Ang Imahen ng "Lady of Guadalupe" ng Barangay Real 2 (Bacoor City, Cavite)...simbolo ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa
Posted on Tuesday, 4 August 2015
Ang Imahen ng “Lady
of Guadalupe”
ng Barangay Real 2
(Bacoor City, Cavite)
…simbolo ng matibay
na pananampalataya at pagkakaisa
Ni Apolinario Villalobos
Ang imahen ng Birhen ng Guadalupe ang itinuturing na isa sa maraming
naipamalas na milagro sa mga mananampalatayang Kristiyano. Ang imahen ay unang nakilala sa Guadalupe,
Mexico dahil sa mga milagrong ipinamalas niya sa mga katutubo kaya ang mga
Mehikanong kasama sa mga paglayag ng mga galleon mula noong 1400s ay nagdadala
nito upang maging “tagapagligtas” nila kung magkaroon sila ng sakuna sa
karagatan.
Sa Pilipinas, ang unang nakilalang imahen ng Guadalupe ay
ang nakaluklok sa Guadalupe Church, sa Guadalupe Nuevo, Makati City.
Itinuturing din itong mapaghimala kaya maraming debotong dumadayo sa nasabing
simbahan upang ito ay hingan ng tulong. Ang piyesta ng “Lady of Guadalupe” ay
tuwing ika-12 ng Disyembre.
Sa Cavite, may imahen ng nasabing Birhen sa Barangay Real
Dos, Bacoor City, sa maliit na subdivision ng Perpetual Village 5 at nakaluklok
sa Multi-purpose Hall nito, na itinuturing nang “chapel” dahil dito rin
nakaluklok ang iba pang imahen ng Birheng Maria at Hesus. Ang imahen ay donasyon
ng mag-asawang Glo at Ed de Leon noong 2013 nang italaga ng parukyang San
Martin de Porres ang nasabing birhen bilang patron ng nabanggit na barangay.
Bukod sa imahen ng nasabing Birhen, ang mag-asawa ay nag-donate din ng imahen
ng Itim na Nazareno, Christ the King, at mga gamit pang-Misa ng pari. Ang
mag-asawa din ang nagpa-ayos ng mga sirang bahagi ng “chapel” at nagpalit ng
pintura nito noong huling bahagi ng 2012. Payak ang nasabing “chapel”, may
kaliitan din subalit hindi hadlang ang mga kapintasang ito upang umigting ang pananampalataya ng mga
taong taga-barangay at mga karatig lugar na dumadalo sa Misa tuwing Linggo.
Mula nang mailuklok ang birhen sa nasabing barangay,
kapansin-pansin ang pagkaroon ng dagdag sa bilang ng mga dumadalo sa Misa
tuwing Linggo. Nagkaroon din ng dagdag- inspirasyon kaya lalong sumigla ang
pagkilos ng mga religious crusaders ng Holy Face of Jesus na namamahala sa
imahen. Ang grupong ito ang nagbubuklod sa mga mananampalatayang Katoliko na
taga- loob at labas ng barangay dahil sa pinapakita ng mga miyembro na walang
kapagurang pagdasal sa mga lamay sa pakiusap ng namatayan, pamumuno sa pagdasal
ng novena at rosaryo sa kapilya tuwing Huwebes ng dapithapon, at pakikiisa sa
mga pagtitipong ispiritwal sa parukya ng San Martin de Porres tulad ng
paghahatid ng imahen ng Birheng Maria sa mga bahay na gustong magpabisita sa
kanya. Ang lahat ng mga nabanggit ay ginagawa ng grupo sa ngalan ng sakripisyo
dahil lahat sila ay nagkakanya-kanyang gastos kung may lakad o tuwing may prusisyon sa parukya. Ang grupo ay
pinangungunahan ngayon ni Lydia Libed, bilang Presidente. Nakikipag-ugnayan si
Gng. Libed sa namumuno ng Pastoral Council ng Real Dos na si Emma Duragos, na
nagsisilbi namang kinatawan ng parukya sa barangay.
Nakadagdag ng lakas na ispiritwal ng barangay ang chorale
group ng mga kabataan at young adults na kumakanta tuwing may okasyon para sa patron
at tuwing Linggo na araw ng Misa. Ang grupong ito na pinamumunuan ni Arianne
Lorenzana ay madalas ding maimbita sa mga Misang idinadaos sa labas ng
barangay. Ang tumatayo namang mother/adviser nila ay si Norma Besa na bukod sa
nagpapakain sa mga miyembro tuwing may practice ay takbuhan din nila upang
hingan ng payo. Hindi rin nagpapabaya si Norma sa pagkukusa ng tulong sa
pagpalit ng mga bulaklak na alay sa patron at iba pang pangangailangan nito.
Umaagapay sa mga grupong nabanggit si Louie Eguia,
presidente ng Perpetual Village 5 Homeowners Association, na ang pinagkakaabalahan
sa kasalukuyan ay ang proyektong pagpapasemento ng harapan ng kapilya dahil sa
dumadaming maninimba tuwing Linggo na umaapaw hanggang sa labas, bukod pa sa
pagpapaayos ng bubong nito. Ayon kay ginoong Eguia, ang donasyon sa
pagpasemento ng harapan ng kapilya ay manggagaling sa gobernador ng Cavite na
si Jonvic Remulla, at ang pagpapaayos ng bubong ay manggagaling naman sa
gaganaping “bingo social” na proyekto ng PV5 Homeowners Association. At tulad
ng dapat asahan, ang maybahay niyang si Edna naman ang nagbibigay ng hindi
matawarang suporta sa kanya sa lahat ng kanyang mga ginagawa, kasama na ang
pag-follow up ng mga dokumento sa iba’t ibang opisina, para sa mga proyekto.
At sa abot naman ng
makakaya ng Barangay Real Dos, ang Chairman nitong si ginoong BJ Aganus ay
nakaalalay, mula sa pagbigay ng marshall tuwing magdaraos ng prosesyon at
seguridad naman para sa iba pang mga kahalintulad na okasyon. Ang iba pang
sakop ng patrong Lady of Guadalupe ng Real Dos ay ang Luzville subdivision,
Silver Homes 1 and 2, at ang Arevalo Compound.
Ang nais kong ipakita rito ay ang maaliwalas na
pakikipag-ugnayan sa isa’t isa ng mga grupo at opisyal sa Real Dos sa ngalan ng
patron na “Lady of Guadalupe”. Ito ay patunay na nagkakaroon ng pagkakaisa kung
ang mga tao ay may matibay na pananampalataya na nagpapaigting ng respeto sa
isa’t isa.
Discussion