Dapat Ituring na Leksiyon ang mga Karanasan sa Buhay...lalo na ang kahirapan
Posted on Friday, 11 September 2015
Dapat Ituring na Leksiyon
ang mga Karanasan sa Buhay
…lalo na ang
Kahirapan
Ni Apolinario Villalobos
Mahalagang matuto tayo sa mga kahirapang dinanas natin sa
buhay. Mga leksiyon sila na dapat ay nagbubukas ng ating katinuan at tulong sa
paggawa natin ng mga desisyon sa pagsulong. Ang sugat halimbawa ay
nagpaparamdam sa atin ng sakit… ng kirot, upang matanim sa isip natin ang pag-ingat
sa paggamit ng matatalim na bagay.
Kung nadanasan natin ang hirap kung walang madudukot na pera
pagdating ng pangangailangan, dapat matuto tayong magtipid at magtabi. Huwag
maniwala sa kasabihang, kapag nagtatabi ang isang tao, madali siyang dapuan ng
mga karamdaman dahil may inaasahang panggastos. Ang mga taong nagsasabi nito ay
gusto lang mangutang sa mga kaibigang nagtatabi ng pera!
Napakahirap na karanasan ang magkaroon ng maysakit sa
pamilya kung walang perang pambili ng gamot at pambayad sa doktor. Isang
leksyon ito na dapat ay magturo sa ating kumain ng mga pagkaing kahit mura ay
masustansiya. At kung magkaroon ng pera, mainam na magtabi agad ng para sa
ganitong pangangailangan upang hindi na makapangunsumi pa sa iba na tatakbuhan
upang utangan.
Tungkol sa ganitong paksa, naalala ko ang usapan namin ng
kaibigan kong may anim anak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Kamamatay lang ng
kanyang isang anak kaya lubog sila sa utang dahil tumagal sa ospital ang
pasyente at may kaselanan pa ang sakit. Ganoon pa man, ipinagmalaki ng kaibigan
ko na ang unang perang padala ng isa niyang anak ay ginamit niya sa kotse na
ang buwanang hulugan ay mahigit dalawampung libong piso, pagkatapos niyang
bayaran ang down payment na limampung libo. Kung susumahin, ang halaga ng
sasakyan ay mahigit isang milyon. Ang una namang padala ng isa niyang anak ay
pinambili ng malaking LED TV, at dalawang laptop para sa mga nakakabatang anak
na parehong nasa high school, at inilipat daw niya sa private school. Subalit
ang dalawang kumpareng inutangan niya para sa ginastos sa ospital ay hindi pa
bayad!
Tinanong ko kung may plano siyang kumuha ng sariling bahay
at lupa kahit maliit lang, upang makaalis na sila sa inuupahang maliit na bahay
sa animo ay iskwater na lugar. Ang sabi niya ay saka na daw. Pabiro pa akong
nagsabi na baka makalimutan niyang magtabi sa bangko, na sinagot pa rin niya ng
saka na. Tinanong ko siya kung ano ang gagawin niya kapag may nagkasakit na
naman sa kanila, na sinagot niya ng, “isasangla ko ang kotse, at ibebenta ang
TV”. Para hindi na humaba ang usapan namin, sinabihan ko siya ng, “good luck!”.
Sinagot naman niya ng “same to you…!”
Ang “magaling” kong kaibigan ay dating nagtitinda ng isda sa
palengke subalit tumigil nang makapag-abroad ang dalawang anak. Ang kotse ay
nakaparada sa tapat ng inuupahan nilang maliit na bahay.
Discussion