0

Emma...single mom na mapagpaubaya at may malasakit sa kapwa

Posted on Tuesday, 1 September 2015

Emma…Single Mom na Mapagpaubaya
At may Malasakit sa Kapwa
(para kay Emma Mendoza-Duragos)
Ni Apolinario Villalobos

Palangiti si Emma at masayahin, hindi dahil kinukubli niya ang mabigat na pasanin bilang single mom, kundi dahil likas na siyang ganyan noon pa man daw na bata siya. Maliban sa aura niyang masaya, maayos din siya sa sarili. Noong na-confine siya sa ospital upang operahan sa matris, animo ay bisita siya sa ospital sa halip na pasyente dahil, bukod sa pakikipag-usap sa ibang pasyente, ay kuntodo make-up din siya at nakabihis pa. Ngayong meron siyang maliit na karinderya, kung mamalengke at humarap sa mga kostumer, ganoon pa rin siya – maayos ang sarili at naka-make-up. Hindi siya tulad ng ibang carinderista na nanlilimahid at amoy suka dahil sa pawis.

Single mom si Emma, pero hindi biyuda. Nagkaroon lang ng kaunting hindi pagkakaunawaan silang mag- asawa. Ganoon pa man, pinilit ni Emmang magpakumbaba sa pagsunod sa probinsiya ng asawa na nakausap naman niya ng maayos. Naiwan sa kalinga ni Emma ang bunsong anak na nasa Grade 7, at sa kabila ng nangyari sa kanila ng kanyang asawa, malapit sa kanya ang mga kamag-anak nito sa kanya. Hindi rin siya nagtanim ng sama ng loob sa asawa, at lalong hindi niya isinara ang pinto ng bahay nila sa pag-uwi nito.

Noong unang mga araw na naiwan siya, wala siyang pinagkitaang permanente hanggang maisipan niyang magbukas ng maliit na karinderya dahil dati na rin naman silang pumasok na mag-asawa sa ganitong negosyo. Sa awa ng Diyos ay tinangkilik ang mga niluluto ni Emma na ang puwesto ay nasa bakuran lang bahay nila.

Malaki ang kailangang kitain ni Emma upang matustusan ang pag-aaral ng anak, pati na ang ibang gastusin sa bahay. Subalit sa kabila nito, ay nagawa pa rin niyang kumalinga ng isang batang babaeng hirap paaralin ng mga magulang. Tumutulong ito sa kanya at tinutulungan din niya sa pag-aaral. Anak din ang turing niya dito. Pinapasa-Diyos niya ang lahat, yan ang sabi niya sa akin nang minsang mag-usap kami habang namumungay pa ang mga mata sa antok. Gumigising siya, kasama ang kapatid na si Baby, bandang alas-tres ng madaling araw upang simulan ang pagluluto dahil alas-sais pa lamang ay dagsa na ang mamimili.

Ni minsan ay hindi ko nakitang nakasimangot ang may lipstick na mga labi ni Emma…palagi siyang nakangiti sa pagharap sa ibang tao. Ang umaapaw na kasiyahan sa puso ay ipinamamahagi niya tuwing may kausap siyang may problema. Ang palagi niyang payo na ginawa na rin niya sa akin ay, huwag pansinin ang problema, dahil magkakaroon din daw ito ng lunas pagdating ng panahon. Subalit hindi ito nangangahulugang magpapabaya na ang isang taong may problema.

Bukod sa kanyang karinderya, abala din si Emma sa mga gawain bilang opisyal ng religious group na Holy Face of Jesus, at bilang Presidente ng sangay sa Barangay Real Dos ng St. Martin de Porres Pastoral Council. Ang mga regular na gawain ng Holy Face ay ang pagdasal ng nobena at rosary, at sa mga pinaglalamayang namayapa.

Ang pinaka-utang na loob ko kay Emma pati sa kanyang kapatid na si Baby ay ang pagsita nila sa akin tuwing ako ay nawawala sa porma, o yung hindi ko alam ay nagtataas na pala ako ng boses kapag naiinis o nagagalit. Ayaw siguro nila akong mamatay agad dahil sa high blood pressure, kaya nahalata kong iniiwasan nila kung minsan na makibahagi ng mga kuwentong alam nilang ikatataas ng presyon ko. Ang nabanggit ay isa sa mga bagay na gusto ng mga kaibigan ni Emma sa kanya…may taos-pusong pagmamalasakit sa mga kaibigan, sa halip na siya ang pagmalasakitan o kaawaan na ayaw niyang mangyari. Buo ang kanyang loob na isa sa mga katangian ng mga taga-Maragondon isang makasaysayang bayan ng Cavite.


Discussion

Leave a response