Ang Mag-asawa sa Quiapo...at ang malakas nilang sampalataya sa Diyos
Posted on Tuesday, 29 September 2015
Ang Mag-asawa sa
Quiapo
…at ang malakas
nilang sampalataya sa Diyos
Ni Apolinario Villalobos
Una kong nakilala sina Mang Rudy (Rodolfo Mina, Jr.) at
Aling Auring (Aurora Aguirre), nang kumain ako sa kanilang maliit na karinderya
sa Quiapo, malapit sa Islamic Center. Sa iisang mesa nakalagay ang mga pagkain,
kaya ang kakainang pinggan ay halos hindi na kasya sa mesa. Ang ginawa ko ay
inihalo na lang ang ulam sa pagkain – “toppings” style, nagkamay ako habang ang
kaliwang kamay ko ay nakahawak sa pinggan upang hindi mahulog. Habang kumakain
ako, nasilip ko si Mang Rudy na nanggugupit sa maliit na kuwarto sa likod ni
Aling Auring. Nang hindi sinasadyang tumingin siya sa akin, muntik na akong
mabilaukan sa gulat….wala pala siyang ilong!
Hindi na ako nagtanong kay Aling Auring kung saan napunta
ang ilong ng kanyang asawa bilang respeto. Naalala ko tuloy ang nabasa kong
kasaysayan ng ibang bansa na ang isa sa mga parusang pinapataw sa mga nagkasala
ay pagtanggal ng ilong nila. Mula noon, tuwing titingnan ko si Mang Rudy ng
matagal, hindi na sumesentro ang atensiyon ko sa dalawang butas sa kanyang
mukha na dapat sana ay natatakpan ng ilong. Maliksing kumilos si Mang Rudy.
Siya ang nagbibigay ng pagkain kung wala ang asawa niya tuwing kakain ako sa
kanila at nagkukuwentuhan pa kami tungkol sa mga karanasan niya noong bago pa
lang siya sa Maynila. Yon nga lang ngogo ang kanyang pagsasalita na natutuhan
ko ring maunawaan sa katagalan.
Nang huling kumain ako sa kanila, napansin kong medyo sarado
ang pinto ng kuwarto kung saan nanggugupit si Mang Rudy kaya tinanong ko si
Aling Auring kung umuwi sa probinsiya ang kanyang asawa. Nagulat ako nang
sabihin niyang nasa loob lang at nakahiga sa sahig dahil inatake daw sa puso,
subalit naagapan namang madala agad sa ospital. Ang malas nga lang ay nang
ilabas na niya ito, dahil noong pasakay na sila dyip, kahit hindi pa nakakaupo
sa bandang hulihan si Mang Rudy ay biglang pinaharurot ng drayber ang sasakyan
kaya nahulog ito. Unang bumagsak ang kanyang balakang. Mabuti na lang at tinulungan
sila ng drayber na nagbayad para sa mga gamot at x-ray.
Noong araw na nalaman ko ang nangyari kay Mang Rudy,
idinagdag pa ni Aling Auring na kailangan din ng asawa niya ang regular na
check-up dahil lalong lumala ang pananakit ng kanyang balakang kaya hindi na
rin ito halos makakilos sa pagkakahiga. Nag-alala ako dahil binabaha ang
tinitirhan nila at sa sahig lang nakahiga si Mang Rudy. May balak naman daw
magpagawa si Aling Auring ng makitid na kama upang magkasya sa maliit na
kuwarto kaya pinag-iipunan niya ito. Ini-imagine ko kung paanong pag-ipon ang
gagawin niya dahil sa kamurahan ng kanyang paninda at kamahalan ng mga bilihin,
halos wala na siyang tinutubo, dagdag pa rito ang upa, tubig at ilaw. Nabasa yata niya ang nasa isip ko dahil sinabi
niyang, “alam kong hindi kami pababayaan ng Diyos”. Natulig ako sa sinabi niya
at napahiya dahil kung minsan ay nawawalan ako ng tiwala sa Diyos, kapag halos
hindi ko na kaya ang bigat ng dinadala kong mga problema…nakakalimutan kong
nandiyan lang pala Siya.
Nang bumalik ako uli sa kanila, wala pa ring nagagawang
kama. Upang lumaki ang kita ni Aling Auring, mula noon, halos inuubos ko na ang
mga ulam niya na iilang klase lang naman. Sa halip na iisang tasang kape ang
inoorder ko, dinadalawa ko na upang tumagal pa ang aming usapan. Ang sukli ay
hindi ko na rin kinukuha. Kung napapansin kong may tutong na ayaw kainin ng
ibang kostumer, binibili ko na rin upang maisangag namin ng mga kaibigan ko sa
Tondo. Ayaw kong masira ang sampalataya niya sa kanyang sariling kakayahan kaya
dinadaan ko na lang sa pagbili ang dapat sana ay iaabot na lang basta na
tulong. At, ang nakakatuwa ay wala akong makitang kalungkutan o pag-alala sa
kanyang mukha dahil laging nangingibabaw ang kanyang ngiti. Sa kabila ng lahat,
alam kong kailangan pa rin nila ng tulong para sa mga gamot at regular na
pangpa-check up ng kanyang asawa.
Si Mang Rudy ay 80-taong gulang na at si Aling Auring ay
76-taong gulang naman. Ilang buwan mula nang
dumating sa Maynila si Aling Auring noong 1968, sila ay nagsama
pagkalipas ng maikling ligawan. Wala silang anak at umaasa lamang sa alalay ng
mga pamangkin na nakakapasyal sa kanila kung minsan. Ang sabi ni Aling Auring
sa akin na hindi ko makalimutan maliban pa sa unang nabanggit kong “hindi sila
pababayaan ng Diyos”, ay: “lahat ng tao ay may pagsubok, hindi nga lang
magkakapareho, kaya hindi dapat sumama ang loob ko dahil sa dinadanas namin
ngayon dahil alam kong mas mabigat pa ang problema ng iba”.
Discussion