0

Kung Hindi Dahil sa Kasakiman ng Tao, wala sanang Passport, Visa, at iba't ibang Simbahan ngayon

Posted on Sunday, 6 September 2015

Kung Hindi Dahil sa Kasakiman ng Tao
Wala sanang Passport, Visa
at Iba’t ibang Simbahan Ngayon
Ni Apolinario Villalobos

Kung paniniwalaan ang alamat na nakasaad sa Bibliya tungkol sa pagkawatak-watak ng sangkatauhan na ang dahilan ay ang pagguho ng tore ng Babel, sana ang sangkatauhan ay nagkakabuklod na ayon sa unang kagustuhan ng Diyos. Subalit dahil sa sobrang kasakiman ng mga tao noong unang panahon, minabuti ng Diyos na ikalat sila pagkatapos Niyang wasakin ang nasabing tore.

Dahil sa kasakiman ng tao, walang gustong magpatalo at lahat ay nag-aakalang sila ay matalino, kaya pati ang kaalaman ng Diyos ay gusto pang saklawan o talunin. Maganda na sana kung ang mga natutunan ay ginagamit ng tao sa mabuting paraan, subalit taliwas ang gusto niyang mangyari – ang siya ay maghari o mangibabaw sa iba. Dahil diyan, nagkakaroon ng patayan at malakihang digmaan dahil nagsasaklawan o nagkakalampasan ng mga hangganan o boundary ng teritoryo. Isama pa ang mga inaadhikang ideyolohiya at ispirituwal ng mga nagmimithing mangingibabaw kaya hindi na nagkaroon ng katapusan ang mga bangayan ng mga bansa at iba’t ibang grupo, at sa isa’t isa.

Upang hindi na madagdagan ang kaguluhan, nagkanya-kanya na ang iba’t ibang lahi sa pagtakda ng mga alituntunin tungkol sa mga hangganan, kaya ngayon ay hiwa-hiwalay ang mga tao na ang mga pagkakaiba maliban sa kultura ay nadagdagan pa ng relihiyon.  

Nagkaroon ng passport at visa. Ang mga simbahan ay nagkaroon ng kanya-kanyang palatandaan upang kahit sa kilos, pananamit at pananalita ay makilala nila ang kani-kanilang kasapi. Sa kabila ng mga nabanggit, nakakalungkot na talagang may mga taong sagad sa buto ang kasakiman kaya nakakapanakit pa rin ng iba sa pamamagitan ng salita at mga mararahas na pagkilos.

May mga simbahan na sa halip magpairal ng pagmamahal sa kapwa ay nagtuturo pa sa mga miyembro nila kung paanong siraan ang ibang simbahan na hindi naman nakikialam sa kanila, dahil lang gusto nilang palabasin na sila ang pinakamagaling. May mga bansa namang sa halip na tutukan kung paano silang umunlad pa upang lalong makatulong sa kanilang mga mamamayan ay nang-eespiya at nangangantiyaw pa sa ibang bansa. May mga bansa ring hindi na nakuntento sa kung ano meron sila, kaya nangangamkam pa ng teritoryo ng ibang bansa. Ilan lang yan sa mga kasakima ng taong umiiral sa panahon ngayon.


Ang pakikipagkapwa ay maganda sana kung walang kinikilalang kulay at lahi. Mas lalong magaling din sana kung, kahit iba’t ibang simbahan ang kinabibilangan ng mga tao, isipin nila na iisa lang ang Diyos, subalit iba’t iba nga lang ang pangalan, kaya hindi dapat pairalin ang paligsahan kung sino ang mas magaling magsamba at magdasal!

Discussion

Leave a response