Ang Masisipag na Biyahera ng mga Gulay at ang Matiyagang Arkabalista ng Tacurong na si Melvin Duque
Posted on Tuesday, 8 August 2017
Ang Masisipag na Biyahera ng Gulay
At ang Matiyagang Arkabalista ng Tacurong na si Melvin Duque
Ni Apolinario Villalobos
Sa isang bahagi ng kalye na papasok sa Apilado subdivision
ng Tacurong city, natagpuan ko ang isang maliit na bagsakan ng mga gulay mula
sa Takub na bahagi na ng South Cotabato, isang bulubunduking barangay. Ang
ibang biyahera ay mula sa Kulaman, Tantangan, Buluan, at President Quirino. Napansin
ko rin sa bahaging yon ang isang taong may nakakuwentas na ID ng city
government, at napag-alaman kong arkabalista pala…si Melvin Duque.
Maagap sa pagbigay ng tiket si Melvin pagkatapos niyang
bilangin ang mga nakasakong gulay ng mga biyaherang lahat ay kilala na niya.
May kasama pang ngiti kung siya ay magbigay ng tiket kaya kahit kararating lang
ng mga binibigyan niya ay wala silang reklamo. Maaga pa lang ay nakaabang na si
Melvin at kahit tirik na ang araw ay matiyaga pa rin siyang nag-aabang ng mga
darating. Dahil walang sombrero, ang pananggalang niya sa init ng araw ay ang
kanyang sweat shirt. Hindi siya umaalis sa kanyang “teritoryo” hangga’t may
dumarating pang mga biyahera.
Maliit lang ang kinikita ng mga biyahera ayon sa isang
nakausap ko. Ang ilan sa kanila ay mismong mga nagtanim ng kanilang paninda.
Ang iba naman ay namamakyaw ng mga gulay mula sa mga magsasakang ayaw bumaba sa
mga palengke upang magbenta. Karamihan din sa kanila ay mga babae dahil ang mga
asawa daw nila ay naiiwan upang magtrabaho sa bukid.
Si Melvin at ang mga biyahera ay mga nakalimutan nating mga
haligi ng ating ekonomiya….mga bayani. Kung walang mga biyaherang nagtitiyagang
maghakot ng mga gulay sa pamilihan kahit kaunti lang ang kikitain, wala tayong
mabibiling natitingi o retailed sa mga palengke. At, kung walang matiyagang
arkabalista tulad ni Melvin, walang malilikon na direktang buwis ang lokal na
pamahalaan upang maipatupad nito ang mga programa at may maipangsahod sa mga
empleyado at opisyal ng bayan. Karapat-dapat sila sa ating paghanga at
paggalang, na ang tiyaga at kasipagan ay dapat tularan.
Discussion