Ang Pagtanaw ng Utang na Loob
Posted on Monday, 7 August 2017
Ang Pagtanaw ng Utang na Loob
Ni Apolinario Villalobos
Likas na sa tao ang tumanaw ng utang na loob sa kapwang
nakapag-abot ng tulong sa kanya. Ito ay naipapakita sa pamamagitan ng tulong
din, salita, o sa kilos man lamang. May
mga tao namang nakatulong na ayaw tumanggap ng utang na loob kahi’t na sa anong
paraan, at nagsasabi na lang na ipasa sa iba ang tulong na natanggap. May iba
namang tumatanggap ng utang na loob lalo na’t
nakita nila kung paanong paghirapan ng mga natulungan nila ang
makapagtanaw ng utang na loob sa abot ng kanilang makakaya. May iba namang
natulungan na nga ay nagawa pang pintasan ang tulong na naibigay.
Sa kagustuhan ko minsan na makatulong sa isang nanay na mag-isang bumubuhay ng
kanyang mga anak, at madalas na maglabas ng sama ng loob dahil sa kahirapan ng
buhay, naipamili ko sila ng pang-ulam na isda at gulay, pati bigas. Nang dalhin
ko sa kanila ang mga napamili at nakita niya, sabi ng nanay, “ay, kuya, hindi
kumakain ang mga bata ng isda dahil nalalansahan sila”. Kaya pala sila hirap,
kahi’t kapos sa pera, pinipilit ng nanay na pagbigyan ang luho nila sa pagkain,
kaya ang binibili niyang pang-ulam palagi ay karne ng manok at baboy, at ang
gulay ay bihirang-bihira lamang, kung magkaroon man ay repolyo– yan ang sabi
niya sa akin. Mabuti na lang at hindi tinanong ng nanay kung magkano ang bigas
at baka mabisto na mumurahin lamang.
Hindi na ako nagtagal sa kanila, bitbit ang dalawang plastic
bag, dumiretso ako sa bahay ng isang kaibigan na medyo nakakaangat sa buhay.
Nang iabot ko ang mga plastic bag ng mga pinamili ko, abot-abot ang kanyang
pasalamat. Ang kaibigan kong ito ay volunteer sa isang parokya at kadalasang
nagmamaneho ng sasakyan ng pari kung may mga lakad ito. Kung sira ang kotse ng
pari, kotse niya ang kanyang ginagamit.
Minsan na akong nakasama sa kanila nang puntahan namin ang isang
naghihingalong matanda sa kanyang
barung-barong, sa tabi ng isang malaking ilog sa Pasay. Yong naunang nabanggit
kong pamilya naman na ang mga anak ay nalalansahan sa isda ay umaasa lamang sa
paabot-abot na tulong ng kanyang kapatid na nagtatrabaho sa Japan bilang singer
sa isang bar.
May isa namang pamilya na nagawan ko ng paraan upang may
mahanap na malilipatan agad dahil pinapaalis na sila sa kanilang tirahan na
pagmamay-ari ng isang masungit na landlord daw. Subali’t inamin naman ng
mag-asawa na kaya sila pinaapaalis ay dahil delayed sila ng dalawang buwan sa
pagbayad ng upa. Nakiusap ako sa isang kaibigan na may kaya ang pamilya at
nagpapaupa ng mga apartment din, na baka
pwedeng ipagamit ang bago pa lang nabakanteng unit. Dahil kaibigan ko, hindi na
ako nagdalawang salita dahil kinabukasan din ay nakalipat ang pamilyang
pinaalis sa dating apartment. Para walang masabi ang kaibigan ko, ako na rin
ang nagbigay ng dalawang buwang deposito. Makaraan ang mahigit isang taon,
naringgan ko na ng reklamo ang kaibigan kong nalipatan ng pamilyang natulungan
– madalas delayed ang upa. Nang pasyalan ko minsan ang nasabing pamilya, may
nakita akong van na nakaparada sa tapat ng apartment, kanila pala. Pinatuloy
nga ako subali’t naramdaman ko ang malamig na pakita sa akin- pinahalatang ayaw
nila akong tumagal dahil hindi man lang nag-alok ng tubig o kape, ni hindi man
lang ako pinaupo. Umalis na lang ako at nang magkita kami ng kaibigan kong may-ari
ng apartment, sinabihan ko na lang na ayaw ko nang makialam sa kanyang
desisyon.
Ang isang klasikong halimbawa ng hindi paniningil sa mga
natulungan ay nang sabihin ni Hesukristo na ang pagmahal natin sa ating kapwa
ay pagpapakita na rin ng ating pagmamahal sa Kanya. Hindi niya tahasang sinabi
na may dapat tayong tanawing utang na loob sa kanya dahil ibinuwis niya ang
kanyang buhay para sa atin. Ang isang pagmamahal na tinutukoy niya ay ang
pagtulong natin sa ating kapwa.
Kung ang mga pipi ay nakakagawa ng paraan para maipakita ang kanilang
pasasalamat, tulad ng pagyuko man lamang, pagpapalipad ng halik patungo sa
nakatulong, pagdampi ng mga daliri sa bibig, pagturo sa dibdib kung nasaan ang
puso, at ang pagporma ng mga daliri upang maghugis puso, sabay turo sa tao na
gusto nilang pasalamatan, tayo pa kaya na may kakayahang magsalita?
Bilang mga panghuling paalala: hindi dahilan ang pagkalimot ng iba na
magpaabot ng pasasalamat o magpakita nito sa anumang paraan, upang mawalan tayo
ng ganang patuloy na tumulong sa ating kapwa sa abot ng ating makakaya, dahil
hindi dapat magkaroon ng puwang ang pagtanaw ng utang na loob sa ganitong
pagkukusa. Isantabi ang sama ng loob at ituloy lang ang pagtulong sa kapwa.
Discussion