Showing posts with label Department of Education Culture and Sports. Show all posts

0

Ang Panahon ng Graduation sa Pilipinas...at pagkalipas nito

Posted on Monday, 13 March 2017

Ang Panahon ng Graduation
Sa Pilipinas…at pagkalipas nito
Ni Apolinario Villalobos

Ilang buwan na lamang ay magkakaroon na naman ng mga sunud-sunod na graduation – grade school at kolehiyo…ang 4-year high school ay inabot ng kamalasan dahil sa K-12 program. Sa panahong ito, parang sirang plaka na naman ang DECS at CHED sa pagpapaalala sa mga eskwelahan na iwasan ang magastos na graduation. Kasama sa paalala ang pagdaos na lang ng seremonyas sa kanilang sariling auditorium o gym, at kung maiiwasan ang pagpapasuot ng toga ay mas maganda.

Subalit, tulad ng inaasahan, walang nasusunod sa mga paalala, at upang hindi mapahiya ang dalawang ahensiya, sasabihin uli nila ng kung ilang libong beses na, na wala silang “police power” upang magparusa sa mga hindi susunod. Ganyan katindi ang palpak na sistema ng edukasyon sa Pilipinas! Ang nagpatindi pa sa kapalpakang ito ay ang ugali ng mga mayayabang na magulang na kahit walang pera ay pilit mangungutang upang  maibili ang mga anak ng bagong sapatos at damit. Pagkatapos ng seremonyas sa Philippine International Convention Center (PICC) o mamahaling hotel at halos walang katapusang kodakan, lalagapak sila sa katotohanang wala pala silang hapunan pag-uwi ng bahay!

Pagkatapos ng graduation, masuwerte ang mga dati nang may trabaho bilang crew ng mga fastfood chains dahil sigurado na silang may kikitain habang naghihintay ng mas magandang pagkakataon. Ang mga mapoporma naman na kinunsinte ng mga magulang sa pag-akalang mayaman sila, ay naghihintay ng managerial position dahil “management course” kuno ang tinapos nila at sa prestigious pang university kuno!...aba’y kung di ba naman mga gunggong… akala nila dahil may diploma ng “management course” na sila ay ganoon kadaling makakuha ng trabaho!

Yong ibang matatalino kuno dahil sa matataas na gradong nakuha, tamimi naman pala o mahiyain kaya halos magkanda-ihi pagharap sa mag-iinterbyu. Yong ibang sobrang bilib sa sarili kaya walang pakialam sa trapik na susuungin sa paghanap ng maaaplayang trabaho, gigising ng eksakto 7AM para sa interview na 8AM…marami akong kilalang ganyan ang ugali, kaya halos dalawang taon na ay wala pa ring trabaho…dahil hindi lang mayabang kundi tanga pa! Sa libu-libong applicants na dumadagsa sa mga job sites, hindi ulol ang mga interviewer upang hintayin ang mga tangang walang pakialam sa oras.


Yan ang masaklap na katotohan tuwing panahon ng graduation at pagkalipas nito….paulit-ulit dahil walang gustong matuto ng leksiyon, kaya hindi dapat isisi sa gobyerno lang ang paghihirap ng ibang Pilipino kundi pati na rin sa kanila dahil sa kanilang  kayabangan at katangahan.

0

Malaki ang Badyet para sa Edukasyon...palpak naman ang sistema

Posted on Sunday, 11 January 2015



Malaki ang Badyet para sa Edukasyon
…palpak naman ang sistema!
ni Apolinario Villalobos

Malaki na naman ang badyet para sa edukasyon sa taong 2015 na nagpangisi sa mga tiwaling opisyal ng mga kagawarang may kinalaman dito dahil may makukurakot na naman sila. Subalit sa kabila ng laki ng badyet na itinatalaga para sa edukasyon, na tinapatan pa ng badyet ng DSWD para kuno sa mga mahihirap na pamilyang may pinaaaral sa elementarya, ay nakapagtatakang lalo pang lumobo ang bilang ng mga batang hindi nakakapag-aral.

Kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagpa-angat ng kalidad ng edukasyon at pagbawas sa bilang ng mga out-of-school youth, dapat linisin ang DEPEd at CHeD – tanggalin ang mga tiwaling opisyal. Alam naman ng lahat na hindi lang sa Senado at Kongreso may  ala-Napoles na mga kinurakutang transaksyon. Noon pa man ay kalat na ang usapang may katiwalian sa pagpapalimbag ng mga aklat, halimbawa, dahil sa ginagawang pangungumisyon ng ilang opsiyal.  Bakit hindi ito imbistigahan ng mga mambabatas?

Ang pinakahayag na katiwalian ay ang pag-convert ng mga textbook sa workbook. Dahil diyan ay hindi na naipapasa o naipapahiram ang mga textbook sa mga batang hindi kayang bumili. Nagmistulang test paper ang mga textbook dahil sa mga tanong sa bawat huling bahagi ng mga tsapter. At ang mga bata naman ay halos makuba sa bagbibit ng sangkaterbang mga aklat na maaari naman sanang iwanan sa bahay pagkatapos pag-aralan.

Ang mga opisyal ng mga kagawaran ng edukasyon ay animo nakikipag-usap sa hangin tuwing may ipapalabas silang mga patakaran dahil halos hindi naman sila pinapansin ng mga opisyal ng mga eskwelahan. Isa sa mga isyu ay tungkol sa pag-abuso ng maraming eskwelahan sa kabuluhan ng Educational Tour. Mayroong mga eskwelahan na kabubukas pa lamang ng klase ay nagpatupad na agad nito. At ang matindi ay ang pagsali ng shopping mall o resort sa listahan ng mga destinasyon ng mga estudyante. Ang estudyante namang hindi  sasama dahil walang magagamit na pera ay tinambakan ng mga requirements na halos doble din ang gagastusin upang magawa…lumabas tuloy na parang pinatawan sila ng parusa!

Bukod sa walang silbing Educational Tour, ay marami ring mga pinapagawang “project” sa mga bata – mga bagay na alam naman ng mga guro na ang mga gumagawa sa bahay ay mga magulang. Subalit may mga magulang na tumutulong lang talaga sa mga anak. May mayayabang lang na mga magulang na mismong gumagawa para lumabas na magandang-maganda ang project, kaya hindi na nakakapaniwala na kayang gawin ng bata. Ang ibig kong sabihin, ay hindi makatotohanan ang mga projects na binibigay sa mga bata, kaya ang karamihan ay wala ring natutunan.

Tukoy na ng mga kagawaran ang problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas, at marami na rin ang mga bumabatikos, subalit mahigit kalahating dekada na ang lumipas ay wala pa ring nabago. Ang mga textbook na giwang workbook, andiyan pa rin. Pinalala pa ang kapalpakan dahil ang mga pahina ay hindi  na nawalan ng mga mali – spelling at mga impormasyon mismo. Ang mga Educational Tour ay namamayagpag pa rin, lalo pang umarangkada dahil may kasama nang biyaheng gamit ay eroplano, hindi lang bus.

Dahil sa malaking gastusin sa pagpapaaral ng mga anak, ang mga magulang na ang buhay ay isang kahig-isang tuka, ay nagpasya na patigilin ang mga anak nila sa pag-aral, at sa halip ay pinatulong na lang sa pangangalahig ng basura sa tambakan upang may pambili  ng bigas man lang. Dahil sa ginawa nilang ito ay sinisisi sila ng gobyerno na sa isang banda naman ay nagpabaya sa pagpabuti ng sistema.

Hindi  mahirap unawain kung bakit padami nang padami ang mga batang hindi nakakapag-aral, dahil alam na ng lahat ang mga dahilan – ang  kahirapan sa buhay at katiwalian…na ang solusyon ay hindi abot ng tanaw! At, sa kagawaran ng edukasyon, hindi lahat ay masasabing tiwali, dahil marami rin namang hindi sumasang-ayon sa kanilang nakikita subalit wala silang magagawa dahil wala silang kapangyarihan bilang mga karaniwang kawani.