0

Hayaan natin ang mga Kababayang Iba ang Relihiyon

Posted on Wednesday, 2 September 2015

Hayaan natin ang mga Kababayang Iba ang Relihiyon
Ni Apolinario Villalobos


Maselang usapin ang relihiyon, personal itong bagay, may pagka-ispiritwal at may kinalaman sa pagkatao. Wala tayong karapatang manglait ng ibang relihiyon na sa tingin natin ay pangit ang  sistema dahil naiiba sa atin. Ang hindi natin alam, baka ganoon din ang tingin ng ibang tao sa relihiyon natin. Hindi kayang pangibabawan ng anumang uri ng simbahan o relihiyon ang likas nang nakaukit sa pusong pagmamahal sa Diyos na pinaniniwalaan ng bawa’t isa, ganoon din ang pagmamahal sa kapwa.

Respeto ang dapat nating pairalin kung gusto natin ay pagkakaisa bilang mga Pilipino. Dapat isipin na nakagisnan na lamang natin ang mga relihiyon na ating sinusunod o iba pang nililipatan, na isa sa mga dahilan kung bakit tayo nagkakawatak-watak ngayon bilang isang lahi. Hindi nakakamatay ang mga salitang binibitawan ng mga nagmamagaling na sila lang ang may karapatang makakaligtas sa araw ng paghukom. Hindi rin nakakamatay ang mga sinasabing pagkukunwari ang pinapakita ng iba na sila ay maka-Diyos kaya araw-araw nagdadasal o walang palya ang pagsamba. Hayaan nating mapaos ang mga nagsasalita dahil hindi naman tayo hihimatayin, maliban lamang kung magtapat sila sa ating tenga ng loudspeaker!

Mas maganda sanang sa halip na tingnan natin ang mga pagkakaiba ng mga relihiyon, tumingin tayo sa mga pangangailangan ng LAHAT ng tao na dahil sa kakapusan, madalas na mga resulta ay gutom at sakit. Ang mga pagkakaiba ng mga relihiyon ay gawa lamang ng mga taong nagtatag sa mga ito, mga taong may pansariling pakay kaya gusto nilang dumami ang kanilang nasasakupan.  

Ang gutom at sakit ay walang pinipiling hanay. Nadadanasan sila ng LAHAT ng tao, ano man ang relihiyon nila. Bakit hindi ito ang pagtuunan natin ng ating pansin, at hindi ang mga problema ng mga relihiyon nila na ang dahilan ay hindi pagkakaunawaan ng kanilang mga pinuno na ang hangad ay walang katapusang kapangyarihan?


Discussion

Leave a response