BADONG PIDO...mapalad na nilalang sa kalinga ni Jose "Beng" Lim V at kanyang pamilya
Posted on Monday, 11 September 2017
BADONG PIDO…mapalad na nilalang
sa kalinga ni Jose “Beng” Lim V at kanyang pamiya
Ni Apolinario Villalobos
Sa kabila ng pagiging “special guy” ni Badong, napakapalad
niya dahil nasa kalinga siya ng pamilya ni Jose “Beng” Lim V. Subalit bago
tuluyang naampon ng pamiya Lim si Badong, napansin siya noon ng mga empleyado
sa hardware store, kung saan ay halos araw-araw itong tumatambay sa counter
kaya nakasanayan na rin nilang bigyan ito ng pagkain. Kalaunan ay pinasundan
siya upang malaman kung saan talaga siya umuuwi at laking gulat nila nang
malamang sa sulok ng isang gasolinahan na malapit sa bagong Tacurong public
market (New Isabela) siya natutulog gamit ang nakalatag na karton. Akala nila
ay may pamilya itong inuuwian at nakakatuwaan lang ang paggala sa araw.
Kinausap ni Beng si Badong at inimbitang sa kanila na tumira
na ikinatuwa naman nito. Ang unang
nakagaanan ng loob ni Beng ay si Ranger, na tinawag nitong “boss Ranger”. Si Beng
naman ay tinawag niyang “Ninong” at ang misis nito ay “Ninang”. Sinubukan ng
mag-asawang ipasok siya sa eskwela subalit hindi siya nagtagal dahil sa kanyang
kalagayan. Napag-alaman din nila na ang makakapagpapirmi kay Badong sa bahay ay
TV.
Pautal-utal kung magsalita si Badong subalit pinipilit ng
pamilya na maunawaan siya. Naging malapit din siya sa mga anak ng mag-asawa at
ayaw nilang mawala ito sa kanila. Subalit isang araw ay may nakakita sa kanya
sa store at nagsabi kay Beng na taga-General Santos daw ito at sa pangangalaga
ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pinagpalagay nila na maaaring
hindi sinasadyang nakalabas siya ng tinitirhan at nakatiyempong makasakay ng
bus na biyaheng Tacurong City. At dahil nasa bagong public market ang bus
terminal, naghanap na lang ito ng isang sulok na matutulugan. Mabuti na lang
din na hindi siya naliligaw at nakakabalik pa sa kanyang tinutulugan tuwing
gumala siya sa downtown area na kinaroroonan ng hardware store ng mga Lim.
Masama man sa kalooban ng pamilya ay nagdesisyon silang
ibalik si Badong sa DSWD kaya naghanda sila ng despedida party para sa kanya.
Si Beng mismo ang naghatid sa kanya sa General Santos, subalit nang iwanan na
niya ay nagwala ito at nagpilit na sumama pabalik sa Tacurong. Walang nagawa
ang DSWD kundi ang gawing pormal ang pagpaalaga kay Badong sa mga Lim. Ngayon,
dinadala na rin ni Badong ang apelyidong Lim.
Ang turing kay Badong ng mga Lim ay talagang kapamilya. Sa
lahat ng okasyon ay kasali siya, pati sa taunang cross-country ng Tacurong City Riders na pinamumunuan ni Beng bilang Presidente. Sa loob ng 6 na taon ay
kasa-kasama siya ng tropang bikers at itinalaga sa support o backup.
Ayon kay Beng, gusto niyang makita pa rin ni Badong ang
kanyang mga magulang upang maging kumpleto ang pagkatao nito. Dagdag pa niya,
kung sakaling mangailangan din ng tulong ang magulang ni Badong, baka
matulungan din nila. Kahit pautal kung
magsalita si Badong, halatang nagpipilit itong maunawaan ng iba, at dahil
normal ang turing sa kanya, na-develop ang kanyang self-confidence.
May "Down Syndrome" si Badong, subalit nakitaan ko siya ng
katalinuhan nang sagutin niya ang mga tanong ko, at sa palagay ko ay nakatulong
ng malaki sa unti-unting paglinang ng kanyang karunungan ang pagmamahal na
hindi lang pinapakita kundi pinapadama din ni Beng, ng kanyang asawa at mga
anak.
Nagpapasalamat ako sa pamangkin kong si Daniel Paclibar na
miyembro ng Tacurong City Riders dahil siya ang
nagparating sa akin ng kuwento ni Badong.
Discussion