Tao ang Nagpapasama sa Relihiyon, Ideyolohiya, at Magandang Adbokasiya
Posted on Wednesday, 30 September 2015
Tao ang Nagpapasama
sa Relihiyon, Ideyolohiya
At Magandang Adbokasiya
ni Apolinario Villalobos
Walang masamang ideyolohiya tulad ng Komunismo o Demokrasya
kung maganda at maayos ang pagpapatupad ng mga namumuno. Walang masamang
relihiyon o pananampalataya kung ang ituturo ng mga namumuno ay pawang
pagmamahal sa Diyos, o “diyos”, at kapwa tao. Walang masamang adbokasiya kung
hindi ito gagamitin sa masama lalo na sa panlalamang ng kapwa. Tao ang dahilan
kung bakit may mga kaguluhan sa mundo, dahil sa pagpapairal niya ng kasakiman
at kayabangan.
Napakaganda sana ang layunin ng Demokrasya, kung ang
nakaupong Presidente, halimbawa, ng isang bansang may ganitong ideyolohiya ay
hindi bobo, sakim o kawatan. Ganoon din ang Komunismo, kung ang Chairman ng
bansang may ganitong uri ng pamahalaan ay hindi malupit at gahaman sa
kapangyarihan, at hindi sagad -buto ang ugaling mapangkamkam.
Sa Demokrasya, lahat ng mga prinsipyo at alituntunin na may
kinalaman dito ay pawang kabutihan ang pakay. Halimbawa na lamang ay ang mga
batas ng Pilipinas na mismong mga taga-Kongreso at Senado ang may gawa. Dahil ampaw ang pagkagawa nila ng mga batas,
nagawa din nilang paikutan ang mga ito upang makapagnakaw sa kaban ng bayan.
Ang kapangyarihan ng isang Presidente ng demokratikong bansa ay para sana sa
kapakanan ng taong bayan at ng bansa mismo, sa kabuuhan nito. Subalit, dahil sa
panunulsul ng mga tiwaling umaalalay sa kanya, nagawa niyang lokohin ang mga
mamamayan. Ang masisisi sa pagkakaroon ng maraming kapalpakan sa isang bansa ay
ang Presidente at ang kanyang mga kaalyado, at hindi ang kanilang mga “puwesto”
na ginamit nila sa paggawa ng masama.
Ang relihiyon naman ay naimbento ng tao dahil sa kanyang
pananampalataya sa kinikilalang Diyos o “diyos”. Bago pa man nagkaroon ng mga relihiyon
na nagsanga mula sa pananampalataya ni Moses at Abraham sa disyerto ng Gitnang
Silangan, mayroon nang mga pananampalataya sa “lakas” ng iba’t ibang “diyos” na
pinaniwalaan ng mga pagano. Pinagkaisa ng mga pananampalatayang ito ang mga
tao, yon nga lang ay kanya-kanyang kumpulan ang nangyari at nagtagisan sila ng
lakas, na naging sanhi ng kaguluhan. Pinairal kasi nila ang kayabangan at
pagkagahaman sa kapangyarihan.
Isa ang Kristiyanismo sa mga naging sanga ng pananampalataya
na sinimulan ni Moses sa disyerto ng Gitnang Silangan. Habang napanatili ng mga
Hudyo ang pagsunod sa mga sinimulan ni Moses, ang iba naman ay nagpasimula ng
sarili nilang relihiyon batay sa mga itinuro ni Hesukristo kaya nagkaroon ng
Kristiyanismo. Subali’t kalaunan, nang gamitin ng mga Romanong Emperador ang
Kristiyanismo upang mapalawak ang kanilang nasasakupan at mapalakas ang
kanilang kapangyarihan, ang naging katawagan dito ay naging “Romano Katoliko”,
na hinaluan nila ng mga ritwal na
pagano, dahil ang mga ito ang tinutumbok ng kanilang layuning mahikayat. Nahati
rin ang simbahang Katoliko sa dalawa kaya nagkaroon ng “Orthodox” na humiwalay
sa “Romano”. Pinatili ng “Orthodox” ang mga orihinal na gawi, samantalang
maraming binago ang “Romano”.
Noong panahong mismong mga emperador ng Roma ang naging
“papa” o “pope”, nagkabentahan pa ng indulhensiya o indulgence upang “mawala”
daw ang kasalanan ng mga mananampalatayang bibili nito! Ang mga nagsulputang
grupo ng “Bagong Kristiyano” naman ay malabnaw ang pagkilala kay Maria na “ina” ni Hesus.
Dahil sa mga nagsuluputang sekta at kulto sa kasalukuyang panahon, lalong
nagkaroon ng kalituhan sa pananampalataya dahil bawa’t grupo ay nagpipilit na
sila ang “tama”.
Samantala, ang adbokasiyang pagtulong sa kapwa ay nagbunga
ng mga Non-governmental Organizations o NGO. Sa simula, ang pondo ay galing sa
mismong bulsa ng mga pilantropong nagtatag ng mga NGO. Kalaunan, sila ay
tinulungan ng ibang mas malaking NGO. At, kalaunan pa, tumulong din ang mga NGO
sa gobyerno upang mabilis na maipaabot ang tulong sa mga taong mahihirap, kaya
“pinadaan” sa kanila ang pondo ng mga proyekto. Ang paraang “pagpapadaan” ng
pondo sa mga NGO na may layuning malinis ay “nasilip” ng mga gahaman upang
magamit sa pagnakaw ng pera mula sa kaban ng bayan. Nagkaroon ng kutsabahan sa
pagitan ng mga taga-gobyerno at may-ari ng NGO, kaya ngayon ay may mga kasong
tulad ng kinakaharap ni Napoles na may kinalaman sa pagnakaw nila ng
bilyon-bilyong pera mula sa kaban ng bayan!
Sa bandang huli…ang katanungang maibabato na lang natin sa
hangin, kasabay ng isang malalim na buntong hininga ay, “…tao…tao…bakit ka pa ginawa upang mabuhay
sa mundo?”
Discussion