0

Ang Mga Maralita sa mga Lunsod at Malalaking Bayan...dapat unawain

Posted on Thursday, 6 August 2015

Ang mga Maralita sa mga Lunsod
at Malalaking Bayan…dapat unawain
ni Apolinario Villalobos

Maraming nagagalit sa mga maralitang kababayan nating nakatira sa malalaking bayan at lunsod. Nakakaperhuwisyo nga naman dahil ang mga barung-barong nila ay nakatirik sa tabi ng mga daluyan ng tubig, mga tambakan ng basura, mga gilid ng pader, ilalim ng tulay, mga abandonadong gusali, at mga bakanteng lote. Kapag dumami na sila, mahirap namang kontrolin kaya naging taguan na rin ng mga kriminal at adik ang kanilang lugar. At, lalong nakakaasiwang makita sa mga lugar na ito  ang mga tin-edyer na ina na may mga kargang sanggol. Sa kanila ay maraming nagagalit na mga nakatira sa maayos na tirahan – condo, apartment o single unit na bahay, dahil nakakasira daw sila ng tanawin!

Subalit kung lilingon tayo sa kasaysayan, kahit pa noong wala pa ang mga Kastila, nagkaroon na talaga ng pagkakaiba sa uri ng pamumuhay sa pagitan ng “may kaya” at “mahirap”. Ang “datu” system ng ating mga ninuno ay patunay na noon pa man ay mayroon na nitong uri ng mga pamumuhay. Nang dumating ang Kastila, lalong tumindi ang kahirapan dahil mistulang naging alipin ang ating mga ninuno sa sariling bayan. Nang umalis ang mga Kastila, ang mga katutubong nilahian nila na naging mga asyendero o yumaman sa ibang paraan ay lalong nagpalala sa kalagayan ng mahihirap, kaya lumalabas na mismong mga kababayan na ang nagpahirap sa kanila. Nang dumating ang mga Amerikano at kahit nagkaroon pa ng kasarinlan ang Pilipinas, wala ring nangyari sa problemang ito dahil nagkaroon naman ng korapsyon sa gobyerno na nagpalala pa ng kagutuman, resulta ng pagyaman ng iilan at lalong paghirap ng marami.

Sa makabagong panahon naman,  “tinakasan” ng mga maralita ang mahirap nilang kalagayan sa mga probinsiyang nawalan ng katahimikan dahil sa labanang nagaganap sa pagitan ng pamahalaan at kung hindi man mga bandido ay mga taong may adbokasiyang Komunista. Kung hindi man sila naipit ay kinutungan sila, ganoong halos wala na nga silang makain.

Sa mga iskwater ng mga lunsod na kanilang binagsakan,  may natutulugan sila kahit sa ilaim ng kapirasong tarpaulin man lang at kung magsipag lamang na mamagpag ng mga itinapong pagkain sa basurahan ng mga restaurant, o mamulot ng mapapakinabangang basura ay mabubuhay sila. Ang nakakalungkot lang ay niloloko pa rin sila ng mga opisyal ng bayan o lunsod na nakakasakop sa kanilang tinitirhan dahil napapansin lamang sila bilang mga “boto”tuwing eleksiyon, hindi tao na may buhay. Niloloko sila ng mga sindikatong bugaw kaya ang mga tin-edyer na babae man o lalaki ay napapasubo sa pagbenta ng laman. Dahil sa pangangailangan, ang iba ay pumayag na maging “runner” o tagahatid ng mga binibentang illegal na gamot. Ang mga gustong magkapera agad dahil sa tindi ng pangangailangan ay nahahatak naman sa gawaing pagnanakaw.

Hindi nila kasalanang mapunta sa mga kalagayang nabanggit, dahil mula pa man sa kanilang pinanggalingan, sila ay biktima na ng pang-aapi. Hindi sila abot ng mga programang sinasabi ng gobyerno tulad ng maayos na edukasyon. Wala ring suporta sa kanilang mga maliitang pinagkikitaan. May mga naitanim nga at naani subalit dusa naman ang paghatid sa bayan, at kung makarating man, binabarat pa. Kaya ang kilo-kilometrong nilakad nila na ang karga ay isang sakong kamote halimbawa, ang katumbas ay wala pang dalawang kilong bigas! May mga tumatawid pa sa ilog dahil ang tulay na ipinangako ng mga nangangampanya tuwing eleksiyon ay hindi naman natutupad. Ang mga farm to market road naman ay hanggang drowing lang dahil wala ring nagagawa pagkakuha ng budget ng mga pekeng NGO sa pakikupagkutsabahan nila sa tiwaling mga taga-gobyerno.

Hindi dapat maliitin at ituring na masama ang mga kababayan nating nakatira sa mga iskwater dahil sa kasabihang walang sinumang may gustong ipanganak na mahirap. Sa mundong ito, nag-unahan lang sa pagkamal ng pera ang mga tao, kaya maswerte ang naging mayaman dahil sa ibayong pagsisikap. Yon nga lang, ang iba ay gumamit ng hindi magandang paraan. Minalas mang nakapagmana ang karamihan ng kahirapan, hindi nila gusto ito…ni hindi nga nila ginustong ipanganak sa mundo!


Sino ba ang may gustong magutom, mauhaw o maglakad ng nakayapak o hubad sa mundo?

Discussion

Leave a response