0

Masabi lang...

Posted on Wednesday, 26 November 2014



Masabi lang…
ni Apolinario Villalobos

Bakit kaya may mga taong mahilig pomorma?
Gagawin ang lahat upang mapansin sila
Kesehodang malagay sila sa alanganin -
Mga sitwasyong nakakahiya sa paningin.

Masabi lang na may ginawang para sa kapwa
Mamimigay ng bagay na patapon at sira
Akala nila, dahil mahirap ang binibigyan
Mga taong  ito ay wala nang karangalan.

Masabi lang na masipag at seryoso sa trabaho
Mga patakara’y susuwayin nang taas noo
Siya ay yong taga-DOH, sa isla ay pumunta
Ibang tao ay mayabang na kinaraykaray pa!

Masabi lang, may naibigay sa mga nasalanta –
Ng nagngangalit na bagyo, ngala’y Yolanda
Itong DSW, alumpihit sa pamimigay ng todo
Ng mga donasyon, balak yata, pampalit-boto!

Masabi lang, may naibigay na nga talaga sila
Ang DSW, nagbitbit ng kaalyado sa pulitika
Relief caravan, mahaba, maraming trak kuno
Umusad nang ilang araw, Tacloban ang destino.

Masaya din naman dahil may masasabi na nga
Tungkol sa makatao kuno nilang pinaggagawa
Nagkodakan pa sa pamimigay ng mga donasyon
Na ang iba pala ay bulok, inu-uod, dulot ay lason!

Masabi lang, nakatulong daw sa mga kababayan
Pinagawa’y ospital, parking building at eskwelahan
Lusot na sana ang isang magiting na dating alkalde
Kung hindi inginusong may milyones siyang nadale!

Bakit kaya may mga taong bantad na sa kasamaan
Puso’y nangingitim sa patung-patong na kasalanan
Banggit pa ng banggit ng Diyos at kanyang honesty
Kasabay ay pa-humble epek na isang mayuming ngisi!

Discussion

Leave a response