0

"Hindi Nakamamatay ang Trapik"...at "buhay ka pa naman"

Posted on Saturday, 22 August 2015

“Hindi Nakamamatay ang Trapik”
…at, “buhay ka pa naman”
Ni Apolinario Villalobos

Ang mga nakapaloob sa quotation marks sa titulo ay hindi dialogue sa pelikula, sila ay mga sinambit nina DOTC secretary Abaya, at Presidente Aquino. Nasambit ni Abaya ang nasabing linya nang tanungin siya tungkol sa ginagawa ng DOTC sa isyu ng trapik, at ang linya naman ni Pnoy ay nasabi niya nang pumunta siya sa Tacloban at may nagsumbong sa kanyang isang may-ari ng tindahan na ni-loot daw ng mga tao pagkatapos humagupit ang bagyong Yolanda. Sa mga linyang nabanggit, ano pa ang isasagot ng sinabihan, lalo pa at hindi inaasahang ganoon ang mga sagot na galing sa mga taong inaakala nilang bukod sa matalino, may pinag-aralan, at may mga kapangyarihan sa gobyerno pa?

Pwede naman sanang sabihin ni Abaya na: “pasensiya na po kayo, pero ginagawan na po namin ng paraan kung paanong mabawasan man lang ang problema sa trapik…”.

Pwede rin namang sabihin ni Pnoy na: “hayaan ninyo at ginagawan na ng paraan ng kapulisan ang tungkol sa nangyaring looting…at nakikiramay po ako sa dinanas ninyo dahil sa bagyong Yolanda…”.

Common sense lang naman ang kailangan ng isang tao lalo na kung may katungkulan upang maisip kung paano siyang magsalita nang hindi nakakasakit ng kalooban ng kapwa. Ang ginawa ng dalawang opisyal ng gobyerno, lalo pa at presidente ang isa ay nakikitaan ng kawalan ng simpatiya o pagmalasakit sa mga Pilipino na ga-bundok na ang kahirapang dinadanas dahil sa korapsyon. Sa halip na gumawa ng paraan upang mapahupa ang nagngingitngit na damdamin ng mga Pilipino, ay may kayabangan pa sila kung magsalita na kulang na lang ay sabihin nilang: “pakialam ko sa inyo!...”!

Sa sinabi ni Abaya na hindi nakakamatay ang trapik, ang tanong naman ay wala bang namatay sa alta presyon o atake sa puso dahil sa init at inis? Hindi ba nalalagay sa bingit ng kamatayan ang isang pasyenteng isinakay sa ambulansiyang dadalhin sana sa ospital subalit naipit sa trapik? Hindi ba nakamamatay ang makulong sa kotseng nagliyab dahil sa pag-overheat ng makina, dahil naipit sa trapik? Wala bang namamatay sa sunog na hindi napuntahan agad ng mga trak bumberong naipit sa trapik? Noon sinabi rin ni Abaya na ang hindi makatiis sa mga delay ng MRT ay sumakay na lang ng bus. Ganoon lang? Ganoon na ba kayabang magsalita ang mga taga-administrasyon?

Sa Ingles, may kasabihang, “there are many ways to skin a cat”…ibig sabihin, may mga ginagawa tayo na pwedeng ipakita sa iba’t ibang paraan o mga sasabihing masasambit sa pamamagitan ng iba’t ibang salita – mga paraan at salitang hindi dapat nakakasakit ng damdamin ng ating kapwa…bakit kailangang magyabang pa?!

Sa Ingles pa rin, may kasabihang, “rubbing in the salt to the wound”…ibig sabihin, nasasaktan na nga ang ating kapwa, dinadagdagan pa natin ito ng lalong nakakasakit na salita, o kung sa literal na ibig sabihin, ang sugat ay  mahapdi na nga, nilalagyan pa ng asin!

Ang mga sinabi nina Pnoy at Abaya ay lalong nagpalabo sa kanilang imahe na nalalambungan ng galit ng mga Pilipino. Bakit takot silang umamin ng failure o pagkabigo kung katanggap-tanggap naman ang mga dahilan, huwag lang ituro nang ituro ang maliit na aleng may sakit at halos ay hindi na makakain at makalingon dahil sa brace niya sa leeg?


Umamin!!!!!!

Discussion

Leave a response