Dapat Maghinay-hinay sa Pagsunod sa Uso
Posted on Monday, 4 September 2017
Dapat Maghinay-hinay sa Pagsunod sa Uso
Ni Apolinario Villalobos
Hindi masama ang magpati-anod (ride on the current) ng
makabagong panahon. Pero, ang magpaka-OA sa pagiging makabago ay hindi OK. Mga
halimbawang kahangalan, masabi lang na up-to-date sa makabagong panahon:
·
Pagpa-tattoo ng kilay. May isang gumawa nito,
pero dahil “promo package” ang binayarang serbisyo sa isang patakbuhing parlor
na ang mga beautician ay kung saang sulok lang galing, ang isang kilay ay
tabingi ang pagka-tattoo! Depensa ng tattoo artist, malikot daw ang napatulog
na kostumer. Ang kasama sa package na pagpapakulay ng buhok ay palpak din dahil
nasobrahan ang gamot sa pampakulay kaya nasunog ang maraming buhok!
·
Paggamit ng cute na bag…ibig sabihin ay maliit,
kaya hindi kasya ang mga gamit sa loob nito. Ginawa ito ng isang babaeng payat
na ay sakang pa na nagsuot ng hapit na hapit na pantaloon at t-shirt na umurong
yata dahil labas ang pusod niya. Akala niya ay okey na ang outfit niya, pero
naging katawa-tawa ang hitsura dahil hindi bagay sa katawan niya. Binitbit niya
ang dalawang cellphone dahil hindi kasya sa bag at dahil mukhang mamahalin ang
mga ito, nakursunadahan ng snatcher. Ayaw bitiwan ng babae ang bag at dalawang
cellphone kaya siya ay natumba at nakaladkad. Ang tiyan niyang nakalitaw ay
nagmukhang curdoroy sa dami ng gasgas! Nabititiwan rin niya ang bag at mga
cellphone nang sipain siya ng nainis na snatcher…mabuti at hindi siya nasaksak.
Nakita ko ang insidente sa isang sidestreet ng Binondo at dahil sa bilis ng
pangyayari, hindin namin inabutan ang kawatang tumakbo sa squatter’s area sa
tabi ng ilog.
·
Paggamit ng colored na lens sa mga mata upang
magmukhang tisay o tisoy dahil sa kulay nito na blue o brown. Nauuso ngayon ang
paggamit ng colored lens na walang grado…mahal ang isang pares dahil hindi
bababa sa dalawang libong piso. Una, hindi bagay ang mga kulay na ito, lalo na
ang kulay asul o blue sa kulay ng balat ng mga Pilipino. At, marami na ring
nabulag dahil ang layunin ng karamihan ng mga gumamit ay upang ipang-porma
lang, hindi upang luminaw ang paningin kaya hindi nila naaalagaan ng maayos ang
mga lens.
·
Pagpapaputi ng balat. Sa kagustuhan ng marami,
babae man o lalaki na pumuti, lahat ng paraan ay ginagawa, pati ang pagbili ng
mumurahing mga gamot sa bangketa. Walang masama sa luhong ito, lalo pa kung ang
original na balat ay magaspang, pero dapat ay sa lehitimong derma clinic
pumunta at kumunsulta muna sa dermatologist kung pwede ang gluta treatment o
hindi dahil sa allergy effect nito. May alam akong gumamit ng pampahid sa
mukha, okey ang resulta dahil kuminis at pumuti pero dahil natanggal ang outer
dermal layer ng mukha, ang naiwan ay ang “baby skin” na bandang huli ay umitim.
At dahil diyan, nagmukhang pinahiran ng uling ang kanyang pisngi na
nangingintab!
·
Pagpipilit sa magulang na bumili ng maluhong
gadgets kahit hirap sa buhay ang pamilya. Ang mga suwail na anak na akala ay
kumakahig ng pera ang magulang na nagtitinda lang ng turon o gulay sa palengke
ay sumasama ang loob, nagtatampo kapag hindi naibili ng mamahaling cellphone,
hanggang maisipan nilang lumayas at upang magkaroon ng biglaang pera ay
pumapasok sa beerhouse upang magputa! Ang iba naman ay nagiging magnanakaw o
nagpapabayad bilang “runner” o taga-hatid ng shabu sa mga customer…hanggang
kalaunan, sila ay nagiging “user” na rin. Alam ko yan dahil marami akong naging
kaibigan na tulad nila.
·
Pagpipilit na lumiit ang tiyan o puson at
matanggal ang iba pang taba sa katawan, sa pinakamabilis na paraan. Sa
kagustuhan ng maraming “vanidoso” at “vanidosa” o maaarte na ang gusto ay pumayat
tulad ng mga modelo, nagpapa-lipo suction sila pagkatapos utuin ng “beauty
consultant” kuno na ahente pala ng mga lipo clinics. Dahil walang ginawang
physical check, hindi pa man nangangalahati ang proseso ng lipo, inatake na sa
puso ang pasyente! Sa halip na makapagyabang ay sa loob ng kabaong dumiretso
ang maluhong wala sa ayos…ang kaibigang “beauty consultant” ay ahente rin yata
ng punerarya.
May
mga pangangailangan ang lahat ng tao sa ibabaw ng mundo, subalit kung kalabisan
ang hinahangad, ito ay pagpapakita na ng katangahan. Dapat alalahaning ang
asukal, asin, tubig, pagkain, at iba pa ay kailangan ng tao, subalit kapag
lumabis na ang mga ito sa ating katawan, sa halip na kabutihan ay disgrasya ang
mapapala ng abusado!
Discussion