0

Sa True State of the Nation Address (TSONA) ni Binay, Totoo ang mga Inireport niya Subali't Hindi siya Angkop bilang Taga-akusa

Posted on Tuesday, 4 August 2015

Sa True State of the Nation Address (TSONA)
Ni Binay, Totoo ang mga Inireport niya
Subalit hindi Siya Angkop Bilang Taga-akusa
Ni Apolinario Villalobos

Totoo ang mga ibinentang ni Binay sa administrasyon subalit hindi siya ang tamang tao na dapat ay nag-aakusa, dahil siya mismo ay inaakusahan din ng korapsyon. Kaya sa ginawa niya, nangyari sa kanya ang kasabihang, “habang itinuturo o dinuduro ng isang tao ang kanyang kapwa ng isang daliri, tatlong daliri naman ang nakaturo sa kanya”.

Mas maganda siguro kung naging totoo na lang si Binay sa pagbanggit na siya ay inaakusahan din subalit hindi kasingbigat ng mga inaakusa ng taong bayan sa administrasyon. Ang akusasyon kasi sa kanya ay nakapaloob sa lunsod ng Makati at may dagdag na “kapirasong” lupaing pang-asyenda lang naman ang sukat sa Batangas, hindi tulad ng sa administrasyon na buong kaban ng bayan ang sangkot, na dinagdagan pa ng pagkamanhid ng presidente daw. Sa ginawa niyang TSONA, gusto ni Binay na palabasing siya ay malinis subalit ang mga taga-administrasyon, lalo na si Pnoy ay marumi…bagay na hindi tanggap ng mga Pilipino.

Tulad ng inaasahan, kinontra ng Malakanyang ang mga sinabi ni Binay na ang ibang mga binanggit nito ay “sarado” na daw, subalit, bagay namang hindi pa rin tanggap ng taong bayan. Kung dinagdag ni Binay ang kaso ng Maguindanao massacre ay mas gumanda siguro ang kanyang paglalahad. Nag-aalala kaya siya na mawalan siya ng boto mula sa angkan ng mga Ampatuan sa Mindanao na hanggang ngayon ay namamayagpag pa at nagkokontrol pa rin ng malaking bahagi ng Cotabato? Kung ganito ang pinapahiwatig niya, ano ang kahihinatnan ng kaso kapag siya ang manalo bilang presidente?

Hindi rin binanggit ni Binay ang tungkol sa West Philippine Sea. Sa isang panayam sa kanya ng isang radio station sa Mindanao noon, pahapyaw niyang pinahiwatig na ang Tsina ay may kakayahang mag-develop ng karagatan ng West Philippine Sea dahil may pera ito. Para na niyang sinabi na makipagtulungan na lang ang Pilipinas sa gusto ng Tsina.

Namutiktik sa “foreign investment” ang TSONA ni Binay, na kailangan daw ng bansa sa pagsulong nito upang umunlad, at idiniin pa ng adbokasiya niyang baguhin ang Saligang Batas upang umayon sa kagustuhan ng mga banyagang may balak na mamuhunan sa bansa. Para na rin niyang sinabi na hayaan na lang sa mga banyaga ang pagpatakbo ng ekonomiya ng bansa.


Yan ba ang gusto ng mga Pilipinong maging presidente ng Pilipinas? ….isang taong may balak na mag-isantabi ng nasyonalismo at dangal ng lahi dahil sa pera na hindi rin sigurado kung matatamo nga dahil sa umiiral na lokohan sa mga kasunduan sa pagitan ng mga bansa?...isang taong hindi makatingin sa salamin upang malaman kung may dumi siya sa mukha o wala bago magpuna ng dumi sa mukha ng iba?

Discussion

Leave a response