Mga Iba't ibang Uri ng Kaibigan
Posted on Friday, 11 August 2017
(Mahalagang basahin upang mabisto kung anong uring kaibigan
meron ka….mahaba nga lang.)
Mga Iba’t ibang Uri
Ng Kaibigan
Ni Apolinario Villalobos
Sa pagkauso ng “BFF” o “best friend forever” na turingan,
hindi maiwasang bigyan ng matamang pansin ang ganitong relasyon. Napakaswerte
ng mga magkakaibigan na habang buhay na raw nga, ang halos ay pagkit na pagkakadikit
sa isa’t isa sa lahat ng panahon. May mga magkakabarkada na hanggang tumanda na
ay regular pa ring nagre-reunion. Ang ganitong samahan ay hindi dapat maging
dahilan ng pagselos ng mag-asawa, dahil iba ang uri ng samahan ng magkakaibigan
sa uri ng samahan ng mag-asawa.
Ang magkakaibigan lalo na yong mga magkakabata ay halos
magkadugtong na ang mga pusod kung sila ay magturingan. Nangyayari ito
kadalasan sa mga anak ng magkukumare at magkukumpare. Kung minsan naman ay sa
magkakapitbahay. Mas malalim wika nga ang samahan dahil kung baga sa puno ay
matatag na ang pagkakaugat.
Ang samahan ng mag-asawa ay nagsisimula kadalasan sa
panahong ang babae at lalaki ay pareho nang nasa tamang gulang, at nagsisimula
sa pagkikita sa paaralan, lalo na sa kolehiyo,
o di kaya ay sa trabaho. Sa bihirang pagkakataon kung minsan naman,
nauuwi sa pag-aasawahan ang nagsimula sa puppy love na na-develop nang high
school pa lang.
Sa barkadahan, wala halos itinatago sa isa’t isa ang
magkakaibigan, hindi tulad ng mag-asawa na may mga nirereserba pang sekreto sa
isa’t isa, lalo na yong biglang nagsama makaraan lamang ng ilang araw, linggo o
buwang ligawan. Paano nga namang magtitiwala sa isa’t isa ang nagkadebelupan
lang dahil sa eyeball to eyeball na nagsimula sa facebook?...na nauwi lang
minsan sa isang short time sa mumurahin at masurot na motel…. naging mag-asawa
na?
Sa magbabarkada, walang sinumpaang obligasyon ang isa’t isa,
kaya walang sumbatang nangyayari. Hindi tulad sa mag-asawa na parehong pumirma
sa kontrata upang magsama sa hirap at ginhawa, at ang kontratang ito ay
tumitiim pagdating ng panahon na may mga anak na sila. At ang matindi pa, ang
hindi tutupad sa kontrata ay makakasuhan, lalo na kung umabot sa puntong
nagkasawaan at naghanap ng mga bagong kandungan ang bawa’t isa.
Sa magbabakarda, kung may tampo ang isa sa isa pang
kabarkada, pwede siyang tumakbo sa iba pang kabarkada upang maglabas ng
hinaing. May mga payong ibibigay – take them or leave them pa, may choice. Sa
mag-asawa namang nagkatampuhan lalo na ang may matataas na pride, kung minsan,
ang tampuhang nagresulta sa simpleng kalmutan at sampalan ay umaabante sa batuhan
ng plato, baso, ispinan ng kutsilyo, at lasunan!
Ang tunay na pagkakaibigan ay tapat at walang kundisyon na
sinusunod. Wala mang kundisyon ay mayroong nangyayaring “pakiramdaman” batay sa prinsipyo ng kamutan ng likod, sa
Ingles, “scratch my back and I’ll scratch yours. Yan ang pinakamagandang uri ng
pagkakaibigan – bukal sa kalooban at nagbibigayan.
Sa panahon ngayon, may mga taong nakikipagkaibigan sa iba na
sa tingin nila ay may pakinabang. Ito yong mga social climber na
nakikipagkaibigan sa mga mayayaman o di kaya ay maimpluwensiyang tao upang
mahatak din sila paitaas tungo sa mundong ginagalawan ng taong kinaibigan.
Nangyayari din ito sa mundo ng pulitika kung saan, ang mga baguhang pulitiko ay
pilit na dumidikit sa mga may pangalan na upang maamutan sila ng katanyagan
nang sa ganoon ay umusad ang kanilang karera sa pulitika. Pagdating ng panahong
tanyag na rin sila, ang mga dating dinikitan nila ay balewala na, lalo na kung
nasira ang pangalan dahil sa mga kaso ng katiwalian. Kapag tinanong ng reporter, sasabihin ng
dating social climber at ambisyosong politician na ang nakakasuhan ay “minsan”
na niyang nakausap, yong lang.
Ang nangyayari sa mundo ng pulitika ay nangyayari din sa
mundo ng show business. May nakausap akong direktor sa pelikula na umaming
dumikit siya kay Lino Brocka upang mawisikan man lang ng grasya ng katanyagan.
Nagtagumpay siya. Dumating din ang panahon na siya naman ang dinikitan, subalit
sa pagkakataong iyon, ang tinulungan niya upang magtagumpay ay hindi na
kumilala sa kanya nang dumalang na ang mga offer upang magdirek ng pelikula.
Yong walang utang na loob naman ay nakarma dahil nagkaroon ng kanser at naubos
sa pagpapagamot ang perang naipon sa pagdidirek. Sana ang nangyari sa walang
utang na loob na nagkaroon ng kanser ay mangyari rin sa mga pulitiko, para yong
mga nagkakainan ng dumi ay pare-pareho nang mamatay sa kanser. Magiging sikat
ang Pilipinas dahil lahat ng mga namatay na pulitiko ay kanser ang dahilan –
only in the Philippines!...at maitatala pa sa Guinness Book of World Records!
May mga kaibigan din na doble-kara. Ito yong mga taong ayaw
nilang mahigitan sila ng mga kaibigan sa lahat ng bagay. Sila yong mga
nagdadaos ng party na ang pakay pala ay ipakitang mas nakakahigit sila sa
karangyaan kung ihambing sa ibang kaibigan nila. Kadalasan nahuhuli ang mga
taong ito sa mga salita nila mismo, tulad ng pabirong “o…meron kayo nito?”
Hindi nawawala ang ganitong klaseng kaibigan sa isang grupo na kadalasan ay
nauuto upang gumastos dahil sinasakyan na lang siya ng iba, lalo na sa isyu ng
yaman. Siya nga naman ang may pera, kaya, sige pagastusin na lang kung gusto
niyang magyabang…yan ang kadalasang sinasabi ng mga pinakikitaan ng kayabangan.
May mga kaibigang traidor. Ang pinakamagandang halimbawa ay
ang samahan ni Hesus at ni Hudas na disipulo niya. Ipinagkanulo ni Hudas si
Hesus sa ilang pirasong pilak. Sa Pilipinas, itinanggi si Janet Lim Napoles ng
mga taong itinuring niyang kaibigan at inambunan ng mga ninakaw niyang pera
mula sa kaban ng bayan. Ito yong mga taong ka-kodakan niya (Napoles) sa mga
party niya sa mausoleo ng kanyang ama sa Pasig, may pa-toast toast pa ng alak
ang mga hiyu….ta. Bandang huli pare-pareho silang “pinag-iingatan to death” ng
mga guwardiya, dahil nakakulong na…friends together….anywhere…talaga lang!
Discussion