Sobrang Trapik at Problema sa Bigas, pareho lang ang mga ugat - korapsyon at pagkagahaman
Posted on Sunday, 23 August 2015
Sobrang Trapik at
Problema sa Bigas, pareho lang ang mga ugat
– korapsyon at pagkagahaman
ni Apolinario Villalobos
Dahil sa hindi pagkontrol sa pagpasok ng mga imported na mga
sasakyan, bago man o luma sa kabila ng hindi naman paglapad ng mga kalsada, talagang
magkakaroon ng siksikan, na ang girian ng mga motorista ay umaabot pa minsan sa
barilan. Nagkaroon nga ng mga “fly-over” subalit kulang pa rin. Upang mabawasan
sana ang mga gumagamit ng mga sasakyan, nagkaroon ng mass transit systems na
LRT at MRT, subalit dahil sa hindi magandang pamamalakad, palpak din. Hindi
maayos ang lahat dahil may mga gustong kumita.
Hindi masosolusyunan ng pagdami ng mga MMDA traffic
enforcers ang problema sa trapiko dahil kalsada ang isyu na pinatindi ng hindi
makontrol na pagdami ng mga sasakyan. Ang plano namang pagkaroon ng “subway” ay
isang kahibangan dahil ang Maynila ay binabaha, kaya ang tingin dito ay
pagkakaperahan lang. Nakakatawa din ang planong subway, kahit pa sinasabi ng
mga taga-gobyerno na gagawin ang lahat upang maiwasang ito ay bahain…paanong
mangyari yan, eh kung ang flyover ngang nasa itaas na ay binabaha, yon pa
kayang sa ilalim ng lupa? Ang plano
namang mga extension ng LRT papunta sa probinsiya ay naaantala ng mga dahilang
hindi maunawaan. Malamang ay agawan ng isang bagay na alam na ng taongbayan. Nagsulputan
pa ang mga “on call” na taxi na ang nagpapatakbo ay application sa cellphone,
kaya lalong nadagdagan ang kanilang bilang na gumagamit ng kalsada.
Ang isyu naman sa kakapusan ng bigas ay tila hindi
maintindihan ng mga mambabatas kung paano ugatin ganoong ang dahilan ay ang mga
panukalang inaprubahan nila kaya nagsulputan ang iba’t ibang real estate
developments na “kumain” ng mga palayan, gulayan, niyugan, at maisan sa iba’t
ibang panig ng bansa, na tinayuan ng mga condo buildings, malls o shopping
centers, at mga subdivision. Kumita nga ang mga taong dating nagsasaka sa
pagbenta ng mga taniman nila, subalit ang epekto naman ay malawak dahil buong
bansa ang naghirap. Nasaan ang mga batas na magmimintina sana sa pagiging
agrikultural ng Pilipinas upang maging self-sufficient sa bigas man lang?
Kailangan pa ngayong umangkat ng bigas at ibang gulay sa mga
kapit-bansa sa Asya. At ang nakakahiya, sa Pilipinas nagpakadalubhasa ang mga
rice technologists ng mga bansang ito! Sa madaling salita, dahil sa kagustuhan
ng gobyerno na gumaya sa ibang bansang mauunlad, pinilit nitong pagmukhain ding
maunlad ang Pilipinas kaya hindi kinontrol ang pagbenta ng mga lupa sa
sinasabing “investors”. Dumami nga ang mga infrastructures, marami naman ang
nakanganga dahil sa gutom! At ang kumita ay mga foreign investors na pinapadala
sa kanilang mga bansa ang kanilang mga kita!
Taun-taon ay dumadami ang mga Pilipino, subalit hindi man
lamang naisip ng gobyerno na gumawa ng mga planong pangmatagalan lalo na sa mga
isyu ng maayos na pamumuhay, pagkain at tirahan. Kapag nagkaputukan na ng
problema, kanya-kanya na ng hugas ng kamay ang mga inutil na pasuweldo ng
taong-bayan at nagtuturuan kung sino ang maysala…ganoong lahat sila ay iisa
lang naman ang kulay!
Discussion