0

Mga Kuwento tungkol sa Barangay Health Workers

Posted on Monday, 10 November 2014



Mga Kuwento Tungkol
sa Barangay Health Workers
ni Apolinario Villalobos

Hindi dapat balewalain ang nakakaawang sitwasyon ng mga barangay health centers ngayon. Sa isang banda ay pwedeng gawin ito ng pamahalaan kung ang layunin nito ay hayaang mamatay ang maraming Pilipino upang mabawasan ang lomolobong populasyon ng Pilipinas. Ganoon lang ka-simple.

May magkakalapit na mga barangay ang naghahati ng serbisyo ng mga health workers na nakatalaga sa kanila sa loob ng isang linggong pagdo-duty ng mga ito. Ito ang remedyong ginagawa ng mga opisyal upang kahit papaano ay makapaglingkod pa rin ang mga health workers sa mga tao kahit lumalabas na overworked na sila. Maganda ang sistema sa punto ng samahan o bayanihan.

Subalit kung bubusisiin, hindi dapat ganito ang nangyayari dahil may karampatang budget namang nakalaan para sa mga health workers na may kanya-kanyang pinangangalagaang barangay. Lumalabas na sa halip na mapunta sa tamang pinaglalaanan ang budget, napupunta ito sa bulsa ng mga tiwaling opisyal. Ibig sabihin, tinitipid ang pera na dapat sana ay magamit sa taong bayan, upang manakaw lang!

May mga health workers na siniswelduhan ng mga local governments na sa aking pananaw ay hindi dapat. Ang budget para dito ay dapat galing sa national agency na DOH. Ang partnership ng DOH at local governments ay dapat limitado sa pagpapatupad ng mga programa. Maliit ang budget ng mga local governments at sila ay may mahahalaga ring pangangailangan. Kung ganito din lang ang sistema, dapat tuluyan nang i-decentralize ang health system at buwagin ang DOH, at italaga ang responsibilidad sa mga local governments na ang budget ay manggagaling sa buwis na awtomatikong kakaltasin sa mga binabayad na buwis.

Sa ganitong paraan, mapagtutuunan pa ng mga local governments ang mga proyekto. Ang mga malalaking ospital ng gobyerno ay pwedeng gawin “self-governing” batay sa kanilang mga patakaran upang mawala ang bureaucracy, ang mga red tapes. Iilan lang naman ang mga ospital na ito. Kung ganito ang mangyayari, wala nang tone-toneladang gamot na bibilhin upang maistak sa mga bodega na hindi naman naipapamahagi ng maayos kaya inaabot ng expiration. Wala na ring kalihim na mag-iisip ng mga animo ay panaginip na proyekto tulad ng “stem cell research”, dahil sa kawalan ng magawa.

Samantala, ang mga kawawang health workers ay nanlalagkit ang katawan dahil sa pawis, at animo ay basang sisiw naman sa ilalim ng ulan, sa pagbabahay-bahay nila upang magpatupad ng mga programa. Dahil sa kagustuhang makapagserbisyo, natitiis nilang mag-abuno ng gastos para sa pamasahe, magbaon ng kanin, kamatis at tuyo o di kaya ay nilagang talbos ng kamote na makakain sa lilim ng puno pagdating ng tanghali, di kaya ay sa karinderya kung meron nito sa paligid upang makahingi man lang ng libreng sabaw. Yong mga assigned sa mga liblib na lugar, halos hindi makalunok ng laway dahil sa nerbiyos habang naglalakad o nakasakay sa habal-habal upang makadaong- palad ang mga taong ni hindi nakakita ng antibiotic o diatab.

Malayo ang DOH ngayon sa DOH noong kapanahunan ng yumaong Juan Flavier. Ang kalihim ngayon, si Ona, ni hindi pa yata nakarating sa mga islang barangay upang makakita ng tunay na kalagayan ng mga taong nangangailangan ng gamot o hindi pa natusok ng hiringelya upang mabakunahan. Pero, marami din naman siyang napasyalan – malalayong bansa, kung saan nakakita siya ng mga high tech na laboratories na nagsasaliksik tungkol sa stem cell!


Discussion

Leave a response