Mga Diretsahang Usapin tungkol sa Panlabas na Kaanyuan at Imahe ng Tao
Posted on Monday, 24 August 2015
Mga Diretsahang
Usapin tungkol sa
Panlabas na Kaanyuan
at Imahe ng Tao
Ni Apolinario Villlalobos
Sa diretsahang salita, ang isang ugali ng ibang Pilipino ay
ang pagtingin sa panlabas na kaanyuan ng kapwa. Ibig sabihin, maganda lamang
ang pakisama nila sa mga kaibigang mamahalin ang kasuutan, may kotse, maganda
ang bahay, at lalo na kung may mataas na katungkulan sa trabaho kaya napapakinabangan
nila.
Akala ko noon ay gawa-gawang mga kuwento lamang ang
naririnig ko tungkol sa mga taong retirado na dating may mataas na tungkulin sa
mga kumpanya, na kung pumasyal sa dating opisina ay halos wala nang pumapansin.
Karaniwan sa mga retirado ay gustong maaliwalas ang pakiramdam kaya
naka-walking shorts lamang at t-shirt kung mamasyal, ibang-iba sa long-sleeved
na barong tagalog o long-sleeved polo shirt with matching necktie noong
nagtatrabaho pa sila. Ang pinaka-“disenteng” damit na presko para sa kanila nang
mag-retire na ay maong at polo shirt lamang. Dahil sa pagbabago sa kanilang
pananamit, nagbago na rin ang pagtingin sa kanila ng ibang mga dating kasama sa
opisina, makita man sila sa labas o di kaya ay sa hindi nila inaasahang pagdaan
sa dating opisina.
Ang isa kong nakausap namang kare-retire lang ay bumili pa
ng kotse ganoong halos ay igagarahe lang pala. Ang sabi niya, mabuti daw yong
may nakikita sa garahe niya para hindi isipin ng mga kapitbahay na naghihirap
na siya, dahil wala na siyang trabaho. At upang ma-maintain din daw niya ang
image niya bilang executive sa dating pinapasukan kung siya ay maalalang maimbitahan
kung may okasyon. Bandang huli ay nagsisi lang siya nang madagdagan ang
maintenance drugs niya para sa cholesterol at diabetes, kaya lumaki ang kanyang
gastos lalo na at hindi naman umabot sa sampung libo ang kanyang pensiyon.
May isa namang nagkuwento na dating nagtrabaho sa sa isang
airline. Proud daw sa kanya ang mga kamag-anak at mga kaibigan niya. Subalit nang mag-resign
siya, ang iba sa kanila ay umiba rin ang pagtingin sa kanya. Yong isa niyang
kaibigan ay nahuli daw niya mismo sa bibig kahit pabirong sinabi nito na wala
na raw siyang pakinabang. Noon kasi ay naikukuha pa niya ang pamilya ng
kaibigan niya ng discounted tickets sa mga travel agents kung mag-abroad sila, at
nakakagawa din daw siya ng paraan kung may problema sila sa booking upang hindi
ma-bump off.
Kung lumabas ako ng bahay, mas gusto kong naka –walking
shorts at nakasuot ng t-shirt dahil pawisin ako. Nang minsang may nag-text sa
akin upang mag-imbita sa isang kilalang restaurant, sinabi kong hindi pwede
dahil sa suot ko. Sabi niya okey lang dahil wala naman daw dress code sa
nasabing restaurant, kaya pumunta na ako. Nasa restaurant na ako nang malaman
kong may iba pala siyang bisita. Sa simula pa lamang, naramdaman ko na ang
malabnaw na pagpansin nila sa akin dahil siguro sa suot ko, kaya animo ay tanga
akong nanahimik lamang habang nag-uusap sila. Tiyempo namang binati ako ng manager ng nasabing restaurant
na natandaan pala ako nang maging resource speaker sa isang tourism seminar
kung saan ay isa siyang participant. Nagulat ang lahat lalo na ang nag-imbita
sa akin. Dahil narinig ko naman ang pag-uusap ng grupo na gamit ay “Barok
English”, sinadya kong kausapin ang manager sa tamang English. Noon pa lang
sila parang naalimpungatan, lalo na nang inimbita ako ng manager sa office
niya. Iniwan ko silang nakanganga!
Ang mga leksiyon dito ay: huwag husgahan ang kapwa batay sa panlabas
niyang kasuutan at huwag ding patalo sa pangambang maliitin tayo ng ating kapwa
dahil sa ating kasuutan na naaayon sa ating nararamdaman o kasalukuyang
kalagayan. Ang payo ko naman sa mga mayayabang at walang utang na loob na mga
“kaibigan” ay palaging isipin ang “Ginintuang Kasabihan” o Golden Rule, upang
hindi bumalandra sa kanila ang ginagawa nilang hindi maganda sa kanilang kapwa…at
lalong huwag gawin ang pakikipagkaibigan upang makinabang lamang!
Discussion