0

Sina Manny at Norma...talagang nagsama, sa hirap at ginhawa!

Posted on Thursday, 3 September 2015

Sina Manny at Norma
…talagang nagsama, sa hirap at ginhawa!
(para kay Norma at Manny Besa)
Ni Apolinario Villalobos

Ang kuwento ng buhay nina Manny at Norma ay maraming katulad – nagsama at nagkaroon ng maraming anak, ang lalaki ay may trabaho subalit maliit ang sweldo hanggang sa katagalan ay nawala pa dahil nagsara ang kumpanyang pinapasukan kaya nasadlak sa gutom ang pamilya.

Ang pagkakaiba lang ng kanilang kuwento ay nang balikatin nilang dalawa ang kahirapan noong nawalan ng trabaho si Manny nang wala inungutan ng tulong kahit kamag-anak, nang pagkasyahin nila ang magkano mang perang hawak, nang mag-ulam sila ng mga nilagang talbos ng kung anong merong gulay o di kaya ay nang pagtiyagaang wisikan ng bagoong ang kanin upang magkalasa. Lahat ng paekstra-ekstrang trabaho ay pinasukan ni Manny upang kahit paano ay mairaos ang pangangailangan nila sa araw-araw.

Nakailang pasko din sila noon na kahit kapos ay nakapagtiis  subalit masaya. Alam ko lahat yan dahil ang kanilang  buhay ay nasubaybayan ko, bilang presidente ng homeowners association namin. Kapamilya ang turing sa akin kaya maluwag akong nakakapasok sa bahay nila at nakita ko ang kalagayan nila. Si Manny din ang madalas kong tawagin upang tumulong kung may gagawin sa loob ng subdivision tulad ng paglagay ng ilaw sa kalye o pag-ayos ng mga linya ng kuryente ng mga kapitbahay.

Palangiti ang mag-asawa kaya hindi halatang mabigat ang kanilang dinadalang problema noon lalo pa at maliliit ang tatlo nilang anak na puro babae. Masuwerte din ang mag-asawa sa pagkaroon ng mga anak na bukod sa masisipag ay matatalino pa. Lahat sila ay nagtapos nang halos walang dalang baon sa eskwela.

Noong panahon na talagang matindi ang dinanas nilang hirap, inabot ang mag-anak ng paskong kung tawagin ay “paskong tuyộ”. Isang gabi, sa pag-uwi ko, may nadaanan akong isang grupong nag-iinuman at nagkakantahan na bumati sa akin – mga ka-tropa ko pala. May bigla akong naisipan at pinatigil ko muna ang inuman nila at niyaya kong mag-caroling. Ako ang nagsabi sa mga kaibigan kong tinapatan namin kung ano ang ibibigay nila, kaya may nagbigay ng de-lata, pera, at may isang pamilyang nahingan ko ng kalahating sakong bigas.

Akala ng mga kasama ko na hirap din sa buhay subalit mas nakakaraos kung ihambing sa iba, ay paghahatian namin ang napagkarolingan at ang iba ay ipupulutan. Dahil naghihintay lang sila kung ano ang sasabihin ko, wala pa rin silang reklamo nang tapatan namin ang bahay nina Manny at Norma. Nang magbukas ng pinto si Norma, nagulat nang makilala ako, pero ang mga kasama kong taga-labas ng subdivision ay hindi niya kilala. Nakangiti siya at nagpasalamat sa mga kanta pero humingi ng pasensiya dahil walang maiabot, pero sabi ko kami ang magreregalo sa kanila, na ikinagulat nila ni Manny. Pati mga kasama ko ay nagulat sa hindi nila inasahang sinabi ko.

Ipinasok namin ang lahat ng naipon naming napagtapatan, habang halos walang masabi ang mag-asawa, maliban sa abut-abot na pasalamat. Ang mga bata naman ay nasa isang tabi. Isa sa mga kasama ko ay biglang lumabas, dahil hindi makatiis kaya napaluha, na bandang huli ay umaming dahil daw sa tuwa. Ganoon daw pala ang pakiramdam ng nagbibigay!

Habang naglalakad kami palayo kena Norma at Manny, napagkaisahan naming magkaroling pa at ang maipon ay ibibigay naman sa mag-ina na nakatira malapit lang sa kanto kung saan iniwan ng mga kaibigan ko ang inumin nila. Pera na ang hiningi ko sa mga tinapatan naming kilala ko pa rin, dahil sinabi sa aking kailangan daw ng gamot ng batang maysakit. Naihatid namin ang nagpakarolingan sa mag-ina, maghahatinggabi na.

Si Norma ay aktibo sa mga gawaing may kinalaman sa simbahan noon pa man dahil siya ang nag-aayos ng altar at mga bulaklak tuwing araw ng Misa. Subalit ngayong may itinalaga nang Mother Butler ang parokya para sa ganoong responsibilidad, nabaling ang atensiyon ni Norma sa patron ng Barangay Real Dos, ang Our Lady of Guadalupe. Dahil sa kanya hindi nawawalan ng sariwang bulaklak ang patron. Siya rin ang itinuturing na “Mama” ng mga miyembro ng Holy Face Chorale na pinagluluto niya ng meryenda o hapunan kung may practice, at siya rin ang hingahan nila ng saloobin. Nagbo-volunteer din siya sa pagpagamit ng mga kailangan kung labhan ang mga cover ng mga silya sa Multi-purpose Hall ng subdivision.

Si Manny naman ay nagdodoble-kayod sa Saudi, para sa kanyang retirement. Kailangan nilang mag-ipon dahil inaalala niya ang kalagayan ng operado niyang mga mata, upang kung ano man ang mangyari ay may madudukot sila. May mga apo na sina Manny at Norma.

Excited si Norma bilang “debutanteng” senior citizen dahil makakakain na rin siya sa Jollibee nang may discount at hindi na rin siya makikipagsiksikan sa pilahan sa MERALCO kung siya ay magbabayad dahil diretso na siya sa special lane ng mga Senior Citizens! Sa September 5 ay “golden 60 years old” na kasi siya. Masaya man, may luhang pumapatak sa kanyang mga mata bilang pasalamat sa Diyos dahil sa “regalo” na ibinigay sa kanya!

Dahil sa kuwento ng buhay nina Manny at Norma, hindi maiwasang mabanggit ang sinusumpaang pangako sa harap ng altar ng ikinakasal na “pagsasama sa hirap at ginhawa”… na napakadaling sambitin, subalit mahirap tuparin lalo na kung tumindi na ang hirap na dinaranas. Marami akong alam na kuwentong dahil sa hindi makayanang hirap, ang mag-asawa ay nagsisisihan na umaabot sa hiwalayan. Kung minsan, dahil sa kawalan ng pag-asa, ang lalaki ay nalululong sa alak na naiinom sa umpukan ng mga barkada. Meron pa ngang nawawala sa katinuan ang pag-iisip, at ang pinakamalungkot ay may nagbebenta o pumapatay pa ng anak.


Ipinakita nina Manny at Norma na kaya palang tuparin ang sinumpaang pangako, basta matibay ang pananalig sa Diyos!

Discussion

Leave a response