0

Ang Magagawa ng mga Pilipino kung Magtaasan ang mga Presyo ng Bilihin

Posted on Wednesday, 13 September 2017

Ang Magagawa ng mga Pilipino
Kung Magtaasan ang mga Presyo ng Bilihin
Ni Apolinario Villalobs

Hindi kailangang malungkot kung nagtataasan man ang presyo ng mga bilihin. Maraming paraan upang makatipid, tulad ng sumusunod:

·        Bumili ng mumurahing bigas tulad ng “NFA rice” sa halip na mamahaling uri na maputi nga ay nagtututong naman kung isaing. At, lalong higit kung kapos sa budget. Pwedeng paghaluin ang murang bigas o NFA rice at hindi gaanong mahal na bigas.

·        Huwag magtapon ng tutong na kanin…iluto ito sa instant noodles upang lumambot. Ang tutong na kanin ay gamot sa hyper-acidity na ang sinaunang gamot ay isinangag na bigas hanggang bahagyang masunog sa pagka-tosta (toasted), at nilalaga upang maging “kape”.

·        Bumili ng mura dahil nalalanta na mga gulay hangga’t maaari. Ang pagkalanta ay hindi nangangahulugang nawawala ang sustansiya sa gulay. Sa ibang bansa, ang gulay ay pinapatuyo upang maimbak para sa panahong tag-lamig. Ganoon din ang ginagawa sa ibang mga prutas. Sa Pilipinas, hindi siguradong ligtas kainin ang mga prutas at gulay na sariwa sa paningin dahil, malamang na na-iespreyhan ng insecticide. Ang mga ganitong uri na gulay ay yong sariwang tingnan ang balat pero bulok na ang loob, tulad ng talong. Kalat ang balita tungkol sa pag-isprey ng insecticide o pagbabad ng ilang uri sa isang uri ng preservative upang tumagal ang hitsurang sariwa.

·        Magtipid sa kuryente. Maraming paraan upang gawin ito.

·        Magtipid sa tubig, kung sa Maynila nakatira o saan mang lunsod na de-metro ang tubig. Ganoon din ang gawin kapag motor pump ang ginagamit sa bahay.

·        Bawasan o tuluyang iwasan ang pagkain sa labas ng bahay. Gumawa ng sariling home-made burger at potato fries na gusto ng mga bata at gamitin itong activity bilang bonding time ng pamilya.

·        Ugaliing mag-recycle ng mga natirang pagkain sa halip na itambak lang sa ref.

·        Ugaliing bumili ng mga sale items sa halip na mga regularly-priced,

·        Iwasan ang pagbili ng maluluhong bagay para lang mai-display at maipagyabang sa ibang tao.

·        Higpitan pa ang paghawak sa pera kahit pa ang asawa ay Chief Engineer o Kapitan sa barko o executive sa kumpanya. Dapat ipakita sa mga anak na hindi pinupulot lang ang pera, upang sa murang gulang ay maintindihan nila ang kahalagahan nito na dapat respetuhin.

Para sa akin, hindi maganda ang ugaling paggastos habang mayroong nadudukot. Ang disiplina sa paggastos ng pera ay dapat pairalin sa loob ng tahanan upang matutuhan din ng mga anak. Mahalagang bagay ito dahil ang matututuhan nila ay maaari nilang ipamana sa kanilang mga anak, na magpapamana din sa kanilang mga anak, etc. Kung sa ganitong bagay man lang ay may disiplina ang mga Pilipino, mababawasan ang ingay na sanhi ng mga reklamo tuwing tataas ang mga bilihin, pero wala namang ginagagawa.


Sa isang banda, ang paggawa ng paraan upang mabawasan ang problema tuwing nagtataasan ang mga presyo ng bilihin ay hindi nangangahulugan na ititigil na ang pagbatikos sa mga opisyal na pabaya at korap….dapat ituloy pa rin upang malaman nila na hindi bulag ang mga Pilipino sa kanilang mga kabulastugan. Mag-ingay man laban sa mga tiwali, sabayan pa rin ito ng pagkilos at pagiging resourceful o mapamaraan upang mabawasan ang paghihirap na nararanasan. Hindi malulutas ng pag-iingay lang ang kahirapan…yan ang dapat tandaan!

Discussion

Leave a response