0

Ang Pagsisikap

Posted on Tuesday, 5 September 2017

Ang Pagsisikap
Ni Apolinario Villalobos

Ang pagsisikap ay pagpapakita ng dangal. Mahirap man o mayaman, mahalagang maipakita ng isang tao na siya ay may sariling disposisyon at kayang tumayo sa sariling mga paa at may mga kamay na may kakayahang magtrabaho o gumawa upang kumita. Kung ang ilang bulag, pilay, komang, at pipi ay kumikita ng maayos, mga normal pa kaya na kumpleto ang mga bahagi ng katawan?

Ang lalong masama ay ang pananamantala ng mga nakapag-aral ng maayos at may mga kaya sa buhay, sa mga inosenteng kinakapos. Ang mga mapagsamantalang ito ay kalimitang mga drug lords na gumagamit ng mga taong kumakapit sa patalim upang mabuhay. Ang iba pang mapagsamantala ay mga mayayaman na walang pakialam sa kalagayan ng ibang tao. Kasama sa hanay nila ang mga taong pinagkatiwalaan ng taong-bayan kaya iniluklok sa kanilang kinalalagyan sa Kongreso, Senado at iba pang ahensiya ng pamahalaan, subalit naging gahaman kaya naging korap.

May mga taong nagsisikap nga upang umasenso pero nangtatapak naman ng kapwa. Maraming ganyang uri ng tao sa buong mundo. Isa itong innate tendency na kung hindi makontrol ay talagang makakapinsala ng kapwa. Ang ugaling ito ang dahilan kung bakit nagkakagulo ang buong mundo….tao laban sa tao na umaabot sa labanang kinasasangkutan ng kanilang mga bansa. Kahit pa sabihing mayroong tinatawag na United Nations, kung minsan ang mga taong dapat magpatupad ng kaayusan ang sumisira ng kanilang layunin.


Mabait ang Diyos dahil binigyan Niya ang tao ng hangaring magsikap upang kahit magkamali ay mayroon pa rin siyang pagkakataong magbago…kung hindi siya talagang ugaling demonyo!

Discussion

Leave a response