0

Ang Walang Saysay na Paliwanag ni Cong. Tiangco at Gov. Remulla....sa pagdepensa nila kay VP Binay

Posted on Wednesday, 19 November 2014



Ang Walang Saysay na Paliwanag ni Cong. Tiangco
At Gov. Remulla…sa pagdepensa nila kay VP Binay
Ni Apolinario Villalobos

Binigyan ng pagkakataon si Cong. Toby Tiangco na magsalita nang walang patid sa isang interview ng isang istasyon ng radyo, ilang oras matapos ang Senate hearing (November 18), tungkol sa kaso ni Binay na sumentro sa mga condo units na nakamkam daw niya pero nakapangalan sa mga dummy. Inulit niya ang sinabi ng Gov. Remulla na ang condo unit sa isang building ay pag-aari ng dating Vice-mayor Mercado na nakapagpaliwanag na, ilang oras lang and nakaraan sa Senate hearing. Inamin naman ni Mercado na tumira siya sa condo unit subalit sa maikling panahon lamang, at abu-abot ang pagtanggi na nakapangalan sa kanya ang condo unit. Kung ipinipilit daw ng kampo ni Binay na kanya ang condo dapat magpakita sila ng dokumentong may pangalan niya at tulad ng ginawa niya sa kapirasong lupa sa Batangas na inilagay sa pangalan niya, ay ido-donate din daw niya ang condo unit.

Sa isyu ng pekeng medical certificate na iwinagayway ni Cong. Tiangco at kasama niya, nang mag-tresspass sila sa isang Senate hearing upang magsalita sana kahit hindi sila inimbita, ipinilit pa rin ni Cong. Tiangco na totoo ito. Hindi yata napagsabihan si Cong. Tiangco na sa sumunod na Senate hearing, mismong mga opisyal na ng ospital ang nagbunyag na wala silang inisyung certificate upang magpatunay na na-confine si Mercado.

Paulit-ulit na sinabi ni Cong. Tiangco na walang dokumentong magpapatunay na pag-aari ni VP Binay ang mga condo, sampu ng iba pang mga pag-aari na iniimbestiga, pati na ang sinasabing pangungurakot niya sa pagpatayo ng Makati City Hall II at Makati City High School Building. Nakalimutan yata ni Cong. Tiangco na ang isyu ay tungkol sa paggamit ni VP Binay ng dummies sa kanyang mga condo, kaya bakit ilalagay ni Binay ang pangalan niya sa mga dokumentong magpapakita ng pagmamay-ari? Para siyang uminom ng lason kapag ginawa niya ito.

Na-emphasize niya ang kanyang pagiging “trapo” dahil siya mismo ay umamin na pareho sila ni VP Binay na matagal na sa pulitika kaya alam nila ang mga kalakaran, na hangga’t walang dokumentong magpapatunay ng kasalanan lalo na sa harap ng hukuman, hindi sila dapat husgahan. Alam na ng taong bayan na ang mga gumagawa ng katiwalian na may katungkulan sa gobyerno ay kabisado ang mga kalakaran kaya malakas ang loob nilang paikutan ang mga ito. Sa ilang oras na nakaraang Senate hearing ay nagpakita si Senator Cayetano ng slide tungkol sa debate ni VP Binay laban kay dating MMDA Chairman na si Bayani Fernado. Ipinakita sa slide kung paanong lampasuhin ni Fernado si VP Binay dahil sa pagsisinungaling nito na hindi daw siya pumirma ng isang dokumentong naging batayan ng MMDA sa kanilang sidewalk clearing operations.

Bandang huli, ipinakita pa ni Cayetano sa hearing ang isang kopya ng nasabing dokumento na itinatanggi ni Binay nang harap-harapan. Nabisto tuloy ang likas na pagkasinungaling ni Binay na walang pakundangan niyang ipinakita sa mga Pilipino. Ito marahil ang kinatatakutan ni VP Binay, kaya ayaw niyang humarap kay Trillanes sa isang debate. Alam ni VP Binay na siguradong mauulit ang kanyang pagsisinungaling kapag nasukol na siya ni Trillanes, at lalong takot sa mangyayaring ito ang kanyang mga kaalyado sa pulitika dahil kahit abugado siya ay hindi nangangahulugang ganoon na siya kagaling na mananalita.

Ang pulitiko nga naman…gagawin ang lahat makalusot lamang!


Discussion

Leave a response