iisa o pinakamarami na ang tatlo. Sa Pilipinas, dose-dosena ang mga biyayang galing sa sinapupunan ng mga ina!...kaya inggit ang mga banyaga!

Kung may bagyo, walang problema sa mga gusali o bahay na mahahapay…dahil puro nahapay na. At upang hindi masira ang skyline ng mga probinsiyang nasalanta, halos isang taon na ay iilan pa lang na tirahan ang itinayo ng gobyerno. Ganyan ka-concern ang gobyerno. At hindi lang concerned ang gobyerno sa mga nasalanta, pati na rin sa mga halang ang  bituka, ang mga bantay-salakay, kaya ang mga naimbak na donations hinayaan na lang na nakawin nila, kaysa dagsain pa ng mga daga at uod. At isa pa, may mga darating pa naman yata.

Upang lalong makuha niya ang tiwala ng mga banyaga, maaari niyang sabihin na isa sa mga requirements ng mga Pilipino na gustong pumasok sa pulitika ay dalawang taon man lang sa seminaryo o kumbento, para siguradong malinis ang kanilang budhi kapag nanalo sila bilang mambabatas o sa kung ano mang puwesto sa gobyerno. Ibig sabihin, walang korap na mga opisyal sa Pilipinas. Pero kung puwesto na ng presidente ang pinupuntirya, dapat ang kandidato ay may apat na taong karanasan sa loob ng kumbento o seminaryo. Ibig sabihin certified na maka-Diyos ang presidente ng Pilipinas, na dapat ay laging diretso ang pananaw, parang kabayo, hindi tumitingin sa kaliwa o kanan, habang naglalakad sa tuwid na daan. Pwede niyang idagdag na masigasig ang presidente sa Pilipinas at sumusunod sa mga utos ng kanyang mga hinete, eheste, mga amo pala.

At sa relasyon ng Pilipinas at Tsina,  bff silang dalawa at may mga theme-song pa, ang: “My Way”, at “Buchekek”. At home na at home din ang mga Tsino sa Pilipinas at ang pinakamalaking pruweba ay siya, tatlong litra ang apelyido. Kaya pwede niyang sabihin: huwak apleyd sa ploblem sa West Philippine Sea, sabay smile ng pagka-cute na cute!

Discussion

Leave a response