Mga Mukha ng Pagsisikap...maaliwalas dahil sa tagumpay
Posted on Friday, 14 November 2014
Mga
Mukha ng Pagsisikap
…maaliwas
dahil sa tagumpay
Ni Apolinario Villalobos
Totoo ang kasabihang tinutulungan ng Diyos
ang taong tumutulong sa kanyang sarili. Kailangang magsikap ang isang tao upang
mapatunayan niyang karapat-dapat siya sa tulong na ipagkakaloob sa kanya. Dahil
dito, karananiwang nakakakita tayo ng mga lumpo na nakasakay sa wheelchair at
nagtitinda ng sigarilyo. Meron akong nakitang pilay, isa lang ang paa, at dahil
walang saklay ay gumamit ng isang kapirasong kahoy na nakatulong sa kanyang
pagkilos upang makapagtinda ng kakanin at kendi sa mga pasahero ng dyip na
naiipit sa trapik. Marami pang nakakainspayr na tanawin ang makikita natin sa
ating paligid kung bubuksan lamang natin ang ating mga mata.
Marami akong kaklase noon sa elementarya, na naglalakad ng kung ilang kilometro upang
makapasok sa eskwela. Ang baon ay kanin lamang at asin o ginamos (bagoong alamang na binayo o nilasak-lasak,
pinatuyo sa araw at pinausukan). Ang hindi ko makalimutan ay si Nonito Bacus.
Tuwing recess, ang ginagawa niya kasama ang kanyang tatlong nakababatang
kapatid ay uupo sa isang sulok ng grandstand upang sumubo ng ilang dakot na
kanin na binudburan ng asin. Magtitira sila ng kanin para naman sa tanghalian.
Tuwing makatapos sa pagkain ay tatakbo sila sa artesian well o poso upang
uminom. Lahat silang magkakapatid ay tumutulong sa pag-araro sa maliit na
lupang tinaniman ng mais, na pinasaka lamang sa kanila. Araw-araw, nilalakad nila ang layong tatlong kilometro
upang makapasok sa eskwela.
Sa high school naman, marami akong
matatalinong kaklase at kaibigan na todo rin ang pagsikap upang makapag-aral.
Isa na si Romeo Gallego na nagtinda ng ice cream tuwing Sabado at Linggo. Ang
iba ay sina Ramonito Pernato at Apolonio de la Peῆa na nagkatay ng
manok upang mai-barbecue pag-uwi sa hapon, na ang pagtinda ay inaabot ng
hatinggabi; si Ernesto Gialogo ay tumulong sa kanyang mga magulang na
nagtitinda ng tuyo at tuba sa palengke, kaya nagkaroon ng kaalaman sa negosyo
na nagamit niya sa pagtinda ng banana cue na nakapagpatapos sa kolehiyo ng
lahat niyang anak; si Hernanie Buenacosa ay tumulong sa kanilang welding shop;
si Teddy Lapuz ay nagtinda ng diyaryo; si Fernando Valencia at kapatid niyang
si Remy Valencia ay nagtinda ng ice drop; si Jaime Bides ay tumulong sa kanyang
ama sa pagkumpuni ng mga sirang makinilya kaya kung minsan ay pumapasok siyang
maitim pa ang mga kuko dahil sa mahirap matanggal na mantsa ng grasa; si
Glenyrose Ballentes ay nagtinda ng gulay; si Rodina Ballena ay tumulong sa
tindahan nila sa palengke; si Virgie Paragas at kapatid na si Bing ay tumulong
sa tindahan nila ng mga motorsiklo; si Pat Sulleza na nag-alaga ng baboy upang
may pambayad ng tuition. Dahil ang bayan namin ay napapaligiran ng mga bukiring
taniman ng palay at mais, ang iba pang mga kaklase ko at kaibigan ay sa
pagsasaka naman ibinuhos ang kanilang pagsisikap.
Mapalad kami dahil ang eskwelahan naming
Notre Dame of Tacurong ay maluwag sa mga estudyanteng nali-late sa pagpasok
kung may kinalaman ito sa ginagawa nila upang kumita. Hindi na binibigyang
pansin ng mga guro ang mga puting polo-shirt at t-shirt na animo ay nagka-khaki
na ang kulay, dahil hindi man lang naikukula, upang mabanlawan agad at mapatuyo
sa gabi. Marami sa amin ay nagkasya sa dalawang pirasong polo shirt at dalawang
pantalong uniporme sa loob ng isa hanggang tatlong taon.
Sa college, maliban sa mga kaklase na
nagsikap tulad ko, marami rin akong nakitang iba pa na abut-abot din ang
ginawang pagpunyagi upang makatapos. Ang maalala ko ay sina Felizardo Lazado,
Romeo Tan, Agustin Carvajal, Romeo Balinas, Jaime Bides, at ang kapatid kong si
Florencio na naging mga working students o student assistants ng aming
eskwelahan. Hindi nasayang ang tulong na ibinigay sa kanila dahil lahat sila ay
nagtagumpay.
Ngayon, sa pamamagitan ng balitaan sa
social media at mga reunion, nalaman ko na lahat ng mga kaklase ko at kaibigan
ay nagtagumpay sa mga pinili nilang larangan. May mga negosyante, mga nurse na
nasa abroad, may mga magsasaka pero hi-tech na ang gamit na paraan, may mga
opisyal ng pamahalaan pero hindi nagnanakaw sa kaban ng bayan, may mga
kagalang-galang na mga titser, at ang mga napagod na ay nagpahinga na lamang
upang mag-alaga ng mga apo – lahat ay masasaya.
Sila ang mga mukha ng pagsisikap na
nangingintab sa aliwalas, dulot ng tagumpay. At sa kabila ng kanilang natamo,
ay bukambibig nila ang pasasalamat sa Kanya na palaging nasa kanilang tabi, sa
lahat ng pagkakataon. Talagang kapag ang pagsisikap ay pinaigting ng
pananalig…ang mga ito ay may tagumpay na katapat!
Discussion