0

Sa Kalituhan, Nahilo si Binay

Posted on Monday, 3 November 2014



Sa Kalituhan, Nahilo si Binay
Ni Apolinario Villalobos

Nakakahilo ang mga problema. Ito ang nangyayari ngayon kay Binay na dahil sa kalituhan, pati ang gabinete na kanyang kinabibilangan ay inupakan sa kanyang talumpati kamakailan bilang panauhing pandangal ng Lions’ Club International. Dahil sa ginawa niya, hindi na nakatiis ang Pangulo kaya nagparunggit na maaari siyang mag-resign sa gabinete kung hind siya makakaagapay sa mga ginagawa ng administrasyon. Tama lang ang ginawa ng Pangulo, dahil sa halip na magbigay ng payo ang Bise Presidente, tinitira pa ang kanyang mga kasama sa gabinete ng pailalim – patraidor, maiangat lang ang sariling bangko. Pinapalabas niya na talagang siya ang karapat-dapat na maging susunod na pangulo.

Kahit narinig na ni Binay ang sinabi ng Pangulo ay nagdeklara pa rin siya ng tiwala dito.  Ang problema, siya ay may tiwala sa Pangulo, pero ito ay wala namang tiwala sa kanya. Kaya kung may delikadesa si Binay, dapat lang siyang tumiwalag na sa administrasyon. Dapat gawin ito Binay upang makapag-concentrate na lang sa pagkampanya. Pero, takot siya dahil wala na siyang dahilang lumapit sa mga tao – ang pamimigay ng mga dokumento sa pabahay, bilang housing czar. Talagang tuso at manggagamit dahil pati ang kanyang obligasyon sa mga tao, ay gusto pang maging utang na loob sa kanya ng taong bayan!

Ito ang mga istratehiya ni Binay, bilang wa-is na pulitiko:   ginamit niya ang mga Aquino upang ipaalam sa mga tao na kaisa siya sa mga adhikain ng pamilya na labanan ang korapsyon upang makuha ang tiwala ng mga nakadilaw, kaya nanalo siya bilang Bise Presidente; nakipag-alyado din siya sa mga partido na dating kalaban ng kanyang partido; nang mabisto ang katiwalian niya sa Makati noong mayor pa siya ay nagsimulang “magbenta” ng mga ari-arian at pumili ng isang tao na magsisilbi niyang kalasag bilang dummy si Tiu; at, bigla siyang nagpakita sa mga Pilipino sa pamamagitan ng walang humpay na paglibot sa buong bansa at namudmod ng mg papeles na may kinalaman sa pabahay – isang aksiyon na may tatlong layunin…mangampanya, magpaliwanag na wala siyang kasalanan sa harap ng mga imbestigasyon, at batikusin ang administrasyon dahil sa mga palpak na mga proyekto, upang ipahapyaw na siya “pala” ang kailangan ng bansa upang magkaroon ng kaunlaran. Sa ginawa niyang paglilibot, ginamit niya ang pera ng taong bayan!

Akala ni Binay ay  nakatuntong na siya sa kalabaw habang itinataas ang sariling bangko. Sa pagmamadali niyang iangat ang sarili, pinagsabay ang dalawang nabanggit upang lokohin taong bayan. Ang kaso, umalma ang kalabaw na maaari niyang ikahulog, at ang masakit, madadaganan pa siya ng bangko niya na narra at antigo (mahilig siya sa ganitong muwebles) – mabigat…kaya siguradong lasug-lasog ang kanyang mga buto sa paglagapak niya sa lupa!

Malamang maluha-luha si Binay sa panghihinayang sa pagkawala ng isang kapamilyang relasyon sa mga Aquino, habang tinitinghan ang larawan nila ni Pnoy na nagbobomba ng tubig sa grupo ni Tolentino sa harap ng Manila Hotel…noong inilipad si Ferdinand Marcos sa Hawaii.

Discussion

Leave a response