0

Ang Pagpapahalaga sa Kalinisan ng Kapaligiran

Posted on Friday, 8 September 2017

Ang Pagpapahalaga sa Kalinisan ng Kapaligiran
Ni Apolinario Villalobos

Ang kalusugan ng sangkatauhan ay nakasalalay sa kalinisan ng kapaligiran. Ang kapaligiran ay hindi nangangahulugan lang ng mga nakikita natin sa ibabaw ng lupa subalit pati na rin ang nasa ilalim nito at ang kalawakan.

Ang isang mahalagang pangangailangan ng buhay na bahagi ng kapaligiran subalit hindi nakikita ay ang hangin. Dapat langhapin ang hangin dahil sa taglay nitong “oxygen” na kailagan ng ating katawan. Dahil diyan, dapat ay malinis ang hanging ating nalalanghap dahil kung hindi, ang dumi ay hahalo sa dugo na dumadaloy sa buo nating katawan at ang resulta ay iba’t ibang uri ng sakit.

Ang tubig sa mundo ay may dalawang direksiyon – ang papunta sa itaas at ang papunta sa ibaba. Ang may paitaas na direksiyon ay ang “vapor” na mula sa lupa, katawan ng mga tao, hayop, at mga halaman. Ang may pababang direksiyon naman ay ang ulan na resulta ng pagdami ng “vapor” sa kalawakan na nakikita sa pormang ulap. Kung ang “vapor” ay nahaluan ng singaw at buga ng mga pagawaan o factories, nagiging lason ito na hahalo sa babagsak na ulan sa kalupaan.

Kailangang magtulungan ang mga tao upang mapanatili ang kalinisan sa ating kapaligiran. Ang isa sa madaling gawin ay ang paghinay-hinay sa paggamit ng mga bagay na yari sa plastic. At, upang hindi dumami ang mga bagay na plastic sa basura ay ang pag-recycle ng mga mapapakinabangan pang mga plastic containers at pagdala ng sariling bag o basket kapag namamalengke o maggo-grocery.

Kapansin-pansin na marami pang mga LGUs ang hindi nagpapatupad ng mahihigpit na patakaran tungkol sa paggamit ng mga bagay na yari sa plastic. Wala silang problema sa pag-ipon ng mga nakakalat na dumi, dahil kayang walisin. Subalit kapag mga plastic na bagay na ang bumara halimbawa sa mga imburnal, baha ang idudulot nito.

Kung nadadanasan natin ngayon ang pagkasira ng kalikasan at ang pabago-bagong panahon na nagdudulot ng mga pinsala tulad ng bagyo, baha, at sobrang tag-tuyot….walang ibang dapat sisihin kundi sangkatauhan din.





Discussion

Leave a response