Ang Maynila
Posted on Saturday, 26 August 2017
Ang Maynila
Ni Apolinario Villalobos
Masayang mahirap ang buhay sa Maynila lalo na para sa mga
ordinaryong mamamayan. Ang unang-unang
pagdurusa ay dulot ng mala-impiyernong trapik. Ang mga lansangan ay umaapaw sa
mga sasakyan. Lalong malala ang kalagayan ng trapik tuwing panahon ng tag-ulan
dahil sa mga baradong drainage o mga imburnal at mga hinukay na kalye na
ire-repair kuno subalit iniwang nakatiwangwang ng mga dispalinghadong
kontraktor na hindi naman pinapansin ng mga walanghiyang in-charge na ahensiya
ng gobyerno. Ang mga kawawang estudyanteng nahuhulog sa mga imburnal kung may
baha ay ni hindi nakakapagreklamo dahil hindi rin sila binibigyang-pansin.
Walang disiplina ang karamihan ng mga drayber kaya hindi
maiwasang magkapatayan dahil lang sa tinatawag na “road rage” o init ng ulo sa
kalye….wala kasing gustong magpalamang. Dahil sa matinding trapik, mas mahaba
pa ang oras na ginugugol sa biyahe papunta sa pinapasukan at pauwi ng bahay,
kaysa sa pagtigil sa mismong pinapasukan at sa bahay. Maraming magulang ang
umaalis sa bahay nang madaling araw habang tulog PA ang mga anak, at nakakauwi
sa bahay ng halos hatinggabi na kung kaylan ay tulog NA ang mga ito kaya
nagkikita lang sila kung weekend.
Sa Maynila, hindi napapansin ang ganda ng buwan kung ito ay
nasa kanyang kabilugan dahil sa dami ng mga streetlights, neon lights, dancing
fountains, kumukutitap at patay-sinding signboards at billboards. Wala ring
nakikitang mga alitaptap sa mga puno, naririnig na kuliglig (cicadas) at kokak
ng mga palaka. Ang paglubog ng araw ay nakikita at kinamamanghaan pa rin sa
natitirang bahagi ng Roxas Boulevard mula sa breakwater ng Mall of Asia at mula
sa Philippine Navy hanggang sa US Embassy. Subalit baka dumating ang panahon na
pati ang mga bahaging nabanggint ay mare-reclaim na rin upang patayuan ng mga
nagtataasang gusali tulad ng ginawa sa Baclaran at Pasay.
Maraming manloloko sa Maynila. Ito ang mga animo ay linta na
nabubuhay sa dugo ng mga niloloko nilang nagsisikap upang makaraos sa araw-araw
na pamumuhay. Hindi lang mga bagong salta sa Maynila ang biktima ng mga ungas
na ito kundi pati na rin ang mga matagal nang nakatira sa lunsod pero hindi
hindi pa rin nagkakaroon ng leksiyon. Samantala, ang ibang ungas na manloloko
ay regular na nagbabago ng strategy upang makalusot.
Kung magpakasipag lang at magsikap habang nakatira sa
Maynila, walang mamamatay sa gutom sa Maynila…nakakatiis lang dahil sa
pagpipilit na pagkasyahin ang maliit na kinikita. Marami rin ang nakakaraos sa
pagkain ng “pagpag” (tira-tirang pagkaing napulot sa basurahan, nilinis at
niluto uli). Dahil diyan, kahit ang mga nakatira sa bangketa at marunong
dumiskarte tulad ng pamululot ng mga mapapakinabangan sa basura ay nakakaraos
pa rin. Marami ring mga nagwo-working student sa Maynila sa pamamagitan ng
pagpasok sa mga burger joints, restaurants, malls, at iba pa. Ang iba namang
gustong kumita agad ng pera ay nagpuputa o nagpoprosti sa Avenida. Marami akong
nakausap na nagtatrabaho sa Ayala business district na dating mga “escort
ladies” at “escort boys” habang nag-aaral hanggang makatapos sa kolehiyo.
Ang Maynila ay malaking lunsod na maraming oportunidad o
pagkakataon para sa masisipag. Okey ditong mag-aral dahil sa dami ng mga
unibersidad at kolehiyo. Ang matindi lang ay ang ugali ng mga iskolar ng bayan
na dito nag-aaral at naghihintay ng pagkakataong makasama sa mga rally ng mga
komokontra kay Duterte. Marami ring nagbabakasakaling dito sila makakatisod ng
partner na mayamang matandang malapit nang mamatay. Subalit marami rin akong
nakausap na may kakambal yatang kamalasan na na-stranded sa Maynila at
sumusumpang hindi na babalik dito kapag nakaipon ng perang pamasahe pauwi sa
kanilang bayan.
Discussion