0

Ang Bureau of Corrections at Department of Justice

Posted on Friday, 28 November 2014



Ang Bureau of Corrections (BuCor)
At Department of Justice (DOJ)
Ni Apolinario Villalobos

Alam na pala ng Department of Justice (DOJ) na may laboratory ng droga sa national penitentiary o “Munti”, bakit ngayon lang sila nagdadakdak?... at todo warning pa si Dilema na kilala na daw niya ang mga drug lords! Dapat pala siyang kasuhan ng administratibo dahil sa hindi niya pagpapatupad ng kanyang mga responsibilidad, kaya dapat noon pa ay may ginawa na siya! Marami siyang nasasabi kung sa harap ng kamera at kung iniinterbyu pero walang nagagawa kung wala na ang mga ito. Pinaghahanda lang niya ang mga drug lords upang gumawa ng counter moves, tuwing siya ay magbrodkast. Marami tuloy ang nagtatanong kung kapanalig ba siya ng batas o ng mga drug lords!

Mula noong may pinaputok na ang whistle blower na si Kabungsuwan Makilala, wala nang narinig mula sa DOJ. Kung hindi pa nag-inspeksiyon ang Senado tungkol sa tunay na kalagayan ng Bureau of Corrections, hindi pa nataranta uli ang DOJ sa pagkilos kuno, sabay ng kaliwa’t kanang pa-interview, para lang masabing may ginagawa sila. Hihingi pa raw ng tulong sa iba pang ahensiya ng gobyerno dahil hindi nila kayang matunton ang laboratory sa loob ng “Munti”. Kung hindi ba naman hung….ang! Ilang linggo na ang sinayang ni de Lima mula nang magpaistaring siya sa mga interview. Siguradong ni isang kapiranggot na gamit ay wala nang mahahagilap dahil pinagtatago na o inalabas na sa compound. Hindi magiging drug lords ang mga walang konsiyensang nakadetene sa “Munti” kung bobo sila, kaya nakokontrol nila ang mga gwardiya at opisyal!

May sinabi ang dating Director ng Bureau of Correction na si Santiago, na ang pinatapon daw niya noong drug lord sa isang malayong “kolonya” o penal colony ay nakabalik! Ang tanong ay kung saan nanggagaling ang authority sa mga ganitong desisyon? Hindi ba DOJ? Malamang sa malamang, malawak ang saklaw ng “intelliegence network” ng mga drug lords sa loob ng “Munti” na may koneksiyon pa rin sa mga kaalyado nila sa labas. Kasama sa network na ito ang mga tauhan ng Bureau of Corrections at DOJ dahil kaya nilang magbayad ng malaki, kaya lahat ng kilos ng mga matitinong tauhan ng mga ahensiyang ito ay nalalaman at naititimbri agad.  Saan naman napunta ang intelligence fund ng DOJ? Ang bagong Director ng BuCor na si Bucayo ay walang nagawa kahit alam pala niya ang mga nangyayari, kaya dapat magresayn na siya.

Ngayon, hindi nakakapagtataka kung bakit tuwing may ma-raid na drug laboratories saan man sa Pilipinas ay walang nahuhuling may-ari. Kung hindi kasi natimbrihan agad ng mga kakutsaba sa loob ng mga ahensiya ng gobyerno kaya nakatakas, ang iba pala ay nasa loob na ng “Munti”!

Discussion

Leave a response