0

Hindi Dapat Itigil ang Imbestigasyon kay Binay

Posted on Sunday, 9 November 2014



Hindi Dapat Itigil
ang Imbestigasyon kay Binay
ni Apolinario Villalobos

Ang panawagan ng iba, lalo na ni Romulo Makalintal na itigil ang imbestigasyon kay Binay ay hindi nararapat. Nakakagulat ang mga lumalabas na mga isyu tungkol sa mga katiwalian nito. Dapat malaman ng taong bayan kung anong uri ng tao ang interesadong maging presidente ng Pilipinas.

Kung hindi dahil sa imbestigasyon, malalaman ba ng taong bayan ang tungkol sa perang nakamkam nang ipatayo ang Makati City Hall II?,…ang asyenda sa Batangas?...ang ilang dobleng patong sa pagbili ng mga gamit sa Ospital ng Makati?...ang katiwalian sa pagpagawa ng Makati Science High School? Inaasahang marami pang isyu ang maii-ugnay kay Binay.

Wala namang problema sa mga ebidensiya dahil pinapasa ng Senado ang mga ito sa Ombudsman. At, inaasahan na ng bayan na aabutin ito ng siyam-siyam sa kamay ng mga imbestigador ng Ombudsman. Idadahilan na naman ang kakulangan ng mga abogado, na standard na dahilan ng lahat ng korte ng gobyerno, kaya mahina ang pag-usad ng mga kaso.

Malaking bagay ang ginagawang imbestigasyon ng Senado. Hindi nga lang nagko-cooperate ang mga resource speaker, ayaw magsalita at magbigay ng mga hinihinging dokumento, na naging sanhi ng pagkainis ng mga nag-iimbestiga. Kaya hindi tama ang sinasabi ni Romulo Makalintal na one-sided ang imbestigasyon. Hindi siniseryoso ng mga resource speakers ang ginagawang imbestigasyon. Malinaw ang intensiyon nilang magtakip dahil sangkot din sila.

Ang mahalaga sa ginagawang imbestigasyon ay nabulgar ang mga ginagawa ni Binay. Kahit pa pinapalabas ng mga kampi kay Binay na nagga-grandstanding ang mga imbestigador at nakakaduda kung may magagawang batas. Hindi rin totoo ang sinasabi ni Makalintal na paulit-ulit ang mg sinasabi sa imbestigasyon dahil palaging may bagong isyu na nakakagulat tuwing araw ng imbestigasyon. Ang malaking pakinabang sa imbestigasyo ay ang pagkabulgar ng mga katiwalian. Kaya, hindi iindahin ng mga Pilipino kung abutin man ng siyam-siyam ang imbestigasyon na gagawin ng Ombudsman…kung kikilos nga ang mga abogado nito para gampanan ang kanilang tungkulin.

Ang mga pananaw sa imbestigasyon ay lumalabas sa internet at malalaking diyaryo. Hindi kayang bumili ng mga ordinaryong tao ng malalaking diyaryo dahil mahal ang mga ito, at lalong wala silang computer kung saan ay mapapanood o mabasa nila sa internet ang mga imbestigasyon. Subalit magbukas lang sila ng radyo at TV, may maririnig o mapapanood na sila, live pa. Kaya paanong matitigil ang imbestigasyon kung ang nakikinabang ay mga ordinaryong mamamayang Pilipino?

Kung hindi dahil sa imbestigasyon, hindi mabibisto ang planong ginagawa ng pamilya Binay na makontrol ang Pilipinas, na inumpisahan nila sa pagkontrol ng Makati. Inaako nilang kung hindi dahil sa kanila ay hindi gumanda ang Makati, ganoong pera naman ng mga negosyante sa Makati ang ginamit – pinagkitaan pa. Pati kabataan ng Makati ay ginamit sa pagpapatayo ng Makati Science High School na pinagkitaan din. Ang mga mahihirap ng Makati ay ginamit din sa pamamagitan ng Ospital ng Makati, na ang halaga ng mga gamit ay pinatungan ng kung ilang dobleng komisyon.

Ginamit ng mga Binay ang kapangyarihan ng pera at mapagkunwaring makatao nilang adhikain upang makuha ang kalooban ng mga taga-Makati. Ngayon ay ginagapang naman nila ang buong sambayanang Pilipino. Malaking negosyo ang tingin nila sa Pilipinas – maraming senior citizen na mapagkikitaan ng “libreng” cake at “libreng” sine, maraming namamatay na mabibigyan ng bulaklak, maraming ospital na mabibilhan ng mga gamit na ang halaga ay papatungan ng kung ilang  dobleng komisyon, maraming lugar ang pwedeng pagtayuan ng mga eskwelahan na maaaring pagkitaan, at maraming nakatiwangwang na lupain sa buong bansa na maaari pang makamkam. Dadagdagan nila ang dusang nararamdaman ng mga Pilipino dahil sa mga illegal na logging at pagmimina na gawa rin ng mga tiwaling opisyal, lalo na ang walang pakundangang nakawan sa kaban ng bayan. Nakakabahala ang paglaki ng utang ng Pilipinas na umabot na sa kung ilang trilyong piso dahil sa mga katiwalian.

Hindi siguro naisip in Makalintal na hindi dole-out ang mga libreng cake at sine sa Makati. Lumalabas lang na libre dahil subsidized ng pamahalaan ang isang bahagi ng gastos na dapat bayaran ng beneficiary. Kahit anong pamahalaan ay maaaring magpatupad ng “libreng” sine at cake para sa senior citizens kung kaya ng budget nila. Unang nagawa ito sa Makati dahil malaki ang kinikita ng bayan, kaya hindi dapat ituring na utang na loob kay Binay ang libreng cake at sine para sa mga senior citizen. Walang dole out o libreng binibigay sa mga Pilipino maliban lang sa mga donasyon na relief goods na tinitipid pa nga.

Nang mabisto ang ginagawa niyang katiwalian, nag-ikot sa Pilipinas si Binay, gamit ang pera ng bayan, at nagpakodak habang nakipag-boodle fight o kainang nakakamay sa dahon ng saging kasama ang mga mahihirap daw at kabataan. Lumapit sa pangulong Pnoy, lumapit sa mga Obispo (kaya ang isa daw ay nakapag- sign of the cross nang tabihan niya), at nagsalita pa sa radyo sa Cebu. Ganoon siya kadesperado sa paghanap ng kakampi.

Maganda ang taktika ni Binay. Ginamit ang pera ng mayayaman sa Makati upang magamit naman sa mga programa para sa mahihirap at matatanda, mga may pusong madaling kurutin – puro tinatakan ng “B”, kaya lahat ay lumalabas  na kanya. Balak niyang gawing “ebidensiya” ang Makati bilang katibayan na magaling siya upang magamit namang magandang dahilan sa pagtakbo niya bilang presidente ng Pilipinas. Pati ang administrasyon ni Pnoy na kinabibilangan niya bilang kalihim ng isang ahensiya ay inaatake na niya para palabasing hindi maganda ang mga palakad kaya nangangailangan na ang bansa ng isang magaling na presidente. Lahat ay planado. Sa kasamaang palad sumemplang ang “grand plan”. Ang mga “ebidensiya” sana ng good performance ay naging mga ebidensiya ng katiwalian niya ….nag-boomerang!

Discussion

Leave a response