Pangarap
Posted on Friday, 25 September 2015
Pangarap
Ni Apolinario Villalobos
Ang pangarap ay hindi maiwawaksi ninuman
Dahil itong bahagi ng diwa’y may kahalagahan
Nagpapalakas ng loob sa maalab na pagsikhay
Lakas na kailangan, habang tayo ay nabubuhay.
May nangangarap ng buhay sa loob ng kaharian
Kunwari’y hari, sa ubod-saya niyang kapaligiran
Sa isang ungos, mga alipi’y
‘di magkandaugaga
Sa pagsilbi’t pagkilos, lahat ay nagkakandarapa.
May nangangarap ng yamang hindi mapantayan
Kaya’t lahat na lang ay gagawin, ano mang paraan
Mayroong gumagamit na ng katawan, hindi talino
HIndi bale nang mabuntis, makamit lang ang gusto.
Yong ang hangad ay madaling makuhang yaman
Ang puntirya ay kahit anong
pwesto sa pamahalaan
Naisip kasi nila, saan man sa pamahalaan ay may kita
Depende sa proyektong “lalagakan” ng nakaw na pera.
Mga batang iskwater, aking nakausap naman minsan
Simpleng mga pangarap, laman ng kanilang kaisipan
May gustong maging titser, isa’y pulis, isa’y mensahero -
Mayamang kapitbahay kasi, sa Customs, yon ang trabaho!
Ang pangarap, ‘di lang umiinog sa pera o kaginhawahan
Pati rin sa esperitwal na bagay, o mga gawaing simbahan
Mga pari’y nangangarap din, sana’y dumami ang bumalik
Sa piling ng Diyos, para sa buhay na maaliwalas at tahimik.
Mangarap lang tayo, ito naman ay libre, walang kabayaran
Sa masayang pangarap ang magulong iniisip ay ating palitan
Mahirap kasing sa kaiisip natin ng problemang ubod ng bigat
Baka maikling pisi ng katinuan ay bumigay, dahil ‘di ito
sapat!
Discussion