0

Ang Mga Isyu sa Pagitan ng Magkakapitbahay

Posted on Friday, 7 August 2015

Ang Mga Isyu sa Pagitan ng Magkakapitbahay
Ni Apolinario Villalobos

Marami na ang nagka-barangayan na magkakapitbahay dahil sa mga usaping “lampasan”. Halimbawa ay napunta sa tapat ng kapitbahay ang basura ng katabing bahay, o di kaya ay ang tubig-kanal na may kasamang basura na galing sa kapitbahay ay dumaloy hanggang sa kanal ng katabing bahay, o di kaya  ang mga dahong lagas mula sa puno ng kapitbahay ay inilipad ng hangin at naipon sa bakuran ng kapitbahay, o di kaya ay pagdumi ng aso sa tapat ng kapitbahay, at marami pang iba.

Iisa lang ang pinaka-ugat ng hindi pagkakaunawaan ng magkakapitbahay dahil sa mga nabanggit na mga pangyayari – kawalan ng pakialam ng ibang kapitbahay kung sila ay nakakaperhuwisyo sa kanilang kapwa o hindi.

May ibang kapitbahay na sinasadyang magtumpok ng mga winalis na basura sa pinakapagitan nila ng kanilang kapitbahay na parang nang-iinis, kaya kung kumalat ay umaabot sa kapitbahay, ganoong pwede namang sa harap mismo ng bahay nila dapat ipunin ang basura o di kaya ay ilagay agad sa sako o basurahan upang hindi na kumalat pa. Meron ding mga kapitbahay na “once in a blue moon” kung maglinis ng tapat nila kaya ang mga dumi ay dinadala ng hangin sa mga kapitbahay.

Sa mga maliit na subdivision naman,  sa pagpasemento uli ng lokal na pamahalaan ng mga kalsada, makitid lang ang nagagawang bago dahil sa liit ng budget, kaya sa magkabilang panig ay may naiwang espasyo na parang “kanal”, subalit hindi naman talaga sinadya upang gamiting kanal. Yong ibang homeowners, ginastusan ang naputol na pasemento upang lumapad ang kalsada at sumagad sa kanilang pader para na rin sa kapakanan ng mga gumagamit na may sasakyan. Yong iba namang homeowners, hinayaan na lamang ang kanal-kanalan upang dito padaluyin ang tubig mula sa kanilang banyo, labahan at lababo. Ibig sabihin, naglagay ng tubo mula sa mga nasabing panggagalingan ng maruming tubig sa loob ng bahay, binutas ang pader upang lusutan ng tubig na marumi diretso sa kanal-kanalan. Dahil sa pangyayari, kawawa ang mga nasa bandang “ibaba” ng kanal-kanalan lalo pa kung tumigil sa tapat nila mismo ang tubig dahil hindi na makadaloy, kaya naging “stagnant” at tinirhan ng lamok.

Sa iba pa ring magkakapitbahay, may mga punong itinanim na dikit sa pader kaya nang lumaki, maliban sa pagsira ng mga nito sa pader ay lumalampas pa ang mga sanga sa kapitbahay kaya pag-ihip ng hangin, yong hindi may-ari ng puno ay napipilitan din magwalis ng kung ilang beses sa maghapon ng mga lagas na dahon. Lalong masama ang pagbara ng mga dahon sa alulod ng bubong na dahilan ng pagkasira nito lalo pa kung ang puno ay mangga. Mas lalong delikado kung niyog ang nakakaperwisyo dahil sa pagbagsak ng mga bunga at palapa kung panahon ng bagyo. Kapag kinausap naman ang may-ari ng mga puno para ipaputol ang mga ito, ang idinadahilan ay ang DENR!


Ang isa pang sitwasyon ay kung nagpapa-party ang isang kapitbahay na may videoke pa. Kahit dis-oras na ng gabi, ay malakas pa rin ang pagpapatugtog. Common sense na lang dapat ang pinapairal upang mapahinaan ang tunog ng videoke. Hindi sapat o magandang dahilan na “minsan lang naman nangyayari ang party”. Kung ang dahilan sa pagpatugtog ng videoke ay upang makapagpalibang, bakit kailangang umabot ang tunog sa nakakabinging lakas? Ang isa pang hindi nakakatuwang pangyayari ay kung hinahayaan ng nagpapa-party ang mga bisitang may sasakyan na pumarada sa tapat ng mga kapitbahay nang walang abiso. May nagkuwento naman sa akin na sa kanilang subdivision, ang mga kapitbahay ng nagpapa-party ay hindi lang sa ingay o pagkaharang ng gate napeperhuwisyo, kundi sa alingasaw ng ihi ng ibang bisita nila na nagdilig ng mga plant boxes nang nakaraang gabi!

Dapat sa mga nakatira sa isang komunidad lalo na sa maliit na subdivision ay mag-isip kung paanong hindi makapamerhuwisyo ng kapitbahay. Hindi masama ang maging malinis at ligtas subalit huwag naman sanang mangyari na dahil sa kagustuhang ito, ang  dumi at perhuwisyo  nila ay mapunta sa mga katabing bahay.

Hindi lamang sa mga komunidad tulad ng subdivision, bayan o lunsod dapat may pag-aalala ang magkakapitbahay tungkol sa mga bagay na nakakaperhuwisyo ng iba. Dapat ay ginagawa din ito ng mga bansa, lalo na ang magkakatabi. Tulad na lang ang isyu sa pagtapon ng basura ng Canada sa Pilipinas. Kahit pa lumalabas na ito ay “binili” ng importer na taga- Manila, dapat ay hinarangan ito ng Canada sa ngalan ng “pakikisama” o maayos na “pakikipagkapitbahay” dahil nakakapinsala ang sinasabing “kalakal”.


Bilang panghuli, dapat palagi nating iniisip kung ang mga ginagawa natin ay nakakaperhuwisyo ng ating kapwa o hindi…at dapat din nating alalahanin ang Ginintuang Kasabihan na: huwag nating gawin sa iba ang ayaw nating gawin ng iba sa atin.

Discussion

Leave a response