0

Ang "Maliit" na Pagkakamali

Posted on Wednesday, 6 September 2017

Ang “Maliit” na Pagkakamali
Ni Apolinario Villalobos

Madalas nating marinig ang mga katagang, “hayaan mo na…maliit na bagay lang yan” kung magkamali ang isang tao. Ang mga ganyang kataga ay nanggagaling sa mga tao na tila walang pakialam kung ano ang mga maaaring resulta ng pagpapalampas ng pagkakamali kahit maliit lang. Hindi ba ang “malaki” ay nagsisimula sa “maliit”? Okey lang ang maging maunawain sa mga pagkakamali subalit ang ugaling ito ay madalas na nakasanayang abusuhin.

Kung bata ang nagkamali, maririnig naman ang mga katagang, “hayaan mo na, bata yan”. Hindi naiisip ng nagsasabi niyan na kaya nga dapat sawayin ang nagkamali ay dahil bata ito at madalas ay hindi niya alam na ang kanyang ginawa ay mali. Papaanong matututo ang bata kung sa murang gulang na dapat ay panahon sa paghubog ng kanyang ugali o pagkatao ay hindi ito gagawin ng matatanda?

Ugali ng taong masama ang magpalusot na isang uri ng pagnanakaw. At, ang ugaling ito, bukod sa nauulit ay lumalaki pa ang pinapalusot habang siya ay nagtatagumpay sa kanyang ginagawa. Ang pinalusot halimbawa na “petty cash”sa isang opisina na wala pang isandaang piso ay lumalaki dahil inaakala ng nagpalusot na kaya naman palang gawin ito. At dahil nakaugalian na niya, bago niya namalayan, libo-libong pera na pala ang kanyang napapalusot.

Sa kaso ng droga, ang maliit na gawaing pagbili at paghatid ng droga na ginagawa ng isang batang “runner” ay nagsisimula sa “paminsan-minsan” dahil sa simpleng pangangailangan ng pera. Kalaunan, dahil madali palang kumita ng pera sa ganoong paraan, “dumadalas” na ang pagiging “runner”. Kalaunan pa rin, hindi maiwasang tumikim na rin ng droga ang “runner”, hanggang maging adik, nakapagdispalko ng pera ng drug pusher o drug lord kaya hindi naka-remit on time….kaya pinatay…at, ang sisi ay ipinataw kay Duterte!

Sa kaso ng kaputahan o prostitution, nagsisimula ito sa pakikisama sa mga kaibigang ganito ang trabaho…for curiosity’s sake. Nakita ng curious na madali palang pagkitaan ang pagpuputa at pwedeng sideline lang kahit nag-aaral pa. Nang lumaon, naging full time prosti na ang dating curious lang!

Ang mga maliliit na problema ng mga bansang mauunlad at naghihirap, tulad ng pagpapabaya ng mga government officials at pagiging korap nila, kalaunan ay umaabot sa puntong hindi na makontrol. Ganyan ang nangyayari sa Pilipinas na ang dating maliliit na mga “sugat” o problema na nagsimula noong panahon ng kasarinlan ay naging bakukang na ngayon at mahirap nang gamutin…umaalingasaw dahil sa tinding kabantutan!





Discussion

Leave a response