0

Ang ala-Showbiz at Mapangarap na Talumpati nina Grace Poe at Chiz Escudero

Posted on Thursday, 17 September 2015

Ang  ala-Showbiz at Mapangarap
na Talumpati nina Grace Poe at  Chiz Escudero
Ni Apolinario Villalobos

Malalaman ang katapatan ng isang pulitiko sa kanyang mga layunin kung sa mga talumpati niya ay iiwasan niyang gumamit ng mga corny at  “matulaing” mga pangako. Parehong maraming ipinangako sina Poe at Escudero, kaya lumabas tuloy na para silang nagbasa ng mahabang “wish list”. Mga napaka-imposibleng matupad ang ipinangako nila, kahit pa sasabihing makikipagtulungan ang mga Pilipino. Sa anong paraan? Upang mabawasan ang gutom, gusto yata nila ay isang beses na lang sa maghapon kakain ang mga mahihirap na tao. Upang masabi lang na may trabaho, gusto yata nila ay tanggapin na lang ng isang ama ng tahanan ang trabaho na ang sweldo ay kulang pa sa pamasahe niya sa pagpasok at pag-uwi.

Maraming nakalimutan ang dalawa, habang animo ay nakalutang sa alapaap nang magtalumpati:

Una, hindi sigurado kung may magagamit na pondo ang bagong administrasyon dahil sa ginawang pangungurakot sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay halos wala nang natirang pera, kaya nga ang mga proyekto sa kasalukuyan ay pinonduhan ng mga bagong inutang. Hindi mawawala ang korapsyon dahil maski matanggal ang mga korap na namumuno sa mga ahensiya, ang mga “ugat” – mga kawaning may kinalaman ay maiiwan.

Pangalawa, walang napilit maipatupad na mga proyekto na saklaw ng kani-kanilang mga komite sa Senado sina Poe at Escudero bilang mga senador. Ang boses nila ay narinig nitong huling mga buwan lamang kung kaylan ay naghahanda na sila para sa kanilang pagtakbo. Sa nakalipas na maraming buwan at taon, sa kabila ng sunud-sunod na problema ng bayan, wala man lang silang ibinahaging kahit pakunswelong mga solusyon bilang mga mambabatas, hindi tulad ni Senador Miriam Santiago, na sumasawsaw sa halos lahat ng isyu, kahit pa ikasasama ng kanyang kalagayan dahil sa kanyang sakit.

Pangatlo, ang kawalan ng disiplina ng mga Pilipino, isang masakit na katotohanan na nagkaanak pa ng ugaling “palusot”…lahat na lang ay gagawin upang kayaning lumusot. Kahit na anong ganda ng proyekto, kung iiral ito, mawawalan din ng saysay. Ang mga halimbawa para dito ay ang hindi pagsunod sa alituntunin sa pagtawid ng kalsada at paninigarilyo sa mga lugar na pampubliko. Hanggang saan aabot ang hinihingi nilang tulong mula sa mga mamamayan?

Pang-apat, ang ugaling ningas-kugon na nakadikit sa kultura ng Pilipino. Magaling lang sa simula ng mga proyekto dahil may mga kodakan at press release na nangyayari kaya marami ang gustong makibahagi. Makaraan ang ilang buwan at taon, “nalanta” na ang proyekto. Tingnan na lang ang LRT at MRT na sa simula ay “nangingintab” sa ganda, subalit bandang huli ay nanlilimahid na, naging dugyot – marumi, palyado. Ang mga ‘tree planting” projects na para makatulong sa Inang Kalikasan, yong mga lugar na malalapit sa lunsod o bayan, ni hindi nadamuhan at hindi man lang o nadiligan, kaya walang nangyari sa mga tanim. Ang pagpapaganda ng mga center island ng mga kalsada na tinamnan ng mga bulaklak, pagkatapos ng kodakan, naging tapunan ng basura. Ang project para sa Pasig river, hanggang kodakan lang din ang inabot. Ang paglinis sa Roxas Boulevard at mga daluyan ng tubig ng Manila, hindi rin consistent. Etc. etc. etc.

Panglima, ang kanilang mga talumpati ay namumutiktik ng mga pantukoy sa kanilang mga “inspirasyon”. Ang kay Grace Poe ay sa kanyang tatay na si Fernado Poe, Jr., isang aksiyon star ng mga pelikulang may kabayanihan, na animo ay pelikulang “Panday” ang mga tema. Kaya halos bawa’t talata ng kanyang talumpati ay may salitang “magpanday”, sa halip na “gumawa” o “humubog”, upang simple lang sana ang dating. Si Chiz Escudero naman ay hindi nagpatalo – gumamit ng  “puso”, tulad ng pagsabi halimbawa ng “mga proyektong may puso”, etc. Gagawin pang tanga ang mga nakikinig ganoong ang pinapatungkulan niya ng “puso” ay si “Heart Evangelista”, asawa niya! Hinaluan pa ng showbiz ang pulitika! Siguro ang mga speech writers nila ay mga script writers ng pelikula, kaya ang laman ay pang-pelikula ang dating! Ganyan ang nangyari nang mangampanya si Erap, at nang umupo, karamihan ng mga itinalaga sa puwesto ay mga artista. Ang hindi ko makalimutan ay ang itinalaga niyang matabang komedyante sa PAGCOR na nagsabi ng “weather weather lang yan”, kaya walang naipakitang ambag ang nasabing pasugalan para sa bayan na siya nitong layunin, kung saan napunta ang pera, siya lang ang nakakaalam.

Kung babasahin ang kasaysayan ng bansa, ang mga pinangako ng dalawa na pagsugpo sa katiwalian, kriminalidad, gutom, etc. ay mga pangako din ng mga pulitiko noon pa mang binigyan ng mga Amerikano ng kalayaan ang mga Pilipino na nagkumahog sa pag-upo sa mga puwesto sa gobyerno. Walang natupad sa mga pinangako nila sa mga kampanya dahil tuloy pa rin ang korapsyon sa gobyerno at kagutuman sa bansa, at lalo pang tumindi sa pag-usad ng panahon. Ngayon, binabanggit na naman nina Poe at Escudero ang mga problema na saang anggulo man tingnan ay talagang hindi mawawala, hangga’t hindi napapalitan ang sistema ng gobyerno upang maaalis ang mga tiwaling mambabatas na gumagawa ng mga batas para sa kanilang kapakanan. Samantala, pwedeng asahan ang “tulong” ng mga korap na ito subalit siguradong may kapalit. Ang isang pruweba ng masamang ugali ng mambabatas ay ang kawalan palagi ng quorum sa Kongreso kaya hindi matapos-tapos ang pagtalakay sa Basic Law para sa Bangsamoro Autonomous Region….sabi nga ng iba, naghihintay yata sila ng “regalo” mula sa presidente, na siya nilang nakagawian.

Paanong matitigil ang kriminalidad kung mismong sa hanay ng kapulisan at ibang opisyal ng gobyerno ay may kakutsaba ang mga sindikato lalo na sa droga? May mga kuwento pang lumalala ang mga kidnapping tuwing panahon ng kampanyahan dahil kailangan daw ng mga financier na pulitiko ang pera para sa pagtakbo nila sa eleksiyon. Paanong matitigil ang gutom kung ang mga ahensiyang nagpapatupad ng mga programa para dito ay korap? Paanong masugpo ang nakawan sa kaban ng bayan kung ang mga batas na dapat nagpopotrotekta dito ay tadtad ng mga butas na sinadyang ginawa upang mapaikutan ng mga opisyal, nang maluwag silang makapagnakaw? Paanong mapaayos ang sistema ng edukasyon, kung kinukunsinte ng mga ahensiya ng gobyernong may kinalaman dito ang pagsulputan ng mga kursong wala namang pakinabang, kundi mapagkitaan lang ng mga kolehiyo at unibersidad, pati na ang pag-commercialize ng mga textbooks?


Nakakapangamba ang mangyayari sa darating na eleksiyon dahil sa simula pa lamang ng kampanyahan ay puro “pangarap” na ang mga sinasambit ng mga may masidhing layunin “daw” na mag-angat sa kalagayan ng Pilipinas at mga Pilipino! 

Discussion

Leave a response